Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 10-11

Dumalaw ang Reyna ng Sheba kay Haring Solomon(A)

10 Nang marinig ng reyna ng Sheba ang pagiging tanyag ni Solomon, na nakapagbigay ng karangalan sa Panginoon, pumunta siya kay Solomon para subukin ang karunungan nito sa pamamagitan ng mahihirap na tanong. Dumating siya sa Jerusalem na kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng mga regalo na mga pampalasa, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng gusto niyang itanong. Sinagot ni Solomon ang lahat ng tanong niya at walang anumang bagay ang hindi niya naipaliwanag sa kanya. Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon at nang makita niya ang ganda ng palasyo na ipinatayo nito, hindi siya makapaniwala. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng mga utusan na may magagandang uniporme, ang mga tagasilbi ng kanyang inumin at ang mga handog na sinusunog na inialay nito sa templo ng Panginoon.

Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang nabalitaan ko sa aking bansa tungkol sa inyong mga gawa at karunungan. Hindi ako naniwala hanggang sa pumunta ako rito at nakita ko mismo. Ang totoo, wala sa kalahati ng nabalitaan ko tungkol sa inyo ang nakita ko. Ang karunungan at kayamanan nʼyo ay higit pa kaysa sa narinig ko. Napakapalad ng inyong mga tauhan! Napakapalad ng inyong mga opisyal na naglilingkod sa inyo dahil palagi nilang naririnig ang inyong karunungan. Purihin ang Panginoon na iyong Dios, na natutuwa sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ng Panginoon sa Israel, ginawa niya kayong hari para mamuno kayo nang may katarungan at katuwiran.”

10 Binigyan niya ang hari ng limang toneladang ginto, maraming sangkap at mga mamahaling bato. Hindi na mapapantayan ang dami ng sangkap na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.

11 (May dala ring mga ginto ang mga barko ni Hiram, maraming kahoy na almug at mga mamahaling bato mula sa Ofir para kay Haring Solomon. 12 Ang mga kahoy na almug ay ginamit ng hari upang gawing hagdan para sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang iba ay ginawang mga alpa at mga lira para sa mga musikero. Iyon ang pinakamagandang kahoy na almug na ipinadala sa Israel; wala nang makikita na kagaya nito hanggang sa ngayon.[a])

13 Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang anumang hingin niya, bukod pa sa mga regalo na ibinigay ni Solomon sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna kasama ang mga tauhan niya.

Ang Kayamanan ni Solomon(B)

14 Taun-taon tumatanggap si Solomon ng 23 toneladang ginto, 15 bukod pa rito ang mga buwis na galing sa mga negosyante, sa lahat ng hari ng Arabia at sa mga gobernador ng Israel.

16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga pitong[b] kilong ginto. 17 Nagpagawa rin siya ng 300 maliliit na pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan din ng ginto na mga tatlo at kalahating kilo. Pinalagay niya ang lahat ng ito sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon.

18 Nagpagawa rin ang hari ng isang malaking trono na gawa sa mga pangil ng elepante at binalutan ito ng purong ginto. 19 May anim na baitang ang tronong ito at pabilog ang sandalan. Sa magkabilang gilid nito na may patungan ng braso ay may estatwang leon na nakatayo. 20 Mayroon ding estatwang leon sa bawat gilid ng baitang. Ang estatwang leon sa anim na baitang ay 12 lahat. Walang trono na katulad nito kahit saan mang kaharian. 21 Ang lahat ng kopang inuman ni Haring Solomon ay purong ginto at ang lahat ng gamit sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon ay purong ginto rin. Hindi ginawa ang mga ito sa pilak dahil maliit lang ang halaga nito nang panahon ni Solomon. 22 Si Solomon ay may mga barko rin na pangkalakal[c] na naglalayag kasama ng mga barko ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante at malalakiʼt maliliit na uri ng unggoy. 23 Walang sinumang hari sa mundo na makakapantay sa karunungan at kayamanan ni Haring Solomon. 24 Ang mga tao sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon para mapakinggan ang karunungan na ibinigay ng Dios sa kanya. 25 Taun-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.[d]

26 Nakapagtipon si Solomon ng 14,000 mga karwahe at 12,000 kabayo. Inilagay niya ang iba nito sa mga lungsod na taguan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem. 27 Nang panahong siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay tulad lang ng mga pangkaraniwang bato, at ang kahoy na sedro ay parang kasindami ng mga pangkaraniwang puno ng sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[e] 28 Ang mga kabayo ni Solomon ay galing pa sa Egipto[f] at sa Cilicia.[g] Binili ito sa Cilicia ng kanyang mga tagabili sa tamang halaga. 29 Nang panahong iyon, ang halaga ng karwahe na mula sa Egipto ay 600 pirasong pilak at ang kabayo ay 150 pirasong pilak. Ipinagbili rin nila ito sa lahat ng hari ng mga Heteo at mga Arameo.[h]

Ang mga Asawa ni Solomon

11 Maraming dayuhang babae ang inibig ni Haring Solomon. Bukod pa sa anak ng Faraon, may mga asawa pa siyang Moabita, Ammonita, Edomita, Sidoneo at Heteo. Sinabi na sa kanya ng Panginoon na ang mga Israelita ay hindi dapat mag-asawa mula sa mga bansang iyondahil mahihimok lang sila ng mga ito na sumamba sa ibang mga dios. Pero umibig pa rin si Solomon sa mga babaeng ito. May 700 asawa si Solomon na puro mga prinsesa, at may 300 pa siyang asawang alipin. Ang mga asawa niya ang nagpalayo sa kanya sa Dios. Nang matanda na siya, nahimok siya ng kanyang mga asawa na sumamba sa ibang mga dios. Hindi na naging maganda ang relasyon niya sa Panginoon na kanyang Dios; hindi tulad ng ama niyang si David. Sumamba siya kay Ashtoret, ang diosa ng mga Sidoneo at kay Molec,[i] ang kasuklam-suklam na dios ng mga Ammonita. Sa pamamagitan nito, nakagawa si Solomon ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi siya sumunod nang buong katapatan sa Panginoon; hindi tulad ng ama niyang si David.

Nagpagawa si Solomon ng sambahan sa matataas na lugar,[j] sa bandang silangan ng Jerusalem, para kay Kemosh, ang kasuklam-suklam na dios ng mga Moabita. Nagpagawa rin siya ng sambahan para kay Molec, ang kasuklam-suklam na dios ng mga Ammonita. Nagpagawa rin siya ng simbahan ng mga dios-diosan ng lahat ng asawa niyang dayuhan at doon sila nagsusunog ng mga insenso at naghahandog para sa mga dios-diosan nila.

Nagalit ang Panginoon kay Solomon dahil tinalikuran niya ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagpakita sa kanya ng dalawang beses. 10 Kahit binalaan na niya si Solomon na huwag sumunod sa ibang mga dios, hindi pa rin sumunod si Solomon sa kanya. 11 Kaya sinabi ng Panginoon kay Solomon, “Dahil hindi mo tinupad ang ating kasunduan at ang mga utos ko, kukunin ko sa iyo ang kaharian mo at ibibigay ko sa isa sa mga lingkod mo. 12 Pero dahil sa iyong amang si David hindi ko ito gagawin habang buhay ka pa. Gagawin ko ito sa panahon nang paghahari ng iyong anak. 13 Pero hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kanya, magtitira ako ng isang angkan alang-alang sa aking lingkod na si David at dahil sa Jerusalem na aking hinirang na lungsod.”

Ang mga Kaaway ni Solomon

14 Pinahintulutan ng Panginoon na may kumalaban kay Solomon. Siya ay si Hadad na taga-Edom, na mula sa angkan ng isa sa mga hari ng Edom. 15 Noong una, nang nakipaglaban si David sa Edom, si Joab na kumander ng mga sundalo ni David ay pumunta roon sa Edom para ilibing ang mga namatay sa labanan. At nang naroon na siya, pinatay niya at ng mga tauhan niya ang lahat ng lalaki sa Edom. 16 Anim na buwan silang nanatili roon. Hindi sila umalis hanggang sa mapatay nila ang lahat ng mga lalaki roon. 17 Pero si Hadad, na bata pa noon ay tumakas papunta sa Egipto kasama ng ibang mga opisyal na taga-Edom na naglingkod sa kanyang ama. 18 Umalis sila sa Midian at pumunta sa Paran. At kasama ng ibang mga taga-Paran, pumunta sila sa Egipto at nakipagkita sa Faraon, ang hari ng Egipto. Binigyan ng hari si Hadad ng bahay, lupa at pagkain.

19 Nagustuhan ng Faraon si Hadad, kaya ibinigay niya ang hipag niya kay Hadad para maging asawa nito, kapatid ito ng kanyang asawang si Reyna Tapenes. 20 Kinalaunan, nanganak ng lalaki ang asawa ni Hadad at pinangalanan nila siyang Genubat. Si Tapenes ang nagpalaki sa bata roon sa palasyo. Tumira ang bata roon kasama ng mga anak ng Faraon.

21 Nang naroon na si Hadad sa Egipto, nabalitaan niya na patay na si David at si Joab na kumander ng mga sundalo. Sinabi ni Hadad sa Faraon, “Hayaan nʼyo na po akong umuwi sa aking bansa.” 22 Nagtanong ang Faraon, “Bakit? Ano pa ba ang kulang sa iyo rito at gusto mo pang umuwi sa inyo?” Sumagot si Hadad, “Wala po; basta pauwiin nʼyo na lang po ako.”

23 May isa pang tao na pinahintulutan ng Dios na kumalaban kay Solomon. Ito ay si Rezon na anak ni Eliada. Lumayas siya sa kanyang amo na si Haring Hadadezer ng Zoba, 24 at naging pinuno siya ng mga rebeldeng tinipon niya. Nang matalo ni David ang mga sundalo ni Hadadezer, pumunta si Rezon at ang mga tauhan niya sa Damascus. Sinakop nila ang lugar na ito at doon tumira. 25 Naging hari si Rezon ng Aram,[k] at kinalaban niya ang Israel. Naging kalaban siya ng Israel habang buhay pa si Solomon. Dinagdagan pa niya ang kaguluhan na ginawa ni Hadad sa Israel.

Nagrebelde si Jeroboam kay Solomon

26 Isa pa sa mga kumalaban kay Solomon ay si Jeroboam na isa sa mga opisyal niya. Galing siya sa lungsod ng Zereda sa Efraim. Ang ama niyang si Nebat ay patay na, pero ang kanyang ina na si Zerua ay buhay pa. 27 Ito ang nangyari kung paano siya nagrebelde sa hari: Pinatabunan noon ni Solomon ng lupa ang mababang bahagi ng bayan ng ama niyang si David at ipinaayos ang mga pader nito. 28 Maabilidad na tao si Jeroboam at nang mapansin ni Solomon ang kanyang kasipagan, itinalaga niya itong tagapamahala ng lahat ng tao na pinilit magtrabaho mula sa lahi ni Efraim at ni Manase.[l]

29 Isang araw, habang palabas si Jeroboam sa Jerusalem, sinalubong siya ni propetang Ahia na taga-Shilo. Bago ang suot na balabal ni Ahia. Silang dalawa lang ang naroon sa kapatagan. 30 Hinubad ni Ahia ang balabal niya at pinunit ito sa 12 bahagi. 31 Pagkatapos, sinabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso nito, dahil ganito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Kukunin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay sa iyo ang sampung lahi nito. 32 Ngunit alang-alang kay David na aking lingkod at sa lungsod ng Jerusalem na aking hinirang sa lahat ng lungsod ng Israel, ititira ko ang isang lahi kay Solomon. 33 Gagawin ko ito dahil itinakwil niya[m] ako at sinamba si Ashtoret, ang diosa ng mga Sidoneo, si Kemosh, ang dios ng mga Moabita at si Molec, ang dios ng mga Ammonita. Hindi siya sumunod sa aking mga pamamaraan at hindi siya namuhay nang matuwid sa aking paningin. Hindi siya tumupad sa aking mga tuntunin at mga utos; hindi tulad ng ama niyang si David. 34 Pero hindi ko kukunin ang buong kaharian kay Solomon. Maghahari siya sa buong buhay niya dahil sa pinili kong lingkod na si David, na tumupad sa aking mga utos at mga tuntunin. 35 Kukunin ko ang kaharian sa kanyang anak na papalit sa kanya bilang hari, at ibibigay ko ang sampung lahi nito sa iyo. 36 Bibigyan ko ng isang lahi ang kanyang anak para ang angkan ni David na aking lingkod ay magpapatuloy sa paghahari sa Jerusalem, ang lungsod na aking pinili para parangalan ako. 37 At ikaw naman ay gagawin kong hari ng Israel. Pamamahalaan mo ang lahat ng gusto mo. 38 Kung tutuparin mo ang lahat ng iuutos ko sa iyo at susunod ka sa pamamaraan ko, at kung gagawa ka nang mabuti sa aking harapan sa pamamagitan ng pagtupad ng aking mga tuntunin at mga utos katulad ng ginawa ni David na aking lingkod, akoʼy makakasama mo. Mananatili sa paghahari ang iyong mga angkan tulad sa mga angkan ni David. Magiging iyo ang Israel. 39 Dahil sa mga kasalanan ni Solomon, parurusahan ko ang mga angkan ni David, pero hindi panghabang buhay.’ ”

40 Nang malaman ito ni Solomon, pinagsikapan niyang patayin si Jeroboam, pero tumakas ito at pumunta kay Haring Sishak ng Egipto at doon siya tumira hanggang mamatay si Solomon.

Ang Pagkamatay ni Solomon(C)

41 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Solomon, at ang lahat ng ginawa niya, at ang tungkol sa kanyang karunungan ay nakasulat sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon. 42 Sa Jerusalem nakatira si Solomon habang naghahari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon. 43 Nang mamatay siya, inilibing siya sa lungsod ng ama niyang si David. At ang anak niyang si Rehoboam ang pumalit sa kanya bilang hari.

Lucas 21:20-38

Tungkol sa Pagkawasak ng Jerusalem(A)

20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga sundalo ang Jerusalem, malalaman ninyong malapit na itong mawasak. 21 Kaya ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, at ang mga nasa Jerusalem ay kailangang umalis agad. At ang mga nasa bukid naman ay huwag nang bumalik pa sa Jerusalem. 22 Sapagkat panahon na iyon ng pagpaparusa, upang matupad ang nakasaad sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. Darating ang napakatinding paghihirap sa lupaing ito dahil sa matinding galit ng Dios sa mga tao rito. 24 Ang iba sa kanilaʼy papatayin sa espada, at ang iba namaʼy dadalhing bihag sa ibang mga bansa. At ang Jerusalem ay sasakupin ng mga hindi Judio hanggang sa matapos ang panahong itinakda ng Dios sa kanila.

Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(B)

25 “May mga palatandaang makikita sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Mababagabag ang mga bansa at hindi nila malalaman kung ano ang gagawin nila dahil sa malalakas na ugong ng mga alon sa dagat. 26 Hihimatayin sa takot ang mga tao dahil sa mga mangyayari sa mundo, dahil mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga bagay[a] sa kalawakan. 27 At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[b] 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, umasa kayo at maghintay[c] dahil malapit na ang pagliligtas sa inyo.”

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(C)

29 Ikinuwento sa kanila ni Jesus ang paghahalintulad na ito: “Tingnan ninyo ang puno ng igos at ang iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito alam ninyong malapit na ang tag-init. 31 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Dios. 32 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 33 Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[d]

Maging Handa Kayo

34 “Kaya mag-ingat kayo na huwag mawili sa kalayawan, sa paglalasing, sa pagkaabala sa inyong kabuhayan, at baka biglang dumating ang araw na iyon 35 nang hindi ninyo inaasahan.[e] Sapagkat darating ang araw na iyon sa lahat ng tao sa buong mundo. 36 Kaya maging handa kayo sa lahat ng oras. Palagi kayong manalangin upang magkaroon kayo ng lakas na mapagtagumpayan ang lahat ng mangyayaring kahirapan, at makatayo kayo sa harap ko na Anak ng Tao nang hindi napapahiya.”

37 Araw-araw, nagtuturo si Jesus sa templo. Pagsapit ng gabi, pumupunta siya sa Bundok ng mga Olibo para magpalipas ng gabi. 38 At maagang pumupunta ang mga tao sa templo upang makinig sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®