Old/New Testament
Maskil ni Asaf.
74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2 Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
3 Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!
4 Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
5 Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
sa kagubatan ng mga punungkahoy.
6 At lahat ng mga kahoy na nililok
ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
7 Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
hanggang sa lupa,
nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
9 Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
wala nang propeta pa;
at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!
12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.
18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.
2 At sa aking piniling takdang panahon,
may katarungan akong hahatol.
3 Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
4 Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
5 huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”
6 Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
ni mula man sa ilang ang pagkataas;
7 kundi ang Diyos ang hukom,
ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
8 Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
tunay na ang masasama sa lupa
ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
9 Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
76 Sa Juda ang Diyos ay kilala,
ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
2 Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
3 Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)
4 Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
kaysa mga bundok na walang hanggan.
5 Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
ang makagamit ng kanilang mga kamay.
6 Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.
7 Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
Sinong makakatayo sa iyong harapan,
kapag minsang ang galit ay napukaw?
8 Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
ang lupa ay natakot, at tumahimik,
9 nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)
10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12 siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.
16 Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos.
17 Sapagkat(A) sinasabi ng kasulatan kay Faraon, “Dahil sa layuning ito, ay itinaas kita, upang aking maipakita sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay maipahayag sa buong lupa.”
18 Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan.
Ang Poot at Habag ng Diyos
19 Kaya't sasabihin mo sa akin, “Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?”
20 Ngunit,(B) sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?”
21 O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit?
22 Ano nga kung sa pagnanais ng Diyos na ipakita ang kanyang poot, at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, ay nagtitiis na may pagtitiyaga sa mga kinapopootan niya[a] na inihanda para sa pagkawasak;
23 upang maipakilala niya ang kayamanan ng kanyang kaluwalhatian sa mga kinaaawaan,[b] na kanyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian,
24 maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil?
25 Gaya(C) naman ng sinasabi niya sa Hoseas,
“Tatawagin kong ‘aking bayan’ ang hindi ko dating bayan;
at ‘minamahal’ ang hindi dating minamahal.”
26 “At(D) mangyayari, na sa lugar na kung saan ay sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
doon sila tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’”
27 At(E) si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, “Bagaman ang bilang ng mga anak ng Israel ay maging tulad ng buhangin sa dagat, ang nalalabi lamang ang maliligtas:
28 sapagkat mabilis at tiyak na isasagawa ng Panginoon ang kanyang salita sa lupa.”
29 At(F) gaya ng sinabi nang una ni Isaias,
“Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo,
tayo'y naging katulad sana ng Sodoma,
at naging gaya ng Gomorra.”
Ang Israel at ang Ebanghelyo
30 Ano nga ang ating sasabihin? Ang mga Hentil na hindi nagsumikap sa katuwiran ay nagkamit ng katuwiran, samakatuwid ay katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya;
31 ngunit ang Israel na nagsusumikap sa katuwiran sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi nakaabot sa pagsunod sa kautusang iyon.
32 Bakit? Sapagkat hindi nila pinagsikapan iyon batay sa pananampalataya, kundi batay sa mga gawa. Sila'y natisod sa batong katitisuran,
33 gaya ng nasusulat,
“Tingnan ninyo,(G) inilalagay ko sa Zion ang isang batong ikabubuwal at batong katitisuran,
at ang sumasampalataya sa kanya'y hindi malalagay sa kahihiyan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001