Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos ang Hari

93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
    ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
    kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
    bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.

Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
    lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
    maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
    malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
    higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.

Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
    sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

Daniel 7:1-8

Ang Pangitain ni Daniel tungkol sa Apat na Halimaw

Noong unang taon ni Belsazar bilang hari ng Babilonia, si Daniel ay nagkaroon ng pangitain sa kanyang panaginip. Isinulat ito ni Daniel.

Isang gabi nakita ko na kabi-kabila ay binabayo ng malakas na hangin ang malaking dagat. Mula(A) sa dagat ay may umahong apat na iba't ibang halimaw. Ang(B) una ay parang leon, ngunit may mga pakpak ng agila; habang ako'y nakatingin, nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong parang tao. Binigyan ito ng isip ng tao. Ang ikalawa naman ay parang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, “Sige, magpakasawa ka sa karne.” Ang ikatlo ay kahawig ng leopardo. Ito'y may apat na pakpak sa likod tulad ng sa ibon, apat din ang ulo, at binigyan ito ng kapangyarihan. Pagkaraan,(C) nakita ko ang ikaapat na halimaw. Nakakatakot ito at napakalakas. Bakal ang ngipin nito at niluluray ang anumang makagat at tinatapakan ang matira doon. Kakaiba ito sa tatlong nauna sapagkat ito'y may sampung sungay. Pinagmasdan(D) kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ang sungay na ito ay may mga mata na tulad sa tao at may bibig na nagsasalita ng sobrang kayabangan.

Daniel 7:15-18

Ang Kahulugan ng mga Pangitain

15 Akong si Daniel ay nalito at nabagabag dahil sa pangitaing iyon. 16 Kaya't nilapitan ko ang isang nakatayo roon at tinanong ko siya kung ano ang kahulugan ng mga bagay na aking nasaksihan. Ipinaliwanag naman niya ang mga ito sa akin. 17 Ang sabi niya, “Ang apat na halimaw ay apat na kahariang lilitaw sa daigdig. 18 Ngunit(A) ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos ang bibigyan ng karapatang mamahala magpakailanman.”

Juan 3:31-36

Si Jesus ang Mula sa Langit

31 Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Pinapatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit walang tumatanggap sa kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang sinasabi ng Diyos ay totoo. 34 Ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, sapagkat lubusang ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Espiritu. 35 Iniibig(A) ng Ama ang Anak, at ibinigay niya rito ang pamamahala sa lahat ng bagay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.