Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 49-50

Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan

49 Makinig kayo, lahat ng bansa,
    kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
Dakila ka man o aba,
    mayaman ka man o dukha, makinig ka,
dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
    at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
    at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.

Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
    o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
    at dahil dito ay nagmamayabang.
Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
    kahit magbayad pa siya sa Dios.
Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
    hindi sapat ang anumang pambayad
upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
    at hindi na mamatay.
10 Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
    ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
    At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11 Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
    Doon sila mananahan,
    kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12 Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
    mamamatay din siya katulad ng hayop.
13 Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,
    na nasisiyahan sa sariling pananalita.
14 Silaʼy nakatakdang mamatay.
    Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan.[a]
    (Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)
    Mabubulok ang bangkay nila sa libingan,
    malayo sa dati nilang tirahan.
15 Ngunit tutubusin naman ako ng Dios
    mula sa kapangyarihan ng kamatayan.
    Tiyak na ililigtas niya ako.

16 Huwag kang mangamba kung yumayaman ang iba
    at ang kanilang kayamanan ay lalo pang nadadagdagan,
17 dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.
    Ang kanilang kayamanan ay hindi madadala sa libingan.
18 Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Dios,
    at pinupuri din sila ng mga tao dahil nagtagumpay sila.
19 Ngunit makakasama pa rin sila ng kanilang mga ninunong namatay na,
    doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.
20 Ang taong mayaman na hindi nakakaunawa ng katotohanan
    ay mamamatay katulad ng mga hayop.

Ang Tunay na Pagsamba

50 Ang Panginoong Dios na makapangyarihan ay nagsasalita at nananawagan sa lahat ng tao sa buong mundo.
Nagliliwanag siya mula sa Zion,
    ang magandang lungsod na walang kapintasan.
Darating ang Dios at hindi lang siya basta mananahimik.
    Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,
    at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.
Tinawag niya ang buong langit at mundo para sumaksi
    sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.
Sinabi niya, “Tipunin sa aking harapan ang mga tapat kong pinili
    na nakipagkasundo sa akin sa pamamagitan ng paghahandog.”
Inihahayag ng kalangitan na ang Dios ay matuwid,
    dahil siya nga ang Dios na may karapatang mamuno at humatol.
Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
    pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
    Ako ang Dios, na inyong Dios.
    Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
    na palagi ninyong iniaalay sa akin.
Hindi ko kailangan ang inyong mga baka[b] at mga kambing.
10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
    ang mga hayop sa gubat at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
    at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12 Kung magutom man ako, hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
    dahil ang daigdig at ang lahat ng nasa loob nito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?
    Hindi!
    Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
    Hindi!
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
    at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios.
15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
    At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
16 Ngunit sinabi ng Dios sa mga masama,
    “Wala kayong karapatang banggitin ang aking mga kautusan at kasunduan!
17 Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.
    Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.
18 Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,
    nakikipagkaibigan kayo sa kanya at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.
19 Lagi kayong nagsasalita ng masama at kay dali para sa inyong magsinungaling.
20 Sinisiraan ninyo ang inyong mga kapatid.
21 Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,
    kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.
    Ngunit sasawayin ko kayo at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.
22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Dios,
    dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo at walang makapagliligtas sa inyo.
23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat ay pinaparangalan ako
    at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali ay ililigtas ko.”

Roma 1

Mula kay Pablo na lingkod[a] ni Cristo Jesus.

Pinili at tinawag ako ng Dios na maging apostol upang ipangaral ang kanyang Magandang Balita. Ang Magandang Balitang itoʼy ipinangako ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta at nakasulat sa Banal na Kasulatan. 3-4 Ang balitang itoʼy tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanyang pagkatao, isinilang siya sa lahi ni Haring David, at sa kanyang banal na espiritu,[b] napatunayang siya ang makapangyarihang Anak ng Dios, nang siyaʼy nabuhay mula sa mga patay. Sa pamamagitan ni Cristo, tinanggap namin ang kaloob na maging apostol para madala namin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya ang mga tao sa lahat ng bansa. Ginagawa namin ito para sa kanya. At kayong mga mananampalataya riyan sa Roma ay kabilang din sa kanyang mga tinawag na maging tagasunod ni Jesu-Cristo.

Sa inyong lahat diyan sa Roma na minamahal ng Dios at tinawag na maging banal,[c] sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Dahilan ng Pagpunta ni Pablo sa Roma

Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, dahil balitang-balita ang inyong pananampalataya sa buong mundo. Palagi ko kayong idinadalangin, at alam ito ng Dios na buong puso kong pinaglilingkuran sa aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak. 10 Lagi ko ring idinadalangin na loobin sana ng Dios na makapunta ako riyan sa inyo. 11 Nananabik akong makita kayo para maipamahagi sa inyo ang mga espiritwal na kaloob na makakapagpatatag sa inyo. 12 Sa ganoon, magkakatulungan tayo sa pagpapalakas ng pananampalataya ng isaʼt isa.

13 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, pero laging may humahadlang. Nais kong pumunta riyan para mayroon din akong maakay sa pananampalataya kay Cristo, tulad ng ginawa ko sa mga hindi Judio sa mga napuntahan kong lugar. 14 Sapagkat may pananagutan ako na mangaral sa lahat ng tao: sa mga may pinag-aralan man o wala, sa marurunong o hangal. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nais ko ring maipangaral ang Magandang Balita riyan sa inyo sa Roma.

Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita

16 Hindi ko ikinakahiya ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, dahil ito ang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya – una ang mga Judio at gayon din ang mga hindi Judio. 17 Sapagkat ipinapahayag sa Magandang Balita kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao,[d] at itoʼy sa pamamagitan lang ng pananampalataya. Ayon nga sa Kasulatan, “Sa pananampalataya mabubuhay ang matuwid.”[e]

Ang Galit ng Dios sa Lahat ng Kasamaan

18 Ipinapahayag ng Dios mula sa langit ang kanyang poot sa lahat ng kasamaan at kalapastanganang ginagawa ng mga tao, na siyang pumipigil sa kanila para malaman ang katotohanan tungkol sa Dios. 19 Sapagkat ang katotohanan tungkol sa Dios ay malinaw sa kanila dahil inihayag ito sa kanila ng Dios. 20 Totoong hindi nakikita ang Dios, pero mula pa nang likhain niya ang mundo, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Dios ay naipahayag sa mga bagay na ginawa niya; kaya wala silang maidadahilan. 21 At kahit alam nilang may Dios, hindi nila siya pinarangalan o pinasalamatan man lang. Sa halip, ibinaling nila ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na walang kabuluhan, kaya napuno ng kadiliman ang mga hangal nilang pag-iisip. 22 Nagmamarunong sila, pero lumilitaw na silaʼy mga mangmang. 23 Sapagkat ipinagpalit nila ang dakila at walang kamatayang Dios sa mga dios-diosang anyong tao na may kamatayan, mga ibon, mga hayop na may apat na paa, at mga hayop na nagsisigapang.

24 Kaya hinayaan na lang sila ng Dios sa maruruming hangarin ng kanilang puso, hanggang sa gumawa sila ng kahalayan at kahiya-hiyang mga bagay sa isaʼt isa. 25 Ipinagpalit nila sa kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Dios. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha sa halip na ang Manlilikha na siyang dapat papurihan magpakailanman. Amen!

26 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Dios, hinayaan na lang sila ng Dios na gawin ang kanilang malalaswang pagnanasa. Ipinagpalit ng mga babae ang natural na pakikipagrelasyon nila sa lalaki sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon sa kapwa babae. 27 Ganoon din ang mga lalaki. Tinalikuran nila ang natural na pakikipagrelasyon sa babae, at sa halip ay pinagnasahan ang kapwa lalaki. Kahiya-hiya ang ginagawa nila sa isaʼt isa. Dahil dito, pinarusahan sila ng Dios nang nararapat sa kanila.

28 At dahil sa ayaw talaga nilang kilalanin ang Dios, hinayaan niya sila sa kanilang kaisipang hindi makapili ng tama. Kaya ginagawa nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman at masasamang hangarin. Silaʼy mainggitin, mamamatay-tao, mapanggulo, mandaraya, at laging nag-iisip ng masama sa kanilang kapwa. Silaʼy mga tsismosoʼt tsismosa 30 at mapanirang-puri. Napopoot sila sa Dios, mga walang galang at mapagmataas. Naghahanap sila ng magagawang masama, at suwail sa mga magulang nila. 31 Silaʼy mga hangal, mga traydor, at walang awa. 32 Alam nila ang utos ng Dios na dapat parusahan ng kamatayan ang mga taong gumagawa ng mga kasalanang ito, pero patuloy pa rin silang gumagawa nito, at natutuwa pa sila na ginagawa rin ito ng iba.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®