Revised Common Lectionary (Complementary)
9 Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,
at ang pinili mong mag-iingat sa iyo'y Kataas-taasan.
10 Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan
kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
11 Sa(A) kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
12 Sa(B) kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
13 Iyong(C) tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik,
di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.
14 Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
15 Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,
aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan;
aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
16 Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,
at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
Binasbasan ni Melquisedec si Abram
17 Sa pagbabalik ni Abram, pagkatapos niyang talunin si Haring Kedorlaomer at ang iba pang mga haring kasama nito, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Libis ng Save, na tinawag ding Libis ng Hari. 18 Dinalhan(A) siya ni Melquisedec, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ng tinapay at alak, 19 at binasbasan,
“Pagpalain ka nawa, Abram, ng Kataas-taasang Diyos,
na lumikha ng langit at lupa.
20 Purihin ang Kataas-taasang Diyos,
na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”
At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang nasamsam buhat sa labanan.
21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Iyo na ang lahat ng bagay na nakuha mo, subalit ibalik mo sa akin ang lahat ng mga tauhan ko.”
22 Ngunit sumagot si Abram, “Sumumpa ako sa harapan ni Yahweh, ang Kataas-taasang Diyos na lumikha ng langit at lupa. 23 Nangako akong hindi kukuha ng anuman sa iyo, kahit kaputol na sinulid o tali ng sandalyas, para wala kang masabi na ikaw ang nagpayaman kay Abram. 24 Wala akong kukuning anuman para sa sarili ko. Ang mga nagamit lamang ng aking mga tauhan ang aking tatanggapin, at ang bahaging nauukol sa aking mga kakampi. Hayaan ninyong kunin nina Aner, Escol at Mamre ang bahaging nauukol sa kanila.”
Ang Magandang Balita ay para rin sa mga Hentil
7 Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. 8 Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, 9 at(A) upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,
“Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,
At aawitan ko ang iyong pangalan.”
10 Sinabi(B) rin,
“Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”
11 At(C) muling sinabi,
“Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil,
lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”
12 Sinabi pa ni Isaias,
“May isisilang sa angkan ni Jesse,
upang maghari sa mga Hentil;
siya ang kanilang magiging pag-asa.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
by