Old/New Testament
Ang Kasamaan ng Tao at ang Pagkakatulad sa Hayop
4 Muli kong nakita ang lahat ng pang-aapi na ginagawa sa ilalim ng araw. Masdan ninyo, ang mga luha ng mga inaapi at walang umaaliw sa kanila! Sa panig ng kanilang maniniil ay may kapangyarihan, at walang umaaliw sa kanila.
2 Kaya't aking inisip na ang patay na namatay na, ay higit na mapalad kaysa mga buháy na nabubuhay pa;
3 ngunit higit na mabuti kaysa kanila ang hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakita ng masasamang gawa na nagawa sa ilalim ng araw.
4 Nang magkagayo'y nakita ko na lahat ng pagpapagod, at lahat ng kakayahan sa paggawa ay nagmumula sa pagkainggit ng tao sa kanyang kapwa. Ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
5 Inihahalukipkip ng hangal ang kanyang mga kamay, at kinakain ang kanyang sariling laman.
6 Mas mabuti pa ang isang dakot na katahimikan, kaysa dalawang dakot na punô ng pagpapagod at pakikipaghabulan lamang sa hangin.
7 Muli kong nakita ang walang kabuluhan sa ilalim ng araw:
8 isang taong nag-iisa, walang anak o kapatid man; gayunma'y walang wakas ang lahat niyang pagpapagod, at ang kanyang mga mata ay hindi nasisiyahan sa mga kayamanan. Kaya't hindi niya itinatanong, “Para kanino ako nagpapagod at pinagkakaitan ko ang aking sarili ng kasiyahan?” Ito man ay walang kabuluhan at malungkot na bagay.
Ang Kahalagahan ng Kaibigan
9 Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa; sapagkat sila'y may mabuting gantimpala sa kanilang pagpapagod.
10 Sapagkat kung sila'y bumagsak, ibabangon ng isa ang kanyang kasama; ngunit kahabag-habag siya na nag-iisa kapag siya'y bumagsak; at walang iba na magbabangon sa kanya.
11 Muli, kung ang dalawa ay mahigang magkasama, may init nga sila; ngunit paanong maiinitan ang nag-iisa?
12 At bagaman ang isang tao ay maaaring magtagumpay laban sa iba, ang dalawa ay magtatagumpay laban sa isa. Ang panaling may tatlong pisi ay hindi agad napapatid.
13 Mas mabuti ang dukha at pantas na kabataan kaysa matanda at hangal na hari, na hindi na tatanggap pa ng payo,
14 bagaman mula sa bilangguan ay makapaghahari siya, o siya'y ipinanganak na dukha sa kanyang sariling kaharian.
15 Aking nakita ang lahat ng may buhay na nagsisilakad sa ilalim ng araw, maging ang kabataang tatayo na kapalit niya;
16 walang wakas sa lahat ng mga tao na kanyang pinapangunahan. Gayunman, silang darating pagkatapos ay hindi magagalak sa kanya. Tunay na ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
Huwag Pabigla-bigla sa Pangangako
5 Ingatan mo ang iyong mga hakbang kapag ikaw ay nagtungo sa bahay ng Diyos. Ang lumapit upang makinig ay mas mabuti kaysa magbigay ng handog ng mga hangal, sapagkat hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan.
2 Huwag kang pabigla-bigla sa iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anumang bagay sa harapan ng Diyos; sapagkat ang Diyos ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa; kaya't kaunti lamang ang iyong maging salita.
3 Sapagkat ang panaginip ay dumarating na kasama ng maraming pasanin, at ang tinig ng hangal na kasama ng maraming mga salita.
4 Kapag(A) ikaw ay gumawa ng panata sa Diyos, huwag kang magpaliban ng pagtupad; sapagkat siya'y walang kasiyahan sa mga hangal. Tuparin mo ang iyong ipinanata.
5 Mas mabuti pa na hindi ka gumawa ng panata, kaysa ikaw ay gumawa ng panata at hindi tumupad.
6 Huwag mong hayaan na akayin ka ng iyong bibig sa pagkakasala, at huwag mong sabihin sa harapan ng anghel na iyon ay isang kamalian. Bakit magagalit ang Diyos sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay?
7 Sa maraming mga panaginip, sa maraming mga salita ay kawalang-kabuluhan, ngunit matakot ka sa Diyos.
Ang Buhay ay Walang Kabuluhan
8 Kung iyong nakita sa isang lalawigan na ang dukha ay inapi, at ang katarungan at katuwiran ay inalis, huwag kang magtaka sa pangyayari, sapagkat ang mataas na pinuno ay minamasdan ng mas mataas, at may lalong mataas pa kaysa kanila.
9 Ngunit kapag isinasaalang-alang ang lahat ng bagay, ang hari ay pakinabang sa lupaing may binubungkal na lupa.
10 Siyang umiibig sa salapi ay hindi masisiyahan sa salapi; o siya mang umiibig sa kayamanan na may pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.
11 Kapag ang mga ari-arian ay dumarami, dumarami silang kumakain ng mga iyon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyon, kundi ang mamasdan iyon ng kanyang mga mata?
12 Masarap ang tulog ng manggagawa; kumakain man siya nang kaunti o marami; ngunit ang pagpapakasawa ng mayaman ay hindi magpapatulog sa kanya.
13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw: ang mga yaman ay iniingatan ng may-ari niyon sa ikapapahamak niya,
14 at ang mga yamang iyon ay nawawala sa isang masamang pakikipagsapalaran; at kahit na sila'y magulang ng mga anak, walang naiwan sa kanilang mga kamay.
15 Kung(B) paanong siya'y lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina, gayon siya muling aalis, hubad siyang dumating, wala siyang anumang madadala mula sa kanyang pagpapagod, na kanyang madadala sa kanyang kamay.
16 Ito man ay isang malubhang kasamaan: kung paano siya dumating ay gayon siya aalis; at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa siya para sa hangin,
17 na lahat naman ng mga araw niya ay ginugol niya sa kadiliman at kalungkutan, sa maraming pagkainis, pagkakasakit, at pagsisisi?
18 Ito ang aking nakita na mabuti: nararapat na kumain, uminom, at magalak sa lahat ng kanyang pinagpaguran na kanyang ginagawa sa ilalim ng araw sa lahat ng kakaunting araw ng kanyang buhay na ibinigay sa kanya ng Diyos, sapagkat ito ang kanyang kapalaran.
19 Gayundin sa bawat tao na binigyan ng Diyos ng kayamanan at mga ari-arian, at binigyan ng kapangyarihan na masiyahan sa mga ito, at tanggapin ang kanyang kapalaran, at magalak sa kanyang pagpapagod—ito'y kaloob ng Diyos.
20 Sapagkat hindi na niya gaanong maaalala ang mga araw ng kanyang buhay sapagkat ginagawa siyang abala ng Diyos sa kagalakan ng kanyang puso.
6 May kasamaan akong nakita sa ilalim ng araw, at ito'y mabigat sa mga tao:
2 isang tao na binibigyan ng Diyos ng kayamanan, mga ari-arian, at karangalan, na anupa't walang kulang sa lahat ng kanyang ninanasa. Gayunma'y hindi siya binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan na tamasahin ang mga iyon, kundi dayuhan ang nagtatamasa sa mga iyon; ito'y walang kabuluhan at mabigat na kapighatian.
3 Kung ang isang tao ay magkaanak ng isandaan, at mabuhay ng maraming taon, at ang mga araw ng kanyang mga taon ay dumami, ngunit hindi niya tinatamasa ang mabubuting bagay sa buhay, at hindi rin siya maililibing, aking masasabi na ang pagkapanganak na wala sa panahon ay mas mabuti pa kaysa kanya.
4 Sapagkat iyon ay dumarating sa walang kabuluhan at papunta sa kadiliman, at ang pangalan niyon ay natatakpan ng kadiliman.
5 Bukod dito, hindi nito nakita ang araw o nakilala man; gayunma'y nakatagpo ito ng kapahingahan na di gaya niya.
6 Kahit na siya'y mabuhay ng isang libong taon na dalawang ulit na sinabi, ngunit hindi nagtamasa ng mabuti—hindi ba tutungo ang lahat sa iisang dako?
7 Lahat ng pagpapagod ng tao ay para sa kanyang bibig, gayunma'y hindi nasisiyahan ang kanyang panlasa.
8 Sapagkat anong kalamangan mayroon ang pantas sa hangal? At anong mayroon ang dukha na marunong kumilos sa harapan ng mga buháy?
9 Mas mabuti pa ang nakikita ng mga mata kaysa pagala-galang pagnanasa, ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
10 Anumang nangyari ay matagal nang alam, at nalalaman na kung ano ang tao, na hindi niya kayang makipagtalo sa higit na malakas kaysa kanya.
11 Mas maraming salita, mas maraming walang kabuluhan, kaya't paanong nakakahigit ang isa?
12 Sapagkat sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao habang nabubuhay siya ng ilang araw sa kanyang walang kabuluhang buhay, na kanyang ginugol na gaya ng anino? Sapagkat sinong makapagsasabi sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw?
Mga Pangitain at Pagpapahayag
12 Kailangang ako'y magmalaki, kahit ito'y hindi kapaki-pakinabang, ngunit ako ay magpapatuloy sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon.
2 Kilala ko ang isang lalaki kay Cristo, mayroon nang labing-apat na taon ang nakakaraan, dinala sa ikatlong langit (kung nasa katawan man, o kung nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam).
3 At nalalaman ko na ang taong iyon (kung nasa katawan man, o nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam),
4 ay dinala paitaas patungo sa Paraiso, at nakarinig ng mga salitang hindi dapat sabihin, na hindi ipinahihintulot sa tao na ulitin.
5 Alang-alang sa taong iyon ako'y magmamalaki, ngunit alang-alang sa aking sarili ay hindi ako magmamalaki, maliban sa aking mga kahinaan.
6 Ngunit kung nais kong magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit nagpipigil ako upang walang sinumang mag-isip ng higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin,
7 lalo na dahil sa kalabisan ng mga pahayag. Kaya't upang ako'y huwag magyabang ng labis, binigyan ako ng isang tinik sa laman, isang sugo ni Satanas upang ako'y saktan, upang ako'y huwag magmalaki ng labis.
8 Tatlong ulit akong nanalangin sa Panginoon tungkol dito na lumayo sana ito sa akin.
9 Subalit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Ako'y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin.
10 Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y nasisiyahan sa mga kahinaan, paglait, kahirapan, pag-uusig, at mga sakuna, sapagkat kapag ako'y mahina, ako nga'y malakas.
Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Ako'y naging hangal! Pinilit ninyo ako, sapagkat ako ay dapat ninyong purihin: sapagkat ako'y hindi hamak na mababa sa mga dakilang apostol na iyon, kahit na ako'y walang kabuluhan.
12 Tunay na ang mga tanda ng isang tunay na apostol ay isinagawa sa inyo na may buong pagtitiyaga, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan.
13 Sapagkat sa ano kayo naging huli sa ibang mga iglesya, maliban sa ako'y hindi naging pasanin ninyo? Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito.
14 Narito ako, handang pumariyan sa inyo sa ikatlong pagkakataon. Ako'y hindi magiging pasanin, sapagkat hindi ko hinahanap ang sa inyo, kundi kayo, sapagkat hindi nararapat ipag-impok ng mga anak ang mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak.
15 Ako'y may malaking kagalakan na gugugol at gugugulin para sa inyo. Kung kayo'y iniibig ko nang lalong higit, ako ba'y dapat ibigin nang kaunti?
16 Ako'y hindi naging pasanin sa inyo; gayunman sabi ninyo, yamang ako ay tuso, napaglalangan ko kayo sa pamamagitan ng daya.
17 Kayo ba'y aking dinaya sa pamamagitan ng sinuman na aking sinugo sa inyo?
18 Hinimok ko si Tito na humayo at sinugo kong kasama niya ang kapatid. Kayo ba'y dinaya ni Tito? Hindi ba kami kumilos sa iisang espiritu? Hindi ba gayundin ang aming naging mga hakbang?
19 Iniisip ninyo na sa buong panahon ay ipinagtatanggol namin ang aming sarili sa harapan ninyo. Sa paningin ng Diyos kami ay nagsasalita kay Cristo. At ang lahat ng mga bagay ay para sa inyong ikatitibay, mga minamahal.
20 Sapagkat natatakot ako na baka pagdating ko ay matagpuan ko kayong hindi gaya ng nais ko, at ako ay inyong matagpuang hindi gaya ng nais ninyo; na baka mayroong pag-aaway, paninibugho, galit, pagiging makasarili, paninirang-puri, tsismis, mga kapalaluan, at kaguluhan.
21 Ako'y natatakot na kapag ako'y dumating na muli, ako'y gawing mapagpakumbaba ng Diyos sa harapan ninyo, at ako'y kailangang magdalamhati dahil sa marami na nagkasala noong una at hindi nagsisi sa karumihan, pakikiapid, at sa kahalayang ginawa nila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001