Revised Common Lectionary (Complementary)
Nakipagbuno si Jacob sa Peniel
22 Nang gabing iyon, siya'y bumangon at isinama niya ang kanyang dalawang asawa, ang kanyang dalawang aliping babae, at ang kanyang labing-isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc.
23 Sila'y kanyang isinama at itinawid sa batis, at kanya ring itinawid ang lahat ng kanyang ari-arian.
24 Naiwang(A) nag-iisa si Jacob at nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa magbukang-liwayway.
25 Nang makita ng lalaki na hindi siya manalo laban kay Jacob,[a] hinawakan niya ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, at ang kasu-kasuan ni Jacob ay nalinsad samantalang nakikipagbuno sa kanya.
26 Sinabi niya, “Bitawan mo ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na.” At sinabi ni Jacob,[b] “Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan mo.”
27 Sinabi ng lalaki kay Jacob, “Ano ang pangalan mo?” At kanyang sinabi, “Jacob.”
28 Sinabi(B) niya, “Ang iyong pangalan ay hindi na tatawaging Jacob, kundi Israel; sapagkat ikaw ay nakipaglaban sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”
29 Siya'y(C) tinanong ni Jacob, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin ang iyong pangalan.” At kanyang sinabi, “Bakit itinatanong mo ang aking pangalan?” At siya'y binasbasan doon.
30 Tinawag ni Jacob ang pangalan ng lugar na iyon na Peniel na sinasabi, “Sapagkat nakita ko ang Diyos sa harapan, at naligtas ang aking buhay.”
31 Sinikatan siya ng araw nang siya'y dumaraan sa Penuel; at siya'y papilay-pilay dahil sa kanyang hita.
Awit ng Pag-akyat.
121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
2 Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
na siyang gumawa ng langit at lupa.
3 Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
4 Siyang nag-iingat ng Israel
ay hindi iidlip ni matutulog man.
5 Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
6 Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
ni ng buwan man kapag gabi.
7 Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
8 Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
mula sa panahong ito at magpakailanpaman.
14 Subalit manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matatag na pinaniwalaan, yamang nalalaman mo kung kanino ka natuto,
15 at kung paanong mula sa pagkabata ay iyong nalaman ang mga banal na kasulatan na makakapagturo sa iyo tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
16 Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran,
17 upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, nasasangkapang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.
4 Sa harapan ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buháy at sa mga patay, at sa pamamagitan ng kanyang pagpapakita at sa kanyang kaharian, ay inaatasan kita:
2 ipangaral mo ang salita, magsikap ka sa kapanahunan at sa di-kapanahunan, magtuwid ka, manaway ka, mangaral ka na may buong pagtitiyaga at pagtuturo.
3 Sapagkat darating ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral; kundi, sa pagkakaroon nila ng makakating tainga, ay mag-iipon sila para sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling pagnanasa,
4 at tatalikod sa pakikinig sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at babaling sa mga kathang-isip.
5 Ngunit ikaw ay maging matino sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, ganapin mong lubos ang iyong ministeryo.
Ang Talinghaga ng Balo at ng Hukom
18 At isinalaysay ni Jesus[a] sa kanila ang isang talinghaga kung paanong sila'y dapat laging manalangin at huwag manlupaypay.
2 Sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang.
3 At sa lunsod na iyon ay may isang babaing balo na laging pumupunta sa kanya, na nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking kaaway.’
4 May ilang panahon na siya'y tumatanggi, subalit pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, ‘Bagaman ako'y hindi natatakot sa Diyos, at hindi gumagalang sa tao,
5 subalit dahil ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Kung hindi ay magsasawa ako sa kanyang patuloy na pagpunta rito.’”
6 At sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sinabi ng masamang hukom.
7 At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila?
8 Sinasabi ko sa inyo, mabilis niyang bibigyan sila ng katarungan. Gayunman, pagparito ng Anak ng Tao, makakatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001