Revised Common Lectionary (Complementary)
10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
hindi magbabago.
Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
Ang Paghirang kay Eliseo
19 Umalis si Elias at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, inalis ni Elias ang kanyang balabal at ibinalabal kay Eliseo. 20 Iniwan naman ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap, “Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.”
Sumagot naman si Elias, “Sige, umuwi ka muna.”
21 Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging lingkod nito.
9 Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. 10 Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. 11 Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo[a] sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 Sa(A) pamamagitan niya ay napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa pamamagitan ng kanyang dugo].[b]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.