Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.
6 O(A) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
2 Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
3 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?
4 Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
5 Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?
6 Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
7 Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.
8 Lumayo(B) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.
Si Jeremias sa Isang Tuyong Balon
38 At narinig ni Shefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jehucal na anak ni Shelemias, at ni Pashur na anak ni Malkias ang mga salitang binibigkas ni Jeremias sa buong bayan, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot; ngunit ang lalabas patungo sa mga Caldeo ay mabubuhay, at ang kanyang buhay ay tataglayin niya bilang gantimpala ng digmaan, at siya'y mabubuhay.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang lunsod na ito ay tiyak na ibibigay sa kamay ng hukbo ng hari ng Babilonia at masasakop.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno sa hari, “Patayin ang lalaking ito, sapagkat pinahihina niya ang mga kamay ng mga kawal na naiwan sa lunsod na ito, at ang mga kamay ng buong bayan, sa pagsasalita ng gayong mga salita sa kanila. Sapagkat hindi hinahanap ng lalaking ito ang kapakanan ng bayang ito, kundi ang kanilang kapahamakan.”
5 At sinabi ni Haring Zedekias, “Narito, siya'y nasa inyong mga kamay; sapagkat ang hari ay walang magagawang anuman laban sa inyo.”
6 Kaya't kanilang dinakip si Jeremias at inihulog siya sa balon ni Malkias na anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay, sa pamamagitan ng pagbababa kay Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid. Noon ay walang tubig sa balon, kundi burak lamang at lumubog si Jeremias sa burak.
Iniahon si Jeremias sa Balon
7 Narinig ni Ebed-melec na isang eunuko na taga-Etiopia, na noon ay nasa bahay ng hari, na kanilang inilagay si Jeremias sa balon. Ang hari noo'y nakaupo sa Pintuan ng Benjamin.
8 Kaya't si Ebed-melec ay lumabas sa bahay ng hari, at nagsalita sa hari, na sinasabi,
9 “Panginoon kong hari, ang mga lalaking ito ay gumawa ng kasamaan sa lahat ng kanilang ginawa kay Jeremias na propeta sa pamamagitan ng paghuhulog sa kanya sa balon. Siya'y mamamatay doon sa gutom, sapagkat wala nang tinapay sa lunsod.”
10 Nang magkagayo'y iniutos ng hari kay Ebed-melec na taga-Etiopia, “Magsama ka mula rito ng tatlong lalaki at iahon mo si Jeremias na propeta mula sa balon bago siya mamatay.”
11 Sa gayo'y nagsama ng mga lalaki si Ebed-melec at pumasok sa bahay ng hari, sa taguan ng damit sa bodega at kumuha roon ng mga lumang basahan at mga lumang damit, at kanilang ibinaba sa hukay sa pamamagitan ng mga lubid kay Jeremias.
12 Sinabi ni Ebed-melec na taga-Etiopia kay Jeremias, “Ilagay mo ang mga basahan at lumang damit na ito sa pagitan ng iyong kilikili at ng mga lubid.” Gayon nga ang ginawa ni Jeremias.
13 Kanilang iniahon si Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid at itinaas siya mula sa balon. At si Jeremias ay nanatili sa himpilan ng bantay.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(A)
5 Ang labindalawang ito ay isinugo ni Jesus, at inutusan na sinasabi, “Huwag kayong pupunta sa pook ng mga Hentil, at huwag kayong papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano;
6 kundi puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa bahay ni Israel.
7 At(B) habang kayo ay humahayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’
8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit, buhayin ninyo ang mga patay, linisin ninyo ang mga ketongin, palayasin ninyo ang mga demonyo. Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad.
9 Huwag kayong magdala ng ginto, o pilak, o tanso sa inyong mga lalagyan ng pera;
10 o(C) supot sa inyong paglalakbay, o dalawang baro o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang pagkain.
11 Sa alinmang bayan o nayon kayo makapasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat; at makitira kayo sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
12 Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ito.
13 At kung karapat-dapat ang sambahayan, hayaang mapunta roon ang inyong kapayapaan, ngunit kung hindi karapat-dapat, hayaang mabalik sa inyo ang inyong kapayapaan.
14 Sinumang(D) hindi tumanggap sa inyo, o duminig sa inyong mga salita, pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa.[a]
15 Katotohanang(E) sinasabi ko sa inyo, higit pang mapapagtiisan sa araw ng paghuhukom ang mga lupain ng Sodoma at Gomorra, kaysa bayang iyon.
Mga Pag-uusig na Darating(F)
16 “Ngayon,(G) sinusugo ko kayong tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat, kaya't maging matalino kayong gaya ng mga ahas at maamong gaya ng mga kalapati.
17 Mag-ingat(H) kayo sa mga tao, sapagkat ibibigay nila kayo sa mga hukuman at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga,
18 at kakaladkarin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil.
19 Ngunit kapag kayo ay naibigay na nila, huwag kayong mangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin;
20 sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21 Ipagkakanulo(I) ng kapatid ang kanyang kapatid tungo sa kamatayan, at ng ama ang kanyang anak at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at ipapapatay nila ang mga ito.
22 At(J) kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ay maliligtas.
23 Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo tungo sa kasunod, sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Hindi ninyo mapupuntahan lahat ang mga bayan ng Israel, bago dumating ang Anak ng Tao.’
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001