Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 1

UNANG AKLAT

Dalawang Uri ng Pamumuhay

Mapalad ang taong
    hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
    ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
    at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
    na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
    ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.

Ang masama ay hindi gayon;
    kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
    ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
    ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.

Deuteronomio 7:12-26

Ang mga Pagpapala sa Pagiging Masunurin(A)

12 “Sapagkat(B) iyong pinakinggan ang mga batas na ito, at iyong iningatan at sinunod ang mga ito, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Diyos ang tipan at ang wagas na pag-ibig na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno.

13 Iibigin ka niya, pagpapalain, at pararamihin. Pagpapalain din niya ang iyong mga supling,[a] ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, ang iyong alak, ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa iyo at sa iyong mga ninuno.

14 Pagpapalain ka kaysa lahat ng mga bayan; walang magiging baog na babae o lalaki sa inyo o sa inyong mga hayop.

15 Aalisin sa iyo ng Panginoon ang lahat ng karamdaman; at hindi niya ilalagay sa iyo ang alinman sa masamang sakit sa Ehipto na iyong nalaman, kundi ilalagay niya ang mga ito sa lahat ng napopoot sa iyo.

16 At iyong pupuksain ang lahat ng mga tao na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos; huwag kang mahahabag sa kanila; ni maglilingkod sa kanilang mga diyos, sapagkat iyon ay magiging isang bitag sa iyo.

Ipinangako ang Tulong ng Panginoon

17 “Kapag sinabi mo sa iyong puso, ‘Ang mga bansang ito ay higit na dakila kaysa akin; paano ko sila mapapalayas?’

18 Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng Panginoon mong Diyos sa Faraon, at sa buong Ehipto,

19 ang napakaraming pagsubok na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, mga kababalaghan, ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig na sa pamamagitan nito ay inilabas ka ng Panginoon mong Diyos, gayundin ang gagawin ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng mga bayang iyong kinatatakutan.

20 Bukod dito'y susuguin sa kanila ng Panginoon mong Diyos ang malalaking putakti hanggang sa ang mga naiwan ay mamatay, pati na ang mga nagtatago sa harapan mo.

21 Huwag kang matatakot sa kanila, sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay nasa gitna mo, isang dakila at kakilakilabot na Diyos.

22 At unti-unting itataboy ng Panginoon mong Diyos ang mga bansang iyon sa harapan mo. Maaaring hindi mo agad sila puksain, baka ang mga hayop sa parang ay masyadong dumami para sa iyo.

23 Kundi ibibigay sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, at pupuksain sila ng isang malaking pagkalito hanggang sa sila'y malipol.

24 Kanyang ibibigay ang kanilang mga hari sa iyong kamay, at iyong papawiin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit. Walang taong magtatagumpay laban sa iyo hanggang sa mapuksa mo sila.

25 Iyong susunugin sa apoy ang mga larawang inanyuan na kanilang mga diyos; huwag mong pagnanasaan ang pilak o ang ginto na nasa mga iyon, ni kukunin mo para sa iyo, upang ikaw ay huwag mabitag nito, sapagkat ito'y karumaldumal sa Panginoon.

26 Huwag kang magpapasok ng karumaldumal sa iyong bahay, baka ikaw ay maging isang isinumpa na gaya niyon. Lubos mong kasusuklaman iyon at kamumuhian iyon, sapagkat iyon ay bagay na isinumpa.

Colosas 4:7-17

Mga Pagbati at Basbas

Ang(A) lahat na mga bagay tungkol sa akin ay ipababatid sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kapwa alipin sa Panginoon.

Siya(B) ang aking sinugo sa inyo ukol sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso;

kasama(C) niya si Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya'y isa sa inyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng mga bagay na nangyayari dito.

10 Binabati(D) kayo ni Aristarco na kasama kong bilanggo, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe—tungkol sa kanya'y tumanggap kayo ng mga utos—kung magpupunta siya sa inyo, siya ay inyong tanggapin,

11 at si Jesus na tinatawag na Justo. Ang mga ito lamang sa aking mga kamanggagawa sa kaharian ng Diyos ang kabilang sa pagtutuli at sila'y naging kaaliwan ko.

12 Binabati(E) kayo ni Epafras, na isa sa inyo, na alipin ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap para sa inyo sa kanyang pananalangin, upang kayo'y tumayong sakdal at lubos na nakakatiyak sa lahat ng kalooban ng Diyos.

13 Sapagkat nagpapatotoo ako para sa kanya na siya'y labis na nagpagal para sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa mga nasa Hierapolis.

14 Binabati(F) kayo ni Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni Demas.

15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nasa Laodicea, at si Nimfa, at ang iglesyang nasa kanyang bahay.

16 At kapag nabasa na ang sulat na ito sa inyo, ay ipabasa rin ninyo sa iglesya ng mga taga-Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea.

17 At(G) sabihin ninyo kay Arquipo, “Sikapin mong gampanan ang ministeryo na tinanggap mo sa Panginoon.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001