Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
21 “Kung siya'y dukha at ang kanyang kakayahan ay hindi makakasapat, kukuha siya ng isang korderong lalaki na handog para sa budhing maysala bilang handog na iwinawagayway upang ipantubos sa sarili, at ng ikasampung bahagi ng harina na hinaluan ng langis bilang butil na handog, ng isang log ng langis;
22 at ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, ayon sa kanyang kaya; at ang isa ay magiging handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog.
23 Sa ikawalong araw ay kanyang dadalhin ang mga iyon sa pari sa pintuan ng toldang tipanan para sa kanyang paglilinis sa harapan ng Panginoon.
24 At kukunin ng pari ang korderong handog para sa budhing maysala at ang log ng langis at iwawagayway ang mga ito ng pari bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.
25 Kanyang papatayin ang korderong handog para sa budhing maysala, at kukuha ang pari ng dugo mula sa handog para sa budhing maysala, at ilalagay sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanyang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin;
26 at ibubuhos ng pari ang langis sa ibabaw ng palad ng kanyang kaliwang kamay.
27 Pitong ulit na iwiwisik ng pari sa pamamagitan ng kanyang kanang daliri ang langis na nasa kanyang kaliwang kamay sa harapan ng Panginoon.
28 At ilalagay ng pari ang langis na nasa kanyang kamay sa dulo ng kanang tainga, at hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin sa ibabaw ng pinaglagyan ng dugo ng handog para sa budhing maysala.
29 Ang nalabing langis na nasa kamay ng pari ay ilalagay niya sa ulo ng taong lilinisin, upang ipantubos sa kanya sa harapan ng Panginoon.
30 At kanyang ihahandog ang isa sa mga batu-bato o sa mga inakay ng kalapati, kung alin ang kanyang kaya.
31 Kung alin ang abot ng kanyang kaya, ang isa'y handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog, bukod sa butil na handog. At ang pari ay gagawa ng pagtubos sa harapan ng Panginoon para sa kanya na lilinisin.
32 Ito ang batas tungkol sa may sakit na ketong na hindi kayang bumili ng mga handog para sa kanyang paglilinis.”
Binuhusan ng Pabango si Jesus(A)
6 Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin,
7 lumapit(B) sa kanya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na may lamang mamahaling pabango at ibinuhos sa kanyang ulo, habang siya'y nakaupo sa may hapag.
8 Subalit nang makita ito ng mga alagad, ay nagalit sila, na nagsasabi, “Anong layunin ng pag-aaksayang ito?
9 Sapagkat maipagbibili sana ito sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.”
10 Ngunit nang malaman ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Sapagkat gumawa siya sa akin ng isang mabuting bagay.
11 Sapagkat(C) lagi ninyong kasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama.
12 Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan, ginawa niya iyon upang ihanda ako sa paglilibing.
13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, saan man ipangaral ang magandang balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasaysayin bilang pag-alaala sa kanya.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001