Revised Common Lectionary (Complementary)
12 Ito ay panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sila na tumutupad sa mga utos ng Diyos at patuloy na sumasampalataya kay Jesus.
13 At pagkatapos isang tinig ang narinig ko mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, pinagpala ang mga namatay dahil sa Panginoon.” “Totoo,” sabi ng Espiritu, “magpapahinga sila mula sa kanilang mga pagpapagal, sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.”
Ang Pag-aani sa Lupa
14 Pagkatapos, (A) tumingin ako, naroon ang isang puting ulap, nakaupo sa ibabaw nito ang isang tulad ng anak ng tao na may koronang ginto sa kanyang ulo, at may hawak na isang matalas na karit! 15 Isa (B) pang anghel ang lumabas mula sa templo, sumisigaw nang malakas sa kanyang nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat ang oras ng paggapas ay dumating na at ang aanihin sa lupa ay handa nang anihin.” 16 Kaya iwinasiwas sa lupa ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapasan ang lupa.
17 Isa pang anghel ang lumabas mula sa templo sa langit, may dala ring matalas na karit. 18 Pagkatapos ay isa pang anghel ang lumabas mula sa dambana, ang anghel na may kapangyarihan sa apoy. Nagsalita siya nang malakas sa anghel na may matalas na karit, “Gamitin mo ang iyong karit at anihin ang mga kumpol ng ubas sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito.” 19 Kaya iwinasiwas ng anghel ang kanyang karit sa lupa, tinipon ang mga aning ubas at inihagis ang mga ito sa malaking pisaan ng ubas na siyang poot ng Diyos. 20 At (C) pinisa ang mga ubas sa pisaan na nasa labas ng lungsod, at mula sa pisaan ay bumaha ang dugong umabot ang taas hanggang sa renda ng mga kabayo, at ang lawak ay halos tatlong daang kilometro.[a]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.