Revised Common Lectionary (Complementary)
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!
28 Nauna ngang dumating si Ahimaaz. Yumukod siya sa harapan ng hari at sinabi, “Purihin si Yahweh na inyong Diyos, na siyang dumaig sa mga taong naghimagsik laban sa mahal na hari!”
29 “Kumusta ang anak kong si Absalom? Ligtas ba siya?” tanong ng hari.
“Kamahalan, isinugo po ako ng inyong lingkod na si Joab,” sagot ni Ahimaaz, “at noon pong paalis na ako, nagkakagulo sila at hindi ko po alam ang dahilan.”
30 Sinabi sa kanya ng hari, “Tumayo ka muna diyan sa isang tabi,” at ganoon nga ang ginawa ni Ahimaaz.
31 Dumating naman ang Cusita at ganito ang sabi: “Magandang balita, Kamahalan! Ngayong araw na ito'y iniligtas kayo ni Yahweh sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.”
32 “Kumusta ang anak kong si Absalom? Ligtas ba siya?” tanong ng hari.
“Mangyari nawa sa lahat ng inyong mga kaaway at sa lahat ng naghihimagsik laban sa inyo ang nangyari kay Absalom!”
33 Nang marinig ito'y naghinagpis ang hari. Umakyat siya sa isang silid sa itaas ng pintuan ng lunsod at buong pait na tumangis. Habang lumalakad siya'y sinasabi niya, “Anak kong Absalom! Anak ko, anak ko, Absalom! Ako na lang sana ang namatay at hindi ikaw, Absalom, anak ko, anak ko!”
Pinagsabihan ni Joab si Haring David
19 May nagbalita kay Joab na umiiyak at nagluluksa ang hari sa pagkamatay ni Absalom. 2 Kaya't napalitan ng pagluluksa ang dapat sana'y pagdiriwang dahil sa pagtatagumpay ng hukbo. Nabalitaan ng mga kawal na labis na dinamdam ng hari ang nangyari sa kanyang anak. 3 Dahil dito'y tahimik silang pumasok sa lunsod, na parang mga kawal na nahihiyang magpakita sa madla dahil sa pagkatalo sa labanan. 4 Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at umiyak nang malakas, “Absalom, anak ko! Absalom, anak ko!”
5 Pumasok si Joab sa silid at sinabi sa hari, “Sa araw na ito, inilagay ninyo sa kahihiyan ang inyong mga lingkod na nagligtas sa inyo, sa inyong mga anak, mga asawa at asawang-lingkod. 6 Minamahal ninyo ang namumuhi sa inyo at kinamumuhian ang nagmamahal sa inyo. Maliwanag ngayon na walang halaga sa inyo ang inyong mga opisyal at mga tauhan. Matamis pa yata sa inyo ang kami ay masawing lahat, basta't buháy lamang si Absalom. 7 Kaya, lumakad kayo ngayon din at harapin ninyo ang inyong mga tauhan at kilalanin ninyo ang kanilang katapatan. Kung hindi, isinusumpa ko sa pangalan ni Yahweh, sa gabi ring ito'y wala isa mang kawal na mananatili sa inyo. Kapag nangyari ito, ito na ang pinakamalaking kapahamakan sa buong buhay ninyo.” 8 Dahil dito, tumayo ang hari at naupo sa may pintuan ng lunsod. Nang malaman ito ng kanyang mga kawal, sila'y nagsilapit sa kanya.
Nagbalik si David sa Jerusalem
Samantala nagsitakas ang mga Israelita at nag-uwian sa kani-kanilang bayan.
Pinagaling ang Isang Paralitiko(A)
17 Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo doon. Sila'y galing sa bawat bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. 18 Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. 19 Ngunit wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinabâ sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.”
21 Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?”
22 Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 25 Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sa pagkamangha ay sinabi nila, “Nakakita tayo ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.