Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
2 O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
3 Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
4 Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
ng iyong templong banal!
5 Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
at ng mga dagat na pinakamalayo.
6 Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
7 Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
ng ugong ng kanilang mga alon,
at ng pagkakaingay ng mga bayan.
8 Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.
9 Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
ang kanilang butil ay inihahanda mo,
sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
ang mga libis ay natatakpan ng butil,
sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.
Pahayag sa mga Bagay na Darating
48 Pakinggan mo ito, O sambahayan ni Jacob,
na tinatawag sa pangalan ng Israel,
at lumabas mula sa balakang ng Juda;
na sumumpa sa pangalan ng Panginoon,
at nagpahayag sa Diyos ng Israel,
ngunit hindi sa katotohanan, o sa katuwiran man.
2 (Sapagkat tinatawag nila ang kanilang mga sarili ayon sa lunsod na banal,
at nagtiwala sa Diyos ng Israel;
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan).
3 “Aking ipinahayag ang mga dating bagay mula nang una,
iyon ay lumabas sa aking bibig, at aking ipinakilala;
at bigla kong ginawa at ang mga iyon ay nangyari.
4 Sapagkat alam ko, na ikaw ay mapagmatigas,
at ang iyong leeg ay parang litid na bakal,
at ang iyong noo ay parang tanso,
5 aking ipinahayag sa iyo mula nang una;
bago nangyari ay ipinaalam ko sa iyo,
baka iyong sabihin, ‘Mga diyus-diyosan ko ang gumawa ng mga ito,
ang aking larawang inanyuan at ang aking larawang hinulma, ang nag-utos sa kanila.’
12 Sapagkat ang lahat ng nagkasala nang walang kautusan ay mapapahamak din nang walang kautusan; at ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan hahatulan.
13 Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang ganap sa harapan ng Diyos, kundi ang tumutupad sa kautusan ay aariing-ganap.
14 Sapagkat kung ang mga Hentil na likas na walang kautusan ay gumagawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, bagaman walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili.
15 Kanilang ipinakita na ang hinihiling ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, na rito'y nagpapatotoo rin ang kanilang budhi, at ang kanilang mga pag-iisip ay nagbibintang o nagdadahilan sa isa't isa;
16 sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001