Revised Common Lectionary (Complementary)
Mapalad ang Mabuting Tao
112 Purihin si Yahweh!
Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
pati mga angkan ay may pagpapala.
3 Magiging sagana sa kanyang tahanan,
pagpapala niya'y walang katapusan.
4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8 Wala siyang takot, hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
9 Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
lumalayas silang mabagsik ang mukha;
pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
Isang Panawagan Upang Magsisi
6 Noong(A) panahon ni Haring Josias, sinabi sa akin ni Yahweh: “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Umaakyat siya sa bawat burol at nakikipagtalik sa lilim ng mayayabong na punongkahoy. 7 Akala ko'y babalik siya sa akin matapos gawin iyon. Ngunit hindi, at sa halip ay nakita pa ito ng kapatid niyang taksil na si Juda. 8 Nakita rin ng Juda nang pinalayas at hiwalayan ko ang Israel dahil sa pagtataksil sa akin at pagiging masamang babae. Ngunit hindi man lamang natakot ang taksil ding Juda. Naging masama rin siyang babae. 9 Ito'y hindi niya ikinahiya, bagkus ay dinumihan ang lupain nang mangalunya siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga bato at punongkahoy. 10 At pagkatapos ng lahat ng ito, nagkunwari ang taksil na Juda na bumabalik sa akin ngunit ito'y hindi taos sa kanyang puso. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh na kahit tumalikod sa kanya ang Israel, ito'y hindi kasinsama ng taksil na Juda. 12 Inutusan niya akong magpunta sa hilaga at sabihin sa Israel, “Manumbalik ka, taksil na Israel. Hindi na kita kagagalitan sapagkat ako'y mahabagin. Hindi habang panahon ang galit ko sa iyo. 13 Aminin mo lamang na nagkasala ka at naghimagsik laban kay Yahweh na iyong Diyos. Sabihin mo na sa ilalim ng bawat punongkahoy ay nakiapid ka sa kahit sinong diyos at hindi ka sumunod sa aking mga utos,” ang sabi ni Yahweh.
14 “Magbalik kayo sa akin, kayong mga taksil na anak, sapagkat ako ang inyong Panginoon,” sabi pa ni Yahweh. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Zion.
Ang Katuruan Laban sa Pangangalunya
27 “Narinig(A) ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. 29 Kung(B) ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. 30 Kung(C) ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”
Paghihiwalay Dahil sa Pangangalunya(D)
31 “Sinabi(E) rin naman, ‘Kapag makikipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit(F) sinasabi ko sa inyo, kapag nakipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, maliban kung ito ay nakikiapid,[a] itinutulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Katuruan tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig(G) din ninyong sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ 34 Ngunit(H) sinasabi ko sa inyo, huwag kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; 35 o(I) kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lungsod ng dakilang Hari. 36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin.
by