Old/New Testament
Naghimagsik ang mga Lipi sa Hilaga(A)
10 Si Rehoboam ay pumunta sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay pumunta sa Shekem upang gawin siyang hari.
2 Nang ito ay mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto, na doon siya tumakas mula kay Haring Solomon), si Jeroboam ay bumalik mula sa Ehipto.
3 Sila'y nagsugo at ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong Israel ay dumating at sinabi nila kay Rehoboam,
4 “Pinabigat ng iyong ama ang aming pasanin. Ngayon nga'y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod ng iyong ama at ang kanyang mabigat na pasanin sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”
5 Sinabi niya sa kanila, “Pumarito kayong muli sa akin pagkalipas ng tatlong araw.” Kaya't ang taong-bayan ay umalis.
6 Pagkatapos si Haring Rehoboam ay sumangguni sa matatanda na tumayo sa harapan ni Solomon na kanyang ama noong siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, “Ano ang maipapayo ninyo sa akin sa pagsagot ko sa bayang ito?”
7 Sinabi nila sa kanya, “Kung ikaw ay magiging mabait sa bayang ito, bibigyan sila ng kasiyahan, at magsasalita ka ng mabubuting salita sa kanila, sila ay magiging lingkod mo magpakailanman.”
8 Ngunit tinalikuran niya ang payong ibinigay sa kanya ng matatanda at sumangguni siya sa mga kabataang lumaking kasama niya at nakatayo sa harapan niya.
9 Sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong maipapayo upang ating masagot ang bayang ito na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin?’”
10 Sinabi sa kanya ng mga kabataang lumaking kasama niya, “Ganito ang iyong sasabihin sa bayan na nagsabi sa iyo, ‘Pinabigat ng iyong ama ang aming pasanin; ngayon ay pagaanin mo para sa amin;’ ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay higit na makapal kaysa mga balakang ng aking ama.
11 Ngayon, yamang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.’”
12 Kaya't si Jeroboam at ang buong bayan ay pumunta kay Rehoboam nang ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, “Muli kayong bumalik sa akin sa ikatlong araw.”
13 Mabagsik silang sinagot ng hari at tinalikuran ni Haring Rehoboam ang payo ng matatanda.
14 Si Haring Rehoboam ay nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan, na sinasabi, “Pinabigat ng aking ama ang pasanin ninyo, ngunit aking dadagdagan pa. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.”
15 Sa gayo'y hindi nakinig ang hari sa taong-bayan; sapagkat iyon ay isang pagbabago ng mga pangyayari na ginawa ng Diyos upang matupad ng Panginoon ang kanyang salita na kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita.
16 Nang(B) makita ng buong Israel na hindi sila pinakinggan ng hari, sumagot ang bayan sa hari, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Bawat isa sa inyong tolda, O Israel! Tumingin ka ngayon sa sarili mong bahay, David.” Kaya't ang buong Israel ay humayo sa kani-kanilang tolda.
17 Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na nakatira sa mga lunsod ng Juda.
18 Nang suguin ni Haring Rehoboam si Hadoram, na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, ay pinagbabato siya ng mga anak ni Israel hanggang sa mamatay. At si Haring Rehoboam ay dali-daling sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem.
19 Sa gayon ang Israel ay naghimagsik laban sa sambahayan ni David hanggang sa araw na ito.
Ang Propesiya ni Shemaya(C)
11 Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang sambahayan ni Juda at ni Benjamin, na isandaan at walumpung libong mandirigma upang lumaban sa Israel, at ibalik ang kaharian kay Rehoboam.
2 Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos:
3 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari ng Juda, at sa buong Israel sa Juda at Benjamin,
4 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong aahon o lalaban sa inyong mga kapatid. Bumalik ang bawat lalaki sa kanyang bahay; sapagkat ang bagay na ito ay galing sa akin.’” Kaya't sila'y nakinig sa salita ng Panginoon, at nagbalik at hindi umahon laban kay Jeroboam.
Pinatibay ni Rehoboam ang mga Lunsod
5 Si Rehoboam ay nanirahan sa Jerusalem, at nagtayo siya ng mga lunsod sa Juda bilang sanggalang.
6 Kanyang itinayo ang Bethlehem, Etam, Tekoa,
7 Bet-zur, Soco, Adullam,
8 Gat, Maresha, Zif,
9 Adoraim, Lakish, Azeka,
10 Zora, Ayalon, Hebron, mga lunsod na may kuta na nasa Juda at sa Benjamin.
11 Kanyang pinatibay ang mga kuta, at naglagay ng punong-kawal at nag-imbak ng pagkain, langis, at alak.
12 Siya'y naglagay ng mga kalasag at mga sibat sa lahat ng mga bayan at pinalakas silang mabuti. Sa gayon niya hinawakan ang Juda at Benjamin.
Ang mga Pari at Levita ay Pumaroon sa Juda
13 At ang mga pari at mga Levita na nasa buong Israel ay napasakop sa kanya mula sa lahat ng lugar na kanilang tinitirhan.
14 Iniwan ng mga Levita ang kanilang mga lupain at ari-arian at nagtungo sa Juda at Jerusalem; sapagkat pinalayas sila ni Jeroboam at ng kanyang mga anak sa paglilingkod bilang mga pari ng Panginoon,
15 at(D) siya'y humirang ng sarili niyang mga pari para sa matataas na dako, at para sa mga kambing na demonyo, at para sa mga guya na kanyang ginawa.
16 At ang lahat ng naglagak ng kanilang mga puso upang hanapin ang Panginoong Diyos ng Israel ay dumating pagkatapos nila mula sa lahat ng lipi ng Israel sa Jerusalem upang maghandog sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga magulang.
17 Kanilang pinalakas ang kaharian ng Juda, at sa loob ng tatlong taon ay pinatatag nila si Rehoboam na anak ni Solomon, sapagkat sila'y lumakad ng tatlong taon sa landas nina David at Solomon.
Ang Sambahayan ni Rehoboam
18 Nag-asawa si Rehoboam kay Mahalat na anak ni Jerimot na anak ni David, at ni Abihail na anak ni Eliab, na anak ni Jesse;
19 at siya'y nagkaanak sa kanya ng mga lalaki; sina Jeus, Shemarias, at Zaham.
20 Pagkatapos niya, kinuha niya si Maaca na anak na babae ni Absalom; ipinanganak nito sa kanya sina Abias, Atai, Ziza, at Shelomit.
21 Minahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom nang higit kaysa lahat ng kanyang mga asawa at sa kanyang mga asawang-lingkod (nagkaroon siya ng labingwalong asawa at animnapung asawang-lingkod, at mayroong dalawampu't walong anak na lalaki at animnapung anak na babae);
22 at hinirang ni Rehoboam si Abias na anak ni Maaca bilang pinuno ng kanyang mga kapatid, sapagkat balak niyang gawin siyang hari.
23 Siya'y kumilos na may katalinuhan, at kanyang ikinalat ang ilan sa kanyang mga anak sa buong lupain ng Juda at Benjamin, sa lahat ng bayang may pader; at kanyang binigyan sila ng saganang pagkain at humanap ng mga asawa para sa kanila.
Ang Pagsalakay ng Ehipto sa Juda(E)
12 Nang ang paghahari ni Rehoboam ay naging matatag at malakas, kanyang tinalikuran ang kautusan ng Panginoon, at ang buong Israel ay kasama niya.
2 Nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sapagkat sila'y naging taksil sa Panginoon, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem,
3 kasama ang isanlibo at dalawang daang karwahe, at animnapung libong mangangabayo. At ang mga taong dumating na kasama niya mula sa Ehipto ay di mabilang—mga taga-Libya, mga Sukiim, at mga taga-Etiopia.
4 Kinuha niya ang mga lunsod ng Juda na may kuta at nakarating hanggang sa Jerusalem.
5 At si Shemaya na propeta ay dumating kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na nagtipun-tipon sa Jerusalem dahil kay Shishac, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya't pinabayaan ko naman kayo sa kamay ni Shishac.’”
6 Nang magkagayon, ang mga pinuno ng Israel at ang hari ay nagpakumbaba at kanilang sinabi, “Ang Panginoon ay matuwid.”
7 Nang makita ng Panginoon na sila'y nagpakumbaba, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Shemaya: “Sila'y nagpakumbaba; hindi ko sila pupuksain, kundi bibigyan ko sila ng ilang pagliligtas, at ang aking poot ay hindi mabubuhos sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Shishac.
8 Gayunman, sila'y magiging kanyang lingkod upang kanilang makilala ang aking paglilingkod at ang paglilingkod ng mga kaharian ng mga lupain.”
Ang Templo ay Giniba
9 Kaya't(F) umahon si Shishac na hari ng Ehipto laban sa Jerusalem, tinangay niya ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; kinuha niyang lahat ang mga iyon. Kinuha rin niya ang mga kalasag na ginto na ginawa ni Solomon.
10 Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso bilang kapalit ng mga iyon, at ipinagkatiwala ang mga iyon sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay, na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari.
11 Sa tuwing papasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ang bantay ay dumarating at dinadala ang mga iyon, at ibinabalik sa silid ng bantay.
12 Nang siya'y magpakumbaba, ang Panginoon ay hindi nagalit sa kanya, kaya't hindi na nagkaroon ng lubos na pagkawasak. Bukod dito, ang kalagayan sa Juda ay naging mabuti.
13 Sa gayo'y pinatatag ni Haring Rehoboam ang sarili sa Jerusalem at siya'y naghari. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y nagpasimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing pitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama na Ammonita.
14 Siya'y gumawa ng kasamaan, sapagkat hindi niya inilagak ang kanyang puso upang hanapin ang Panginoon.
15 Ang mga gawa ni Rehoboam, mula una hanggang sa katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa kasaysayan ni Shemaya na propeta at ni Iddo na propeta? At mayroong patuloy na mga digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam.
16 Si Rehoboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa lunsod ni David; at si Abias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
30 (Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.)
31 Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria,[a] lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, “Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
33 Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala,
34 at sinabi, “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, halika at tingnan mo.”
35 Umiyak si Jesus.
36 Sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!”
37 Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, “Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?”
Binuhay si Lazaro
38 Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon.
39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.”
40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”
41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan.
42 At alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo.”
43 At nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka!”
44 Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.”
Sabwatan Laban kay Jesus(A)
45 Kaya't marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakakita ng ginawa niya ang sumampalataya sa kanya.
46 Subalit ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Fariseo, at sinabi sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.
47 Kaya't ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpatawag ng pagpupulong at sinabi, “Ano ang gagawin natin? Ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda.
48 Kung siya'y ating pabayaan ng ganito, ang lahat ng mga tao ay maniniwala sa kanya. Darating ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo[b] at ang ating bansa.”
49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na pinakapunong pari nang panahong iyon ay nagsabi sa kanila, “Wala talaga kayong nalalaman.
50 Hindi ba ninyo nauunawaan na mas mabuti para sa inyo na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?”
51 Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili, kundi bilang pinakapunong pari nang panahong iyon siya'y nagpropesiya na si Jesus ay mamamatay para sa bansa;
52 at hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin niya sa iisa ang mga anak ng Diyos na nagkahiwa-hiwalay.
53 Kaya't mula nang araw na iyon ay binalak nilang siya'y patayin.
54 Mula noon, si Jesus ay hindi na naglalakad nang hayagan sa gitna ng mga Judio, kundi pumunta siya sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim. Siya'y nanirahan doon kasama ng mga alagad.
55 Ang Paskuwa nga ng mga Judio ay malapit na, at maraming umahon tungo sa Jerusalem mula sa lupaing iyon bago magpaskuwa, upang linisin ang kanilang mga sarili.
56 Hinahanap nila si Jesus, at sinasabi sa isa't isa habang nakatayo sila sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?”
57 Ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nag-utos na sinumang nakakaalam ng kinaroroonan ni Jesus[c] ay dapat ipagbigay-alam sa kanila upang siya'y kanilang madakip.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001