Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 27-29

Si David Kasama ng mga Filisteo

27 Nasabi ni David sa kanyang sarili, “Darating ang panahon na papatayin ako ni Saul. Mabuti pang tumakas ako papunta sa lupain ng mga Filisteo para tumigil na siya sa paghahanap sa akin sa Israel at makaligtas ako sa kanya.” Kaya pumunta si David at ang 600 niyang tauhan kay Haring Akish ng Gat, na anak ni Maok. Doon sila tumira sa Gat sa pangangalaga ni Akish, kasama ang kani-kanilang pamilya. Dinala ni David ang dalawa niyang asawa na si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel, na biyuda ni Nabal. Nang mabalitaan ni Saul na tumakas si David at pumunta sa Gat, hindi na niya ito hinanap.

Isang araw, sinabi ni David kay Akish, “Kung naging mabuti po ako sa inyong paningin, maaari po bang sa isang bayan sa ibang lalawigan kami tumira? Hindi po kasi kami nararapat tumira rito sa lungsod na tinitirhan ninyo bilang hari.” Kaya nang araw na iyon, ibinigay sa kanya ni Akish ang lugar ng Ziklag. Kaya hanggang ngayon sakop ito ng mga hari ng Juda. Tumira si David sa teritoryo ng mga Filisteo sa loob ng isang taon at apat na buwan.

Nang panahong iyon, sinalakay ni David at ng mga tauhan niya ang mga Geshureo, Gizrita at mga Amalekita. Mula pa noong una, ang mga taong itoʼy nakatira na sa lugar na malapit sa Shur papuntang Egipto. Kapag sumasalakay sila David, pinapatay nila ang lahat ng lalaki at babae, at kinukuha ang mga tupa, baka, asno, kamelyo at pati na rin ang mga damit. Pagkatapos, bumabalik sila kay Akish. 10 Kapag itinatanong ni Akish kung saan sila sumalakay nang araw na iyon, sinasabi nilang sinalakay nila ang Negev sa Juda, o sa bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga Jerameelita o sa bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga Keneo. 11 Pinapatay nina David ang lahat ng lalaki at babae para walang makarating sa Gat at sabihin kung ano talaga ang ginawa nila. Ito ang madalas niyang ginagawa habang naroon siya sa teritoryo ng mga Filisteo. 12 Pinagkakatiwalaan ni Akish si David kaya nasabi niya sa kanyang sarili, “Natitiyak kong kinamumuhian na si David ng mga kapwa niya Israelita kaya habang buhay na siyang maglilingkod sa akin.”

Si Saul at ang Mangkukulam sa Endor

28 Nang mga panahong iyon, tinipon ng mga Filisteo ang mga sundalo nila at naghanda sa pakikipaglaban sa mga Israelita. Sinabi ni Akish kay David, “Kailangang sumama ka at ang mga tauhan mo sa amin para makipaglaban.” Sinabi ni David, “Magaling! Makikita ninyo ngayon kung ano ang magagawa ko, na inyong lingkod.” Sumagot si Akish, “Mabuti! Gagawin kitang personal na tagapagbantay ko habang buhay.”

Patay na noon si Samuel. Nang mamatay siya nalungkot at nagluksa ang buong Israel sa kanya, at inilibing siya sa kanyang bayan sa Rama. At pinaalis na ni Saul ang mga espiritista sa Israel.

Nagkampo ang mga Filisteo sa Shunem, at si Saul naman at ang buong hukbo ng Israel ay sa Gilboa. Nang makita ni Saul ang mga sundalo ng mga Filisteo, pinagharian siya ng matinding takot. Nagtanong siya sa Panginoon kung ano ang nararapat niyang gawin. Pero hindi siya sinagot ng Panginoon kahit sa pamamagitan ng panaginip, o sa mga propeta, o kahit sa anumang paraan. Pagkatapos, sinabi ni Saul sa kanyang alipin, “Ihanap mo ako ng babaeng espiritista na maaari kong pagtanungan.” Sumagot ang kanyang alipin, “Mayroon po sa Endor.”

Kaya nagpanggap si Saul sa pamamagitan ng pagsusuot ng ordinaryong damit sa halip na ang magara niyang damit. Kinagabihan, pinuntahan niya ang babae kasama ang dalawa niyang tauhan. Pagdating nila, sinabi ni Saul sa babae, “Gusto kong makipag-usap sa kaluluwa ng isang tao.” Sinabi ng babae sa kanya, “Ano, gusto mo bang mamatay ako? Alam mo naman siguro kung ano ang ginawa ni Saul. Pinaalis niya sa Israel ang lahat ng espiritista at ang mga manghuhula. Huwag mo nang ilagay sa panganib ang buhay ko.” 10 Sumumpa si Saul sa kanya sa pangalan ng buhay na Panginoon na hindi siya mapaparusahan sa gagawin niya. 11 Nang bandang huli, sinabi ng babae, “Sino ang kaluluwang gusto mong kausapin?” Sinabi ni Saul, “Tawagin mo si Samuel.”

12 Kaya tinawag ng babae si Samuel, at nang makita ng babae si Samuel, sumigaw siya nang malakas at sinabi niya kay Saul, “Niloko nʼyo po ako! Kayo po si Saul!” 13 Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?” Sumagot ang babae, “Nakita ko po ang isang kaluluwa[a] na lumalabas galing sa lupa.” 14 Nagtanong si Saul, “Ano ba ang itsura niya?” Sumagot siya, “Isa pong matandang lalaki na nakabalabal.” Natiyak ni Saul na si Samuel iyon kaya nagpatirapa siya bilang paggalang sa kanya. 15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginagambala sa pamamagitan ng pagtawag sa akin?” Sumagot si Saul, “Mayroon akong malaking problema. Sinasalakay kami ng mga Filisteo at tinalikuran na ako ng Dios. Hindi na siya sumasagot sa pamamagitan man ng panaginip o ng mga propeta. Ipinatawag kita para sabihin mo sa akin kung ano ang dapat kong gawin.” 16 Sinabi ni Samuel, “Bakit ako ang tinatanong mo? Hindi baʼt tinalikuran ka na ng Panginoon at naging kaaway mo siya? 17 Tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ko. Kinuha niya sa iyo ang kaharian ng Israel at ibinigay sa kapwa mo Israelita na si David. 18 Ginawa ito ng Panginoon sa iyo ngayon dahil hindi mo sinunod ang utos niyang iparanas ang kanyang galit sa lahat ng Amalekita. 19 Bukas, ikaw at ang mga Israelita ay ibibigay ng Panginoon sa mga Filisteo, at makakasama kita at ang iyong mga anak na lalaki sa lugar ng mga patay.” 20 Nang marinig ito ni Saul, natumba siya at nasubsob sa lupa. Matindi ang takot niya sa sinabi ni Samuel. Hinang-hina rin siya sa gutom dahil hindi siya kumain buong araw at gabi.

21 Nilapitan ng babae si Saul. At nang makita niya na takot na takot si Saul, sinabi niya, “Mahal na Hari, tinupad ko na po ang ipinag-uutos ninyo sa akin kahit na alam kong nasa panganib ang buhay ko. 22 Nakikiusap po akong pakinggan ninyo ang inyong lingkod. Bibigyan ko kayo ng pagkain para manumbalik ang inyong lakas at makapagpatuloy kayo sa inyong paglalakbay.” 23 Pero tumangging kumain si Saul. Tinulungan ng mga tauhan ni Saul ang babae sa pagpilit sa kanya para kumain, at pumayag na rin siya. Tumayo siya mula sa lupa at naupo sa higaan. 24 Kinatay agad ng babae ang pinapataba niyang guya, nagmasa ng harina, at nagluto ng tinapay na walang pampaalsa. 25 Inihain niya ang mga ito kay Saul at sa mga tauhan nito, at kumain sila. Pagkatapos, umalis na rin sila nang gabing iyon.

Bumalik si David sa Ziklag

29 Tinipon ng mga Filisteo ang lahat ng sundalo nila sa Afek, at ang mga Israelita naman ay nagkampo sa may bukal ng Jezreel. Habang nagmamartsa papunta sa labanan ang mga pinuno ng mga Filisteo kasama ang mga sundalo nilang nakagrupo ng 100 at 1,000, nakasunod naman kina Haring Akish sina David at ang kanyang mga tauhan. Pero nagtanong ang mga pinuno ng mga Filisteo kay Akish, “Ano ang ginagawa ng mga Hebreong iyan dito?” Sumagot si Akish, “Ang taong iyan ay si David na opisyal ni Saul, na hari ng Israel. Mahigit isang taon ko na siyang kasama, at magmula noong tumakas siya kay Saul hanggang ngayon, wala akong nakitang masama na ginawa niya.” Pero nagalit sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo. Sinabi nila, “Pabalikin mo sila sa bayang ibinigay mo sa kanila. Hindi siya dapat sumama sa atin sa pakikipaglaban. Baka kapag nakikipaglaban na tayo, tayo ang patayin niya para mawala ang galit ng kanyang amo sa kanya. Hindi baʼt siya ang pinarangalan ng mga babae sa Israel habang sumasayaw sila at umaawit ng,

    ‘Libu-libo ang napatay ni Saul,
    tig-sasampung libo naman ang kay David.’ ”

Kaya tinawag ni Akish si David at sinabihan, “Nagsasabi ako ng totoo sa presensya ng Panginoon na buhay na mapagkakatiwalaan ka. Kung sa akin lang, gusto kong sumama ka sa pakikipaglaban ko dahil mula pa noong araw na sumama ka sa akin hanggang ngayon, wala akong nakitang masama sa iyo. Pero walang tiwala sa iyo ang ibang pinuno. Kaya umuwi ka na lang at huwag kang gagawa ng kahit anong hindi nila magugustuhan. Umuwi ka nang matiwasay.” Tinanong siya ni David, “Ano po ba ang kasalanang nagawa ko mula nang sumama ako sa inyo hanggang ngayon, Mahal na Hari? Bakit hindi ako pwedeng sumamang makipaglaban sa mga kaaway ninyo?” Sumagot si Akish, “Alam ko na mabuti kang tao tulad ng isang anghel ng Dios. Pero ayaw kang isama ng aking mga kumander sa labanan. 10 Maaga kang bumangon bukas, at umuwi ka kasama ang mga tauhan mo bago pa sumikat ang araw.”

11 Kaya maagang bumangon sina David at ang kanyang mga tauhan para bumalik sa lupain ng mga Filisteo, at pumunta naman ang hukbo ng mga Filisteo sa Jezreel.

Lucas 13:1-22

Kailangan ng Pagsisisi

13 May ilang tao roon na nagbalita kay Jesus tungkol sa mga taga-Galileang ipinapatay ni Pilato habang naghahandog sila sa templo. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang akala ba ninyo ay mas makasalanan sila kaysa sa ibang mga taga-Galilea dahil sa nangyari sa kanila? Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo. Katulad din ng 18 taong nabagsakan ng tore ng Siloam at namatay. Ang akala ba ninyo ay higit silang makasalanan kaysa sa ibang mga taga-Jerusalem? Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo.”

Ang Punong Hindi Namumunga

Pagkatapos, ikinuwento ni Jesus ang talinghaga na ito: “May isang taong may tanim na puno ng igos[a] sa ubasan niya. Pinuntahan niya ito upang tingnan kung may bunga, pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng kanyang ubasan, ‘Tatlong taon na akong pabalik-balik dito para tingnan kung may bunga na ang igos na ito, pero wala pa akong nakikita kahit isa. Putulin mo na lang ang punong iyan. Nasasayang lang ang lupang kinatatayuan niyan!’ Pero sumagot ang tagapag-alaga, ‘Hayaan nʼyo na lang po muna ang puno sa taon na ito. Huhukayan ko po ang palibot nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling magbunga sa darating na taon. Ngunit kung hindi pa rin, putulin na natin.’ ”

Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Baluktot ang Katawan

10 Isang Araw ng Pamamahinga, nagtuturo si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 11 May isang babae roon na 18 taon nang may karamdaman dahil sa ginawa sa kanya ng masamang espiritu. Baluktot ang katawan niya at hindi ito maituwid. 12 Nang makita siya ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Babae, magaling ka na sa sakit mo.” 13 Pagkatapos, ipinatong niya ang mga kamay niya sa babae, at noon din ay naituwid ng babae ang kanyang katawan at nagpuri siya sa Dios. 14 Pero nagalit ang namumuno sa sambahan ng mga Judio dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw kayo para magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” 15 Sinagot siya ni Jesus, “Mga pakitang-tao! Hindi baʼt kinakalagan ninyo ang inyong mga baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? 16 Kung sa mga hayop nga ay naaawa kayo, bakit hindi sa babaeng ito na mula rin sa lahi ni Abraham? 18 taon na siyang ginapos ni Satanas, kaya nararapat lang na palayain siya kahit na Araw ng Pamamahinga.” 17 Napahiya ang mga kumakalaban kay Jesus sa sinabi niyang ito. Natuwa naman ang mga tao sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Jesus.

Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)

18 Nagpatuloy si Jesus sa pagtuturo niya, “Ano kaya ang katulad ng paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 19 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[b] na itinanim ng isang tao sa kanyang taniman. Tumubo iyon at lumaki na parang punongkahoy ang taas, at pinamugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”

Ang Paghahalintulad sa Pampaalsa(B)

20 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano ko pa kaya maihahambing ang paghahari ng Dios? 21 Katulad ito ng pampaalsang inihalo ng isang babae sa malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”

Ang Makipot na Pintuan(C)

22 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Dumaan siya sa mga bayan at nayon at nagturo sa mga tao roon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®