Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa
Isang Maskil[a] ni Asaf.
74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
2 Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
pati ang Zion na iyong dating tirahan.
3 Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.
4 Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
5 Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
6 Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
7 Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
8 Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.
9 Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.
12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.
18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.
20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.
22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.
17 Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, “Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?”
18 “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama. Sapagkat sinusuway ninyo ang mga utos ni Yahweh at ang pinaglilingkuran ninyo'y ang mga imahen ni Baal. 19 Ngayo'y tipunin ninyo ang buong Israel at ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ni Ashera na pinapakain ni Jezebel, at magtutuos kami sa Bundok ng Carmel,” sagot ni Elias.
20 Tinipon nga ni Ahab sa Bundok ng Carmel ang buong bayang Israel at ang mga propeta ni Baal. 21 Lumapit si Elias at sinabi sa taong-bayan, “Hanggang kailan pa kayo mag-aalinlangan? Kung si Yahweh ang tunay na Diyos, siya ang sundin ninyo; at kung si Baal naman, kay Baal kayo maglingkod.” Hindi umimik ang bayan. 22 Muling nagsalita si Elias, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ni Yahweh, samantalang may apatnaraan at limampu ang mga propeta ni Baal. 23 Magdala kayo rito ng dalawang toro. Hayaan ninyong ang isa sa mga ito ay patayin ng mga propeta ni Baal, at pagkatapos ay katayin at ilagay sa ibabaw ng mga kahoy. Huwag ninyong sisindihan. Gayundin naman ang gagawin ko sa isa pang toro. 24 Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman si Yahweh. Ang diyos na tumugon sa pamamagitan ng apoy, ang siyang tunay na Diyos.”
At sumagot ang bayan, “Sang-ayon kami!”
25 Sinabi naman ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag ninyong sisindihan ang kahoy.”
26 Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihanda ito. Mula umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng altar na itinayo nila. Ngunit walang sumasagot.
27 Nang katanghalian na'y hinamak na sila ni Elias. Sabi niya, “Lakasan pa ninyo! Isa siyang diyos, di ba? Baka nagbubulay-bulay pa siya, o kaya'y nasa palikuran! O baka naman may pinuntahan lang. O baka natutulog kaya't kailangang gisingin!” 28 Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Hiniwaan pa nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kutsilyo at punyal tulad ng kanilang kaugalian hanggang sa maging duguan sila. 29 Patuloy silang nagsigawan at nag-ungulan hanggang inabot sila ng hapon ngunit wala pa ring tinig o anumang sagot.
30 Nagsalita si Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang altar ni Yahweh na matagal nang gumuho. 31 Kumuha(A) siya ng labindalawang bato, katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ni Yahweh ng pangalang Israel. 32 Ang mga bato'y ginawa niyang altar para kay Yahweh. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na maaaring maglaman ng dalawang baldeng tubig. 33 Isinalansan niya ang mga kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Ganoon nga ang ginawa nila. 34 “Buhusan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binuhusan nila. “Isa pang buhos,” utos uli ni Elias. Tatlong beses nga nilang binuhusan ang handog hanggang sa 35 umagos ang tubig sa paligid ng altar at umapaw sa kanal.
36 Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng altar at nanalangin, “Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito sapagkat ito ang inyong utos. 37 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh, upang malaman ng bayang ito na kayo lang ang Diyos at nais ninyo silang magbalik-loob.”
38 Noon di'y nagpababa ng apoy si Yahweh at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. 39 Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpatirapa sila at sumigaw, “Si Yahweh ang Diyos! Si Yahweh lang ang Diyos!”
40 Iniutos ni Elias, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Hinuli nga sila ng mga mamamayan at dinala ni Elias sa batis ng Kison, at pinagpapatay doon.
Ang Pagkatalo ni Satanas
7 Pagkatapos ng sanlibong (1,000) taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. 8 Lalabas(A) siya at dadayain ang mga bansa mula sa apat na sulok ng daigdig, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito upang isama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay sindami ng buhangin sa tabing-dagat. 9 Kumalat sila sa buong daigdig at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lungsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas. 10 At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta. Pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman.
Ang Paghuhukom
11 Pagkatapos(B) nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. 12 Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. 13 Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at Daigdig ng mga Patay[a] ang mga patay na nasa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. 14 Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang Daigdig ng mga Patay.[b] Ang lawa ng apoy ang pangalawang kamatayan. 15 Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.