Revised Common Lectionary (Complementary)
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
11 Ang mayamang tao ay marunong sa ganang kanyang sarili,
ngunit ang dukha na may unawa ay nagsusuri.
12 Kapag ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian;
ngunit kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukublihan.
13 Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsuway ay hindi sasagana,
ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga iyon ay magtatamo ng awa.
14 Mapalad ang tao na sa Panginoon ay natatakot tuwina,
ngunit siyang nagmamatigas ng kanyang puso ay mahuhulog sa sakuna.
15 Tulad ng umuungal na leon at ng osong sumasalakay,
gayon ang masamang pinuno sa maralitang bayan.
16 Ang pinunong kulang sa pang-unawa ay isang malupit na manlulupig,
ngunit siyang namumuhi sa kasakiman, kanyang mga araw ay lalawig.
17 Kung ang isang tao'y nagpapasan ng dugo ng sinuman,
hayaan siyang maging takas hanggang kamatayan;
huwag siyang tulungan ng sinuman.
18 Maliligtas ang lumalakad sa katapatan,
ngunit ang baluktot sa kanyang mga lakad ay mahuhulog sa hukay.
19 Siyang nagbubungkal ng kanyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay;
ngunit siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang gawa ay maghihirap nang lubusan.
20 Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala;
ngunit siyang nagmamadali sa pagyaman ay tiyak na parurusahan.
21 Hindi mabuti ang may kinikilingan;
ngunit gagawa ng masama ang isang tao dahil sa isang pirasong tinapay.
22 Ang kuripot ay nagmamadali sa pagyaman,
at hindi nalalaman na darating sa kanya ang kasalatan.
23 Siyang sumasaway sa isang tao ay makakasumpong sa ibang araw ng higit na pagpapala,
kaysa sa taong kunwari'y pumupuri sa pamamagitan ng dila.
24 Ang nagnanakaw sa kanyang ama o sa kanyang ina,
at nagsasabi, “Hindi ito masama,”
ay kasamahan ng maninira.
25 Nag-uudyok ng away ang taong sakim,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay payayamanin.
26 Siyang nagtitiwala sa kanyang sariling puso ay hangal;
ngunit maliligtas ang lumalakad na may katalinuhan.
27 Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi kakapusin,
ngunit siyang nagkukubli ng kanyang mga mata, sa sumpa'y pararamihin.
28 Kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukubli,
ngunit kapag sila'y namatay, ang matuwid ay dumarami.
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
43 Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos. Subalit habang ang lahat ay namamangha sa lahat ng kanyang ginagawa ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,
44 “Hayaang ang mga salitang ito ay pumasok sa inyong mga tainga, sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao.”
45 Subalit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito at ito'y inilihim sa kanila, upang ito'y hindi nila mabatid. At natakot silang magtanong sa kanya tungkol sa salitang ito.
Sino ang Pinakadakila(B)
46 Nagkaroon(C) ng isang pagtatalo sa kanila kung sino sa kanila ang pinakadakila.
47 Subalit dahil batid ni Jesus ang iniisip ng kanilang puso, kumuha siya ng isang maliit na bata at inilagay sa kanyang tabi.
48 At(D) sinabi sa kanila, “Sinumang tumanggap sa maliit na batang ito sa aking pangalan ay tinatanggap ako, at ang sinumang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin, sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ay siyang dakila.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001