Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 146

Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas

146 Purihin si Yahweh!
    Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Pupurihin siya't aking aawitan;
    aking aawitan habang ako'y buháy.

Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
    kahit sa kaninong di makapagligtas;
kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
    kahit anong plano nila'y natatapos.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Deuteronomio 24:17-22

17 “Huwag(A) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mga dayuhan o ang mga ulila. Huwag din ninyong kukuning sangla ang balabal ng babaing balo. 18 Iniuutos ko ito sa inyo sapagkat dapat ninyong alalahaning naging alipin din kayo sa Egipto at iniligtas kayo roon ng Diyos ninyong si Yahweh.

19 “Kung(B) sa pagliligpit ng ani ay may maiwan kayong mga uhay, huwag na ninyong babalikan iyon; hayaan na ninyong mapulot iyon ng mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Sa ganoon, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ninyong gawain. 20 Kapag napitasan na ninyong minsan ang inyong mga olibo, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 21 Kapag naani na ninyo ang inyong ubas, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 22 Alalahanin ninyong kayo'y naging alipin din sa Egipto. Iyan ang dahilan kaya iniuutos ko ito sa inyo.

Marcos 11:12-14

Sinumpa ang Puno ng Igos(A)

12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. 13 Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. 14 Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad.

Marcos 11:20-24

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(A)

20 Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, “Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo.”

22 Sumagot si Jesus, “Manalig kayo sa Diyos. 23 Tandaan(B) ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.