Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 78:23-29

23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
    at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga(A) nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
    ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
    hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
    sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
    makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
    sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
    binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.

Exodo 12:33-42

33 Inapura sila ng mga Egipcio at sinabi sa kanila, “Mamamatay kaming lahat kapag hindi pa kayo umalis dito.” 34 Kaya, binalot nila ng damit ang minamasang harina na di na nalagyan ng pampaalsa, ni alisin sa sisidlan; pinasan nila iyon at umalis. 35 Noo'y(A) nahingi na nila sa mga Egipcio ang mga alahas na pilak at ginto at mga damit, tulad ng iniutos sa kanila ni Moises. 36 Ibinigay ng mga Egipcio ang anumang hingin ng mga Israelita sapagkat niloob na ni Yahweh na sila'y igalang ng mga ito. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang kayamanan ng mga Egipcio.

Ang Pag-alis ng mga Israelita sa Egipto

37 Mula sa Rameses, naglakbay ang mga Israelita patungong Sucot; humigit-kumulang sa animnaraang libo ang mga lalaki bukod pa sa mga babae at mga bata. 38 Maraming hindi Israelita ang sumama sa kanila; marami rin silang dalang tupa, kambing at baka. 39 At niluto nila ang dala nilang gagawing tinapay na wala pang pampaalsa. Hindi nila ito nakuhang lagyan pa ng pampaalsa sapagkat apurahan ang kanilang pag-alis sa Egipto; wala na silang panahong magluto ng pagkain.

40 Nanirahan(B) ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. 41 Huling araw ng ika-430 taon nang umalis sa Egipto ang lahat ng lipi ng bayan ni Yahweh. 42 Nang gabing iyon sila iniligtas ni Yahweh at inilabas sa Egipto, kaya ang gabing iyon ay itinalaga nila sa pag-aalaala sa pagliligtas sa kanila ni Yahweh. Ang pag-aalaalang iyon ay patuloy nilang gagawin habang panahon.

1 Corinto 11:17-22

Mga Maling Pagsasagawa ng Banal na Hapunan

17 Tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring purihin dahil ang inyong pagtitipon ay hindi nakakabuti, subalit nakakasama. 18 Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan. 19 Talaga namang magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa inyo upang makilala kung sino sa inyo ang mga tapat. 20 Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang sariling pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Hindi ba ninyo pinapahalagahan ang iglesya ng Diyos at hinihiya ninyo ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Pupurihin ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.