Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
9 Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.
11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.
Nagmalasakit si Nehemias sa Jerusalem
1 Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hacalias.
Sa buwan ng Chislev, nang ikadalawampung taon, samantalang ako'y nasa Susa na siyang kabisera,[a]
2 si Hanani, isa sa aking mga kapatid, ay dumating na kasama ang ilang lalaki mula sa Juda. Tinanong ko sila tungkol sa mga Judio na natirang buháy, na nakatakas sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem.
3 Sinabi nila sa akin, “Ang mga natirang buháy sa lalawigan na nakatakas sa pagkabihag ay nasa isang malubhang kalagayan at kahihiyan. Ang pader ng Jerusalem ay wasak at ang mga pintuan nito ay natupok ng apoy.”
4 Nang marinig ko ang mga salitang ito, ako'y umupo, umiyak, at tumangis nang ilang araw; at ako'y nagpatuloy sa pag-aayuno at pananalangin sa harapan ng Diyos ng langit.
5 Aking sinabi “O, Panginoong Diyos ng langit, ang dakila at kasindak-sindak na Diyos, na nag-iingat ng tipan at ng tapat na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya, at nag-iingat ng kanyang mga utos;
6 makinig ka sana ngayon at imulat ang iyong mga mata upang makinig sa dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin ngayon sa harap mo araw at gabi para sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod. Aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming nagawa laban sa iyo. Ako at ang aking sambahayan ay nagkasala.
7 Napakasama ng aming nagawa laban sa iyo, at hindi namin iningatan ang mga utos, mga tuntunin, o ang mga batas na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises.
8 Alalahanin(A) mo ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y hindi tapat, ikakalat ko kayo sa lahat ng mga bayan;
9 ngunit(B) kung kayo'y manumbalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos at gawin ang mga ito, bagaman ang inyong pagkawatak-watak ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng mga langit, aking titipunin sila mula roon at dadalhin ko sila sa lugar na aking pinili upang patirahin doon ang aking pangalan.’
10 Ang mga ito ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na tinubos mo sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay.
11 O Panginoon, pakinggan mo nawa ang panalangin ng iyong lingkod na nalulugod na igalang ang iyong pangalan. Pagtagumpayin mo ngayon ang iyong lingkod, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito.”
Noon ay tagapagdala ako ng kopa ng hari.
Ang Pagpapagaling sa Lumpo
3 Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.[a]
2 At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.
3 Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.
4 Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.”
5 Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.
6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret,[b] tumayo ka at lumakad.”
7 Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.
8 Siya'y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.
9 Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos.
10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001