Revised Common Lectionary (Complementary)
7 O Panginoon, dinaya[a] mo ako,
at ako'y nadaya;[b]
mas malakas ka kaysa akin,
at nanaig ka.
Ako'y nagiging katatawanan buong araw,
tinutuya ako ng bawat isa.
8 Sapagkat tuwing ako'y magsasalita, sumisigaw ako,
isinisigaw ko, “Karahasan at pagkawasak!”
Sapagkat ang salita ng Panginoon ay naging pagkutya at kadustaan sa akin sa bawat araw.
9 At kung aking sasabihin, “Hindi ko na siya babanggitin,
o magsasalita pa sa kanyang pangalan,”
waring sa aking puso ay may nag-aalab na apoy
na nakakulong sa aking mga buto,
at ako'y pagod na sa kapipigil dito,
at hindi ko makaya.
10 Sapagkat narinig ko ang marami na bumubulong.
Ang kilabot ay nasa lahat ng panig!
“Batikusin natin siya. Batikusin natin siya!”
Ang wika ng lahat kong mga kaibigan,
na nagmamatyag sa aking pagbagsak.
“Marahil siya'y madadaya,
kung magkagayo'y madadaig natin siya,
at tayo'y makakaganti sa kanya.”
11 Ngunit ang Panginoon ay kasama ko na gaya ng isang kinatatakutang mandirigma;
kaya't ang mga umuusig sa akin ay matitisod,
hindi nila ako madadaig.
Sila'y lubhang mapapahiya,
sapagkat sila'y hindi magtatagumpay.
Ang kanilang walang hanggang kahihiyan
ay hindi malilimutan.
12 O Panginoon ng mga hukbo, na sumusubok sa matuwid,
na nakakakita ng puso at pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila;
sapagkat sa iyo ay itinalaga ko ang aking ipinaglalaban.
13 Magsiawit kayo sa Panginoon,
purihin ninyo ang Panginoon!
Sapagkat kanyang iniligtas ang kaluluwa ng nangangailangan
mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
7 Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan,
at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan.
8 Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan,
sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan.
9 Sapagkat(A) ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos,
at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog.
10 Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno,
iyon ay naging kahihiyan ko.
11 Nang magsuot ako ng damit-sako,
naging bukambibig nila ako.
12 Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako,
at ako ang awit ng mga lasenggo.
13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14 sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.
16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
17 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod;
sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot.
18 O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin,
dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain!
Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy Dahil kay Cristo
6 Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay sumagana?
2 Huwag nawang mangyari. Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon?
3 O hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay mga nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan?
4 Kaya't(A) tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo tungo sa kamatayan; na kung paanong si Cristo ay muling nabuhay mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, gayundin naman tayo'y makakalakad sa panibagong buhay.
5 Sapagkat kung tayo'y naging kasama niya na katulad ng kanyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo sa kanyang muling pagkabuhay.
6 Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus, upang ang katawang makasalanan ay mawalan ng bisa, at upang tayo'y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan;
7 sapagkat ang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.
8 Subalit kung tayo'y namatay na kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay ding kasama niya.
9 Nalalaman nating si Cristo na nabuhay mula sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamatayan ay wala nang paghahari sa kanya.
10 Sapagkat ang kamatayan na ikinamatay niya ay kanyang ikinamatay sa kasalanan nang minsanan; ngunit ang buhay na kanyang ikinabubuhay ay kanyang ikinabubuhay sa Diyos.
11 Gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Jesus.
24 “Hindi(A) nakahihigit ang alagad sa kanyang guro, o ang alipin sa kanyang panginoon.
25 Sapat(B) na sa alagad ang maging tulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging tulad ng kanyang panginoon. Kung tinawag nilang Beelzebul ang panginoon ng sambahayan, gaano pa kaya nila lalaitin ang mga kasambahay niya!
Ang Dapat Katakutan(C)
26 “Kaya,(D) huwag ninyo silang katakutan sapagkat walang bagay na natatakpan na hindi mahahayag; at walang natatago na hindi malalaman.
27 Anumang sinasabi ko sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag; at ang narinig ninyo sa bulong ay ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bubungan.
28 At huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, ngunit hindi nakakapatay ng kaluluwa, kundi katakutan ninyo siyang makakapuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno.
29 Hindi ba ipinagbibili ng isang kusing ang dalawang maya? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi batid ng inyong Ama.
30 At maging ang mga buhok sa inyong ulo ay bilang na lahat.
31 Huwag nga kayong matakot; kayo ay higit na mahalaga kaysa maraming maya.
Pagkilala kay Cristo(E)
32 “Kaya't ang bawat kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harapan ng aking Ama na nasa langit.
33 Ngunit(F) sinumang magkaila sa akin sa harapan ng mga tao, ay ipagkakaila ko rin naman sa harapan ng aking Ama na nasa langit.
Hindi Kapayapaan kundi Tabak(G)
34 “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; hindi ako pumarito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak.
35 Sapagkat(H) pumarito ako upang paglabanin ang lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae.
36 At ang magiging kaaway ng tao ay ang sarili niyang mga kasambahay.
37 Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin;
38 at(I) ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.
39 Ang(J) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001