Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 106:1-6

Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel

106 Purihin(A) si Yahweh!

Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
    Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
    na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.

Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
    sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
    kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.

Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
    ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.

Mga Awit 106:13-23

13 Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kaagad nilimot,
    sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
14 Habang(A) nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,
    sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos.
15 Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit,
    ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit.

16 Sila(B) ay nagselos kay Moises habang nasa ilang,
    at kay Aaron, ang banal na lingkod na si Yahweh ang humirang.
17 Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa,
    si Datan, Abiram, pati sambahaya'y natabunang bigla.
18 Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog,
    at ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok.

19 Sa(C) may Bundok ng Sinai,[a] doon ay naghugis niyong gintong guya,
    matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.
20 Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
    sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
21 Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,
    ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.
22 Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala.
    Sa Dagat na Pula[b] yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
23 Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka,
    agad na dumulog kay Yahweh si Moises, namagitan siya,
    at hindi natuloy iyong kapasyahan na lipulin sila.

Mga Awit 106:47-48

47 Iligtas(A) mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,
    saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,
upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.

48 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
    purihin siya, ngayon at magpakailanman!
    Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!”

    Purihin si Yahweh!

Deuteronomio 4:21-40

21 Nagalit(A) sa akin si Yahweh dahil sa inyo, at isinumpa niyang hindi ako makakarating sa masaganang lupaing ibibigay niya sa inyo. 22 Hindi ninyo ako makakasama sa kabila ng Jordan. Dito na ako mamamatay ngunit kayo'y magpapatuloy upang sakupin ang lupaing iyon. 23 Mag-ingat kayo. Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang kasunduan ninyo ni Yahweh. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, gaya ng ipinagbawal niya sa inyo. 24 Sapagkat(B) si Yahweh na inyong Diyos ay tulad ng naglalagablab na apoy at siya ay mapanibughuing Diyos.

25 “Kahit gaano katagal ang abutin ninyo roon, kahit kayo'y magkaanak at magkaapo, huwag kayong gagawa ng mga larawan upang sambahin sapagkat magagalit sa inyo si Yahweh na inyong Diyos. Masama ito sa kanyang paningin. 26 Saksi ang langit at ang lupa na kapag nilabag ninyo ang utos na ito, hindi kayo magtatagal sa lupaing iyon sa kabila ng Jordan sapagkat malilipol kayo nang lubusan. 27 Paghihiwa-hiwalayin(C) kayo ni Yahweh sa iba't ibang bansa at kaunti lamang ang matitira sa inyo. 28 At sa lugar na pagtatapunan sa inyo ay maglilingkod kayo sa mga diyus-diyosang kahoy at bato na gawa ng mga tao. Sila'y hindi nakakakita, nakakarinig, nakakaamoy ni nakakakain. 29 Gayunman,(D) matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin. 30 Kapag nangyari na ang lahat ng ito, at kayo'y nasa matinding kahirapan, manunumbalik na kayo kay Yahweh at maglilingkod sa kanya. 31 Siya ay mahabagin. Hindi niya kayo pababayaang malipol sapagkat hindi niya kakalimutan ang kanyang kasunduan sa inyong mga ninuno.

32 “Ipagtanong ninyo kahit saan at kahit kanino kung may naganap nang tulad nito. May nasaksihan o nabalitaan na ba kayong gaya nito mula nang likhain ng Diyos ang daigdig? 33 Maliban sa inyo, mayroon pa bang ibang sambayanan na nakarinig sa tinig ng isang diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buháy? 34 Sino bang diyos ang nagtangkang maglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng tagisan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa sa Egipto ni Yahweh na inyong Diyos? 35 Ang(E) mga pangyayaring ito'y ipinakita niya sa inyo upang maniwala kayo na si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya. 36 Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo'y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy. 37 At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, pinili niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto. 38 Pinuksa niya ang mga bansang mas malaki at mas makapangyarihan kaysa inyo upang makapanirahan kayo sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon. 39 Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh. 40 Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa ganoon, pagpapalain kayo at ang lahing susunod sa inyo. Magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.”

Marcos 7:9-23

Sinabi pa ni Jesus, “Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! 10 Halimbawa,(A) iniutos ni Moises na ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Naihandog ko na sa Diyos[a] ang mga tulong ko sa inyo’; 12 ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. 13 Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong ginagawang katulad nito.”

Ang Nagpaparumi sa Tao(B)

14 Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! 15 Hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing pumapasok sa kanyang bibig, kundi dahil sa lumalabas dito. [16 Makinig ang may pandinig!]”[b]

17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba naman kayo ay hindi pa rin makaunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing ipinapasok niya sa kanyang bibig, 19 sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” (Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.)

20 At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. 21 Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, 22 mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay nanggagaling sa puso at dahil sa mga ito ay nagiging marumi ang tao.”