Revised Common Lectionary (Complementary)
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
9 Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!
Ang Handaan ni Belshasar
5 Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo.
2 Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
3 Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
4 Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat.
6 Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.
7 Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, “Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian.”
8 Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito.
9 Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito.
10 Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha.
11 May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula,
12 palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan.”
Pangangalaga sa Kawan ng Diyos
5 Ngayon, bilang kapwa matanda at isang saksi sa mga pagdurusa ni Cristo, at bilang kabahagi sa kaluwalhatiang ihahayag, ipinapakiusap ko sa mga matatanda sa inyo,
2 na(A) pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangasiwa, na maglingkod bilang tagapangasiwa, hindi sapilitan kundi bukal sa loob, ayon sa kalooban ng Diyos,[a] ni hindi dahil sa mahalay na pakinabang, kundi may sigasig.
3 Huwag kayong maging panginoon ng mga pinangangasiwaan ninyo, kundi kayo'y maging mga halimbawa sa kawan.
4 At sa pagpapakita ng punong Pastol, tatanggapin ninyo ang hindi kumukupas na putong ng kaluwalhatian.
5 Gayundin(B) naman, kayong mga kabataan, pasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat ay magsuot ng kapakumbabaan sa inyong pakikitungo sa isa't isa, sapagkat “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga palalo, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”
6 Kaya't(C) kayo'y magpakumbaba sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang kayo'y kanyang itaas sa takdang panahon.
7 Ilagak ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya'y nagmamalasakit sa inyo.
8 Magpakatino kayo, magbantay kayo. Ang diyablo na inyong kaaway ay tulad ng leong gumagala at umuungal, na humahanap ng kanyang malalapa.
9 Siya'y labanan ninyo, maging matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nararanasan ng inyong mga kapatid sa buong sanlibutan.
10 At pagkatapos na kayo'y magdusa nang sandaling panahon, ang Diyos ng buong biyaya na sa inyo'y tumawag tungo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ay siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo.
11 Sumakanya nawa ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001