Revised Common Lectionary (Complementary)
Mga Lingkod ng Bagong Tipan
3 Ipagmamalaki na naman ba naming muli ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri ng aming mga sarili para sa inyo, o mula sa inyo? 2 Kayo mismo ang aming sulat na nakasulat sa aming mga puso at ito'y nauunawaan at nababasa ng lahat ng mga tao. 3 Ipinapahayag (A) ninyo na kayo'y sulat na ipinadala ni Cristo sa pamamagitan ng aming paglilingkod. Kayo'y isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas na yari sa bato kundi sa mga tapyas na gawa sa puso ng tao.
4 Mayroon kaming ganitong pagtitiwala sa pamamagitan ni Cristo sa harapan ng Diyos. 5 Hindi dahil sa mayroon kaming sariling kakayahan upang mag-angkin na sa amin galing ang anuman, kundi sa Diyos nanggaling ang aming kakayahan. 6 Ginawa (B) niya kaming karapat-dapat na maging mga lingkod ng bagong tipan, isang tipan na hindi batay sa titik, kundi sa Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.
Ang Pagtawag kay Levi(A)
13 Nagbalik si Jesus sa dalampasigan ng Galilea. Pinuntahan siya roon ng napakaraming tao at nagturo siya sa mga ito. 14 Sa kanyang paglalakad, nakita niyang nakaupo sa bayaran ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. “Sumunod ka sa akin,” sabi sa kanya ni Jesus. Tumayo naman si Levi at sumunod sa kanya.
15 Habang naghahapunan si Jesus sa bahay ni Levi, kasalo niya at ng kanyang mga alagad ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Marami sa kanila ang sumunod sa kanya. 16 Nang makita ng mga tagapagturo ng Kautusan na[a] kabilang sa mga Fariseo ang mga makasalanan at ang mga maniningil ng buwis, na kasalo ni Jesus, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya nakikisalo sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 17 Narinig sila ni Jesus, kaya't sinabi sa kanila, “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(B)
18 Nag-aayuno noon ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo. May mga lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ng mga Fariseo, ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?” 19 Sumagot si Jesus, “Maaari bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno. 20 Ngunit darating ang panahong kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal; doon pa lamang sila makapag-aayuno. 21 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, hahatakin nito ang luma, at lalong lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin ng bagong alak ang lumang balat. Matatapon lamang ang alak at masisira ang mga sisidlang-balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.