Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
64 O Diyos, ang hibik ko, ang aking dalangin sana ay pakinggan,
sa pagkaligalig dahil sa kaaway, huwag akong hayaan;
2 ipagtanggol ako sa mga pakana't lihim na sabwatan,
niyong mga pangkat na ang binabalak pawang kasamaan.
3 Ang kanilang dila'y katulad ng tabak na napakatalas,
tulad ng palasong iniaasinta kung sila'y mangusap.
4 Sa kublihan nila, sila'y nag-aabang sa mabuting tao,
at walang awa nilang tinutudla sa pagdaan nito.
5 Sa gawang masama ay nagsasabwatan, nag-uusap sila,
kung saan dadalhin ang patibong nilang di dapat makita.
6 At ang sasabihin pagkatapos nilang makapagbalangkas,
“Ayos na ayos na itong kasamaang ating binabalak.”
Damdamin ng tao at ang isip niya'y mahiwagang ganap!
7 Subalit ang Diyos na may palaso ri'y di magpapabaya,
walang abug-abog sila'y tutudlai't susugatang bigla.
8 Dahilan sa sila'y masamang nangungusap, kaya wawasakin,
at ang makakita sa gayong sinapit sila'y sisisihin;
9 yaong nakakita'y sisidlan ng takot, ipamamalita
ang gawa ni Yahweh at isasaisip ang kanyang ginawa.
10 Sa gawa ni Yahweh, ang mga matuwid pawang magagalak,
magpupuri sila at sa piling niya ay mapapanatag.
Itinulad sa Buwaya ang Faraon
32 Noong unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Egipto. Sabihin mo, ikaw ay batambatang leon sa gitna ng maraming bansa. Tulad ka ng buwaya sa mga batis ng Ilog Nilo. Binubulabog mo ang tubig at pinarurumi ng iyong mga paa. 3 Kapag natipon na ang mga bansa, pahahagisan kita ng lambat at ipaaahon sa katihan. 4 Ihahagis ka sa gitna ng parang. Pababayaan kong kainin ka ng mga ibon at hayop. 5 Ang iyong mga laman ay ikakalat sa kabundukan. Ang mga libis ay mapupuno ng iyong bangkay. 6 Ang lupain, kabundukan at mga batis ay matitigmak ng iyong dugo. 7 Sa(A) pagpapaalis ko sa iyo, tatakpan ko ang kalangitan. Tatakpan ko ng makapal na ulap ang mga bituin. Gayon din ang araw; at ang buwan ay hindi na magliliwanag. 8 Ang lahat ng tanglaw sa kalangitan ay pawang matatakpan. Sa lupain nama'y maghahari ang matinding kadiliman.
9 “Maraming bansa ang magugulo kapag naipamalita kong ikaw ay winasak ng mga bansang hindi mo kilala. 10 Maraming tao ang mamamangha sa nangyari sa iyo; manginginig ang mga hari kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang aking tabak. Ang lahat ay manginginig sa takot kapag nakita nilang ikaw ay aking ibinagsak.”
Pinagaling ang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
37 Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa inyo, tingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan nito. 40 Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ito ngunit hindi nila magawa.”
41 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”
42 Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. 43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.
Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(B)
Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad,
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.