Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
2 Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
3 Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
oo, magalak nawa sila sa kasayahan!
4 Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
magalak kayo sa kanyang harapan.
5 Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
6 Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
7 O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
8 ang(A) lupa ay nayanig,
ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
9 Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.
19 Purihin ang Panginoon
na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.
Iniutos ng Diyos na Ihandog ni Abraham si Isaac
22 Pagkatapos(A) ng mga bagay na ito, sinubok ng Diyos si Abraham, at sinabi sa kanya, “Abraham,” at sinabi niya, “Narito ako.”
2 At(B) kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya bilang handog na susunugin sa itaas ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.”
3 Si Abraham ay maagang bumangon at inihanda ang kanyang asno. Isinama niya ang dalawa sa kanyang mga batang tauhan at si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin; at siya'y naghanda at pumunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos.
4 Nang ikatlong araw ay tumingin si Abraham at kanyang natanaw ang lugar na iyon sa malayo.
5 Sinabi ni Abraham sa kanyang mga batang tauhan, “Maghintay kayo rito at ng asno, at ako at ang bata ay pupunta roon upang kami ay sumamba. Babalikan namin kayo.”
6 At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang patalim at sila'y umalis na magkasama.
7 Nagsalita si Isaac kay Abraham na kanyang ama, “Ama ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako, anak.” Sinabi niya, “Narito ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang korderong handog na susunugin?”
8 Kaya't sinabi ni Abraham, “Anak ko, ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin.” At sila'y umalis na magkasama.
9 At(C) sila'y dumating sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nagtayo roon si Abraham ng isang dambana, inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng kahoy na nasa ibabaw ng dambana.
10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang patalim upang patayin ang kanyang anak.
11 Ngunit tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, “Abraham, Abraham.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”
12 At sa kanya'y sinabi, “Huwag mong sasaktan ang bata, o gawan man siya ng anuman, sapagkat ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak.”
13 Kaya't tumingin si Abraham, at nakita niya ang isang tupang lalaki sa likuran niya na ang mga sungay ay sumabit sa mga tinik. Lumapit si Abraham at kinuha ang tupa, at siyang inialay na handog na susunugin kapalit ng kanyang anak.
14 Kaya't tinawag ni Abraham ang lugar na iyon Yahweh-yireh.[a] Kaya't sinasabi hanggang sa araw na ito: “Sa bundok ng Panginoon ito ay ipagkakaloob.”
Tinanggap si Pablo ng mga Apostol
2 Pagkalipas(A) ng labing-apat na taon, muli akong nagtungo sa Jerusalem kasama si Bernabe, at isinama ko rin si Tito.
2 Ngunit ako'y nagtungo dahil sa isang pahayag, at isinaysay ko sa harapan nila ang ebanghelyo na aking ipinangangaral sa mga Hentil (subalit palihim sa harapan ng mga kinikilalang pinuno), baka sa anumang paraan ako'y tumatakbo, o tumakbo nang walang kabuluhan.
3 Subalit maging si Tito na kasama ko ay hindi pinilit na patuli, bagama't isang Griyego.
4 Subalit dahil sa mga huwad na kapatid na lihim na ipinasok, na pumasok upang tiktikan ang kalayaan na taglay namin kay Cristo Jesus, upang kami'y alipinin—
5 sa kanila ay hindi kami sumuko upang magpasakop, kahit isang saglit, upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatili sa inyo.
6 Subalit(B) mula sa mga wari'y mga kinikilalang pinuno—maging anuman sila, ay walang anuman sa akin: ang Diyos ay hindi nagpapakita ng pagtatangi—ang mga pinunong iyon ay hindi nagdagdag ng anuman sa akin.
7 Kundi nang makita nila na sa akin ay ipinagkatiwala ang ebanghelyo para sa mga hindi tuli, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang ebanghelyo sa mga tuli,
8 sapagkat ang gumawa sa pamamagitan ni Pedro sa pagka-apostol sa mga tuli ay siya ring gumawa sa akin sa pagka-apostol sa mga Hentil;
9 at nang malaman nila ang biyayang sa akin ay ipinagkaloob, ang mga kanang kamay ng pakikisama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe nina Santiago, Cefas[a] at Juan, sila na itinuturing na mga haligi, upang kami ay pumunta sa mga Hentil, at sila'y para sa mga tuli.
10 Ang kanila lamang hiniling ay aming alalahanin ang mga dukha, na siya namang aking pinananabikang gawin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001