Revised Common Lectionary (Complementary)
75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, Oh Dios: kami ay nagpapasalamat, sapagka't ang iyong pangalan ay malapit: isinasaysay ng mga tao ang iyong mga kagilagilalas na gawa.
2 Pagka aking nakamtan ang takdang kapanahunan, hahatol ako ng matuwid.
3 Ang lupa at lahat na tagarito ay natutunaw: aking itinayo ang mga haligi niyaon. (Selah)
4 Aking sinabi sa hambog, Huwag kang gumawang may kahambugan: at sa masama, Huwag kang magtaas ng sungay:
5 Huwag mong itaas ang iyong sungay ng mataas; huwag kang magsalitang may matigas na ulo.
6 Sapagka't hindi man mula sa silanganan, o mula man sa kalunuran, o mula man sa timugan, ang pagkataas.
7 Kundi ang Dios ay siyang hukom: kaniyang ibinababa ang isa, at itinataas ang isa.
8 Sapagka't sa kamay ng Panginoon ay may isang saro, at ang alak ay bumubula; puno ng pagkakahalohalo, at kaniyang inililiguwak din: tunay na ibubuhos ng lahat na masama sa lupa ang latak, at iinumin.
9 Nguni't aking ipahahayag magpakailan man, ako'y aawit ng mga kapurihan sa Dios ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay naman ng masama ay aking ihihiwalay; nguni't ang mga sungay ng matuwid ay matataas.
1 Ang hula tungkol sa Ninive. Ang aklat tungkol sa pangitain ni Nahum na Elkoshita.
2 Ang Panginoon ay mapanibughuing Dios at nanghihiganti; ang Panginoon ay nanghihiganti at puspos ng kapootan; ang Panginoon ay nanghihiganti sa kaniyang mga kaaway, at siya'y nagtataan ng kapootan sa kaniyang mga kaaway.
3 Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit, at dakila sa kapangyarihan, at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin: ang daan ng Panginoon ay sa ipoipo at sa bagyo, at ang mga ulap ay siyang alabok ng kaniyang mga paa.
4 Kaniyang sinasaway ang dagat, at tinutuyo, at tinutuyo ang lahat na ilog: ang Basan ay nanlalata, at ang Carmelo; at ang bulaklak ng Libano ay nalalanta.
5 Ang mga bundok ay nanginginig dahil sa kaniya, at ang mga burol ay nangatutunaw; at ang lupa'y lumilindol sa kaniyang harapan, oo, ang sanglibutan, at ang lahat na nagsisitahan dito.
6 Sino ang makatatayo sa harap ng kaniyang pagkagalit? at sino ang makatatahan sa kabangisan ng kaniyang galit? ang kaniyang kapusukan ay sumisigalbong parang apoy, at ang mga malaking bato ay nangatitibag niya.
7 Ang Panginoo'y mabuti, katibayan sa kaarawan ng kabagabagan; at nakikilala niya yaong nangaglalagak ng kanilang tiwala sa kaniya.
8 Nguni't sa pamamagitan ng manggugunaw na baha ay kaniyang lubos na wawakasan ang kaniyang dako, at hahabulin ang kaniyang mga kaaway sa kadiliman.
9 Ano ang inyong kinakatha laban sa Panginoon? siya'y gagawa ng lubos na kawakasan; ang pagdadalamhati ay hindi titindig na ikalawa.
10 Sapagka't yamang sila'y maging gaya ng mga salasalabat na tinik, at maging napakalasing na parang manglalasing, sila'y lubos na masusupok na parang tuyong dayami.
11 May lumabas na isa sa iyo, na nagiisip ng kasamaan laban sa Panginoon, na pumapayo ng masama.
12 Ganito ang sabi ng Panginoon: Bagaman sila'y nangasa lubos na kalakasan, at totoong marami, gayon may sila'y nangalulugmok, at daraan siya. Bagaman pinagdalamhati kita, hindi na kita pagdadalamhatiin pa.
13 At ngayo'y aking babaliin ang kaniyang pamatok na nasa iyo, at aking sisirain ang iyong mga paningkaw.
12 Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya kay Jesus.
13 At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit na nagsasabi, Isulat mo, Mapapalad ang mga patay na nangamamatay sa Panginoon mula ngayon: oo, sinasabi ng Espiritu, upang sila'y mangagpahinga sa kanilang mga gawa; sapagka't ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.
14 At nakita ko, at narito, ang isang alapaap na maputi; at nakita ko na nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng tao, na sa kaniyang ulo'y may isang putong na ginto, at sa kaniyang kamay ay may isang panggapas na matalas.
15 At lumabas ang ibang anghel sa templo, na sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap, Ihulog mo ang iyong panggapas, at gumapas ka; sapagka't dumating ang oras ng paggapas, sapagka't ang aanihin sa lupa ay hinog na.
16 At inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kaniyang panggapas sa lupa; at ang lupa ay nagapasan.
17 At lumabas ang ibang anghel sa templong nasa langit, na may panggapas din namang matalas.
18 At ang ibang anghel ay lumabas sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tinawagan ng malakas na tinig yaong may panggapas na matalas, na sinasabi, Ihulog mo ang iyong panggapas na matalas, at putihin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa; sapagka't ang kaniyang mga ubas ay mga hinog na.
19 At inihagis ng anghel ang kaniyang panggapas sa lupa, at pinuti ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa pisaan ng ubas, sa malaking pisaan ng kagalitan ng Dios.
20 At nayurakan ang pisaan ng ubas sa labas ng bayan, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umapaw hanggang sa mga preno ng mga kabayo, sa lawak na isang libo at anim na raang estadio.
Public Domain