Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
Mga Batas tungkol sa mga Sakit sa Balat
13 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron:
2 “Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng pamamaga sa balat ng kanyang katawan, o langib, o kaya'y singaw, at sa balat ng kanyang katawan ay naging salot na ketong, dadalhin siya sa paring si Aaron, o sa isa sa kanyang mga anak na pari.
3 Susuriin ng pari ang bahaging may karamdaman na nasa balat ng kanyang katawan; at kung ang balahibo sa salot ay pumuti, at ang anyo ng karamdaman ay higit na malalim kaysa balat ng kanyang katawan, ito nga ay salot na ketong. Pagkatapos na siya'y masuri ng pari, ipahahayag niya na marumi siya.
4 Subalit kung ang pamamaga ay maputi sa balat ng kanyang katawan, at makitang ito ay hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay hindi pumuti, ibubukod ng pari ang may karamdaman sa loob ng pitong araw.
5 Siya'y susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay tumigil at ito ay hindi kumalat sa balat, ibubukod siyang muli ng pari sa loob ng pitong araw pa.
6 Muli siyang susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay namutla, at ang sakit ay hindi kumalat sa balat, kung gayon ay ipahahayag siya ng pari na malinis. Iyon ay isa lamang singaw at lalabhan niya ang kanyang damit, at magiging malinis.
7 Subalit kung ang singaw ay kumakalat sa balat pagkatapos na siya'y magpakita sa pari para sa kanyang paglilinis, siya ay muling magpapakita sa pari.
8 Siya'y susuriin ng pari, at kung ang singaw ay kumakalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ketong[a] nga iyon.
9 “Kapag ang salot na ketong ay nasa isang tao, siya ay dadalhin sa pari.
10 Siya'y susuriin ng pari, at kung may maputing pamamaga sa balat, at pumuti ang balahibo, at may buháy na laman sa pamamaga,
11 iyon ay matagal nang ketong sa balat ng kanyang laman. Siya'y ipahahayag ng pari na marumi; hindi siya ikukulong sapagkat siya'y marumi.
12 At kung kumalat ang ketong sa balat, at ang ketong ay bumalot sa buong balat ng may salot, mula sa ulo hanggang sa kanyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng pari;
13 kung gayo'y susuriin siya ng pari, at kung makitang ang ketong ay kumalat na sa kanyang buong katawan, kanyang ipahahayag na siya'y malinis na sa sakit. Yamang ito'y pumuting lahat, siya'y malinis.
14 Subalit sa araw na makitaan siya ng lamang buháy, siya ay magiging marumi.
15 Susuriin ng pari ang lamang buháy, at siya'y ipahahayag na marumi; ang lamang buháy ay marumi; ito ay ketong.
16 Ngunit kapag pumuti ang lamang buháy, ay lalapit siya sa pari;
17 siya'y susuriin ng pari, at kung ang karamdaman ay pumuti, ang may karamdaman ay ipahahayag ng pari na malinis; siya nga'y malinis.
7 Magtiis kayo alang-alang sa disiplina. Kayo ay pinapakitunguhan ng Diyos bilang mga anak, sapagkat ano ngang anak ang hindi dinidisiplina ng ama?
8 Ngunit kung kayo ay hindi dinidisiplina, na siyang naranasan ng lahat, kung gayon kayo'y mga anak sa labas, at hindi mga tunay na anak.
9 Bukod dito, tayo'y nagkaroon ng mga ama sa laman upang tayo'y disiplinahin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay?
10 Sapagkat tayo'y kanilang dinidisiplina nang maikling panahon ayon sa kanilang minamabuti, ngunit dinidisiplina niya tayo alang-alang sa ikabubuti natin, upang tayo'y makabahagi sa kanyang kabanalan.
11 Subalit ang lahat ng disiplina sa kasalukuyan ay tila hindi kanais-nais kundi masakit, subalit sa hinaharap ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga nasanay sa pamamagitan nito.
Mga Tagubilin at mga Babala
12 Kaya't(A) itaas ninyo ang mga kamay na nanghihina at muling palakasin ang mga tuhod na nanlulupaypay,
13 at(B) gumawa kayo ng matuwid na landas para sa inyong mga paa, upang huwag malinsad ang pilay, kundi bagkus ay gumaling.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001