Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel
Isang Maskil[a] ni Asaf.
78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
2 Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
3 Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
4 Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.
52 Tinipon(A) ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,
inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53 Inakay(B) nga at naligtas, kaya naman di natakot,
samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54 Inihatid(C) sila ng Diyos sa lupain niyang banal,
sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55 Itinaboy(D) niyang lahat ang naroong namamayan,
pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;
sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.
56 Ngunit(E) sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57 katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,
nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59 Sumamâ ang loob niya noong ito ay mamasid,
itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60 Kaya't(F) kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,
yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61 Sagisag(G) ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,
binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,
kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63 Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,
dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64 Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,
ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.
65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;
parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,
napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,
at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,
at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69 Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,
katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;
lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.
70 Ang(H) kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,
isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,
nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,
lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.
13 Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. 14 Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig. 15 Hindi(A) nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?”
Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh. 16 At ito ang utos niya tungkol diyan: Bawat isa ay kukuha ng kailangan niya at ng mga kasama niya sa tolda, kalahating salop bawat isang tao.”
17 Namulot nga ang mga Israelita—may kumuha ng marami at may kumuha ng kaunti. 18 Ngunit(B) nang takalin nila ang kanilang nakuha, ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang. Sapat lang sa kanila ang kanilang nakuha. 19 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan.” 20 Ngunit ang ilan sa kanila'y hindi nakinig kay Moises. Kinabukasan, inuod at bumaho ang itinira nila. Kaya nagalit sa kanila si Moises. 21 Mula noon, tuwing umaga'y namumulot sila nang ayon sa kanilang kailangan. Pag-init ng araw, ito'y natutunaw.
22 Nang ikaanim na araw, doble ang kanilang pinulot, isang salop para sa isang tao. Nagpunta kay Moises ang mga pinuno ng bayan at sinabi ang nangyari. 23 Ipinaliwanag(C) naman ni Moises sa kanila, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Bukas ay Araw ng Pamamahinga, araw na nakatalaga kay Yahweh. Lutuin na ninyo ngayon ang gusto ninyong lutuin. Ang hindi mauubos ay itira ninyo para bukas.’” 24 Tulad ng sinabi sa kanila ni Moises, nagtira sila para sa kinabukasan, at iyo'y hindi nasira at hindi inuod. 25 At sinabi ni Moises, “Ito ang kakainin ninyo ngayon. Ngayon ay Araw ng Pamamahinga; wala kayong makukuha niyan ngayon. 26 Anim na araw kayong mamumulot niyan; ngunit sa ikapito, sa Araw ng Pamamahinga, ay wala kayong makukuha.”
Ang Poot at Habag ng Diyos
19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Tao(A) ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” 21 Wala(B) bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?
22 Kaya,(C) kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. 25 Ganito(D) ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas,
“Ang dating hindi ko bayan
ay tatawaging ‘Bayan ko,’
at ang dating hindi ko mahal
ay tatawaging ‘Mahal ko.’
26 At(E) sa lugar kung saan sinabing ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.”
27 Ito(F) naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas. 28 Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” 29 Si(G) Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y naging katulad ng Sodoma at Gomorra.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.