Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Hari sa Hinaharap
9 Magalak(A) ka nang husto, O anak na babae ng Zion!
Sumigaw ka nang malakas, O anak na babae ng Jerusalem!
Narito, ang iyong hari ay dumarating sa iyo;
siya'y matuwid at matagumpay,
mapagpakumbaba at nakasakay sa isang asno,
sa isang batang asno na anak ng asnong babae.
10 Aking(B) aalisin ang karwahe mula sa Efraim,
at ang kabayo mula sa Jerusalem;
at ang mga busog na pandigma ay mapuputol;
at siya'y magsasalita ng kapayapaan sa mga bansa;
ang kanyang nasasakupan ay magiging mula sa kabilang dagat hanggang sa dagat,
at mula sa ilog hanggang sa mga dulo ng lupa.
11 Tungkol(C) naman sa iyo, dahil sa dugo ng aking tipan sa iyo
ay aking palalayain ang iyong mga bilanggo mula sa hukay na walang tubig.
12 Bumalik kayo sa inyong muog, kayong mga bilanggo na may pag-asa,
ngayo'y ipinahahayag ko na aking ibabalik sa inyo nang makalawa.
8 Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa.
10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Sapagkat(A) ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko.
16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.
17 Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.
18 Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa.
19 Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa.
20 Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.
21 Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit.
22 Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao.
23 Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako'y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan.
24 Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?
25 Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Kaya nga, ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan.
16 “Ngunit sa ano ko ihahambing ang lahing ito? Ito ay tulad sa mga batang nakaupo sa mga pamilihan na tumatawag sa kanilang mga kasama,
17 na sinasabi, ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw; tumangis kami, ngunit hindi kayo nahapis.’
18 Sapagkat dumating si Juan na hindi kumakain o umiinom at sinasabi nila, ‘Mayroon siyang demonyo.’
19 Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at isang maglalasing, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ Ngunit ang karunungan ay pinapagtibay ng kanyang mga gawa.”[a]
Ang Dakilang Paanyaya(A)
25 Nang oras na iyon ay sinabi ni Jesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol;
26 oo, Ama, sapagkat gayon ang mapagpala mong kalooban.[a]
27 Ang(B) lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at walang nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya.
28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.
29 Pasanin(C) ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.
30 Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001