Revised Common Lectionary (Complementary)
92 Isang mabuting bagay ang magpapasalamat sa Panginoon, at umawit ng mga pagpuri sa iyong pangalan, Oh Kataastaasan:
2 Upang magpakilala ng iyong kagandahang-loob sa umaga, at ng iyong pagtatapat gabigabi.
3 Na may panugtog na may sangpung kawad, at may salterio; na may dakilang tunog na alpa.
4 Sapagka't ikaw, Panginoon, iyong pinasaya ako sa iyong gawa: ako'y magtatagumpay sa mga gawa ng iyong mga kamay.
5 Kay dakila ng iyong mga gawa, Oh Panginoon! Ang iyong mga pagiisip ay totoong malalim.
6 Ang taong hangal ay hindi nakakaalam; ni nauunawa man ito ng mangmang.
7 Pagka ang masama ay lumilitaw na parang damo, at pagka gumiginhawa ang lahat na manggagawa ng kasamaan; ay upang mangalipol sila magpakailan man:
8 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mataas magpakailan man.
9 Sapagka't, narito, ang mga kaaway mo, Oh Panginoon, sapagka't, narito, ang mga kaaway mo'y malilipol; lahat ng mga manggagawa ng kasamaan ay mangangalat.
10 Nguni't ang sungay ko'y iyong pinataas na parang sungay ng mailap na toro: ako'y napahiran ng bagong langis.
11 Nakita naman ng aking mata ang nasa ko sa aking mga kaaway, narinig ng aking pakinig ang nasa ko sa mga manggagawa ng kasamaan na nagsisibangon laban sa akin.
12 Ang matuwid ay giginhawa na parang puno ng palma. Siya'y tutubo na parang cedro sa Libano.
13 Sila'y nangatatag sa bahay ng Panginoon; sila'y giginhawa sa mga looban ng aming Dios.
14 Sila'y mangagbubunga sa katandaan; sila'y mapupuspos ng katas at kasariwaan:
15 Upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid; siya'y aking malaking bato, at walang kalikuan sa kaniya.
23 Ang nasa ng matuwid ay buti lamang: nguni't ang hintay ng masama ay poot.
24 May nagsasabog, at tumutubo pa, at may humahawak naman ng higit kay sa karampatan, nguni't nauuwi lamang sa pangangailangan.
25 Ang kaluluwang mapagbigay ay tataba: at siyang dumidilig ay madidilig din.
26 Siyang humahawak ng trigo ay susumpain siya ng bayan: nguni't kapurihan ay mapapasaulo niya na nagbibili niyaon.
27 Siyang humahanap na masikap ng mabuti ay humahanap ng lingap: nguni't siyang kumakatha ng sama ay sa kaniya lalagpak.
28 Siyang tumitiwala sa kaniyang mga kayamanan ay mabubuwal: nguni't ang matuwid ay mamumukadkad na parang sariwang dahon.
29 Siyang bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan ay magmamana ng hangin: at ang mangmang ay magiging alipin ng pantas sa puso.
30 Ang bunga ng matuwid ay punong kahoy ng buhay; at siyang pantas ay humihikayat ng mga kaluluwa.
10 At nagsilapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kaniya, Bakit mo sila pinagsasalitaan sa mga talinghaga?
11 At sumagot siya at sinabi sa kanila, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, datapuwa't hindi ipinagkaloob sa kanila.
12 Sapagka't sinomang mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't sinomang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.
13 Kaya't sila'y pinagsasalitaan ko sa mga talinghaga; sapagka't nagsisitingin ay hindi sila nangakakakita, at nangakikinig ay hindi sila nangakakarinig, ni hindi sila nangakakaunawa.
14 At natutupad sa kanila ang hula ni Isaias, na sinasabi, Sa pakikinig ay inyong maririnig, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas:
15 Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na mangakarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik loob, At sila'y aking pagalingin.
16 Datapuwa't mapapalad ang inyong mga mata, sapagka't nangakakakita; at ang iyong mga tainga, sapagka't nangakakarinig.
17 Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hinangad na makita ng maraming propeta at ng mga taong matuwid ang inyong nakikita, at hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, at hindi nila narinig.
Public Domain