Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 116:1-9

Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan

116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
    dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
    kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
    nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
    lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,
    at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.

Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran,
    Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman.
Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo;
    noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala,
    pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya.

Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
    tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran.
Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan,
    doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy.

Josue 6:22-27

22 Sinabi ni Josue sa dalawang espiya na isinugo niya noon, “Pumunta kayo sa bahay ng babaing inyong tinuluyan. Ilabas ninyo siya at ang buo niyang angkan, ayon sa inyong pangako sa kanya.” 23 Pumunta nga sila at inilabas si Rahab, ang kanyang ama't ina, mga kapatid at mga alipin. Inilabas din nila pati ang kanyang mga kamag-anak at dinalang lahat sa kampo ng Israel. 24 Pagkatapos ay sinunog nila ang lunsod at tinupok ang lahat ng bagay na naroon, liban sa mga yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal. Ang mga ito'y inilagay nila sa kabang-yaman ni Yahweh. 25 Si(A) Rahab na isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw ay iniligtas ni Josue, pati ang buong angkan nito, sapagkat itinago nito ang mga lalaking isinugo upang lihim na magmanman sa Jerico. Ang mga naging anak at sumunod na salinlahi ni Rahab ay nanirahan sa Israel hanggang sa araw na ito.

26 Noon(B) di'y pinanumpa ni Josue ang buong bayan sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya,

“Sumpain ang sinumang magtatayong muli ng lunsod na ito ng Jerico.
Mamamatay ang anak na panganay ng sinumang muling maglalagay ng mga saligan nito.
Mamamatay ang anak na bunso ng magbabangong muli ng kanyang mga pintuan.”

27 Pinatnubayan ni Yahweh si Josue, at naging tanyag ang kanyang pangalan sa lupaing iyon.

Mateo 21:23-32

Pag-uusisa tungkol sa Karapatan ni Jesus(A)

23 Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?”

24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”

Kaya't sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ 26 Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam!”

Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’ 29 ‘Ayoko po,’ tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. 30 Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, ‘Opo,’ ngunit hindi naman pumunta sa ubasan. 31 Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?”

“Ang nakatatanda po,” sagot nila.

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat(B) naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.”