Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 34:15-22

15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
    sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
    at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
    inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
    at di binibigo ang walang pag-asa.

19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
    sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(A) siya nang lubus-lubusan,
    kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
    sa taglay na buhay ang siyang kikitil.

22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
    sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!

Josue 22:21-34

21 Sumagot ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases sa mga pinuno ng mga angkan ng Israel, 22 “Si Yahweh ay Diyos ng mga diyos! Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat. Siya lamang ang Diyos! Alam niya kung bakit ginawa namin ito, at dapat din ninyong malaman! Kung kami'y sumuway at kung kami'y nagtaksil kay Yahweh, huwag na niya kaming hayaang mabuhay sa araw na ito. 23 Kung nagtayo kami ng sariling altar upang suwayin si Yahweh, kung nag-alay kami ng handog na susunugin, o handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, parusahan nawa kami ni Yahweh!

24 “Ginawa namin ito sa takot na baka dumating ang araw na sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Ano ang kinalaman ninyo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel? 25 Siya na rin ang nagtakda na ang Ilog Jordan ay maging hangganang maghihiwalay sa atin. Kayong mga lipi ni Ruben at ni Gad ay walang bahagi kay Yahweh na Diyos ng Israel.’ Kapag nangyari iyon, ang aming mga anak ay maaaring hadlangan ng inyong mga anak sa pagsamba kay Yahweh. 26 Ang totoo, itinayo namin ang altar na ito, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog. 27 Itinayo namin ito upang maging bantayog para sa amin, para sa inyo, at para sa ating mga salinlahi—upang maging katibayan na talagang sinasamba natin si Yahweh sa pamamagitan ng mga handog na susunugin, mga alay at handog na pinagsasaluhan. Sa ganoon, hindi masasabi ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Wala kayong pakialam kay Yahweh.’ 28 At kung sakaling mangyari ito, masasabi ng aming mga anak, ‘Tingnan ninyo! Nagtayo ang aming mga ninuno ng isang altar na katulad ng altar ni Yahweh, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog, kundi upang maging saksi para sa amin at para sa inyo.’ 29 Kailanma'y hindi namin inisip sumuway kay Yahweh o tumalikod sa kanya. Hindi kami nagtayo ng iba pang altar na pagsusunugan ng handog, o pag-aalayan ng handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, bukod sa altar ni Yahweh—sa altar na nasa harap ng kanyang tabernakulo.”

30 Narinig ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ng Israel na kasama niya, ang sinabi ng mga lipi nina Ruben, Gad at Manases, at nasiyahan sila. 31 Kaya, sinabi sa kanila ni Finehas, ang anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin si Yahweh sa araw na ito. Hindi kayo nagtaksil kay Yahweh, kaya iniligtas ninyo ang Israel sa parusa ni Yahweh.”

32 Iniwan ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ang mga lipi ni Ruben at ni Gad sa lupain ng Gilead. Nagbalik na sila sa Canaan at iniulat sa Israel ang buong pangyayari. 33 Natuwa ang mga Israelita at nagpuri sa Diyos. Hindi na nila muling nabanggit ang balak nilang paglusob at pagwasak sa lupain nina Gad at Ruben.

34 Ang altar na iyon ay tinawag na “Saksi” sapagkat sabi ng mga lipi nina Gad at Ruben, “Saksi ito para sa ating lahat na si Yahweh ay siyang Diyos.”

Lucas 11:5-13

Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, ‘Kaibigan, pahiram muna ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo akong gambalain! Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng kahit ano.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? 13 Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”[a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.