Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 130

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
    dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
    lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
    pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.

Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
    pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
    sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.

Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
    matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
    lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
    ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.

Genesis 2:4-14

Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa.

Ang Halamanan ng Eden

Nang likhain ng Panginoong Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit, wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang Panginoong Yahweh, at wala pa ring nagsasaka. Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa.[a]

Pagkatapos,(A) ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao[b] mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.

Gumawa ang Panginoong Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinatubo(B) niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama.

10 Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga. 11 Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. 12 Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. 13 Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia.[c] 14 Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates.

Lucas 8:4-15

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinghagang ito:

“Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ng mga tao at tinuka ng mga ibon. May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tig-iisandaan.”

At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)

Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. 10 Sumagot(C) si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y sa pamamagitan ng talinghaga. Nang sa gayon,

‘Tumingin man sila'y hindi sila makakakita;
    at makinig man sila'y hindi sila makakaunawa.’”

Ang Paliwanag tungkol sa Talinghaga(D)

11 “Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't pagdating ng pagsubok, sila'y tumitiwalag. 14 Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. 15 Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.