Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 34-35

34 Sinabi pa ni Elihu,

“Kayong mga nagsasabing marurunong at maraming nalalaman, pakinggan ninyo akong mabuti. Sapagkat kung papaanong alam ng dila ang masarap at hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga kung ano ang tama at hindi tamang mga salita. Kaya alamin natin kung ano ang tama, pag-aralan natin kung ano ang mabuti. Sapagkat sinabi ni Job, ‘Wala akong kasalanan pero hindi ako binigyan ng Dios ng katarungan. Kahit na matuwid ako, itinuring akong sinungaling. Kahit na wala akong nagawang kasalanan, binigyan niya ako ng karamdamang walang kagalingan.’

“Walang taong katulad ni Job na uhaw sa pangungutya. Ang gusto niyang makasama ay masasama at makasalanang tao, dahil sinabi niya, ‘Walang pakinabang ang tao kung magsisikap siyang bigyan kasiyahan ang Dios!’

10 “Kaya makinig kayo sa akin, kayong mga nagsasabing kayo ay nakakaunawa. Ang Makapangyarihang Dios ay hindi gumagawa ng masama. 11 Ginagantimpalaan niya ang tao ayon sa kanyang mga ginawa; pinakikitunguhan niya ito ayon sa nararapat sa kanyang ugali. 12 Nakatitiyak akong hindi maaaring gumawa ang Makapangyarihang Dios ng masama. Hindi niya maaaring baluktutin ang hustisya. 13 May nagtalaga ba sa kanya para pamunuan ang mundo? May nagbilin ba sa kanya ng mundo? Wala! 14 Kung loloobin ng Dios na kunin ang buhay na ibinigay niya sa tao, 15 lahat ng taoʼy mamamatay at babalik sa lupa.

16 Job, kung may pang-unawa ka, pakinggan mo ang sasabihin ko: 17 Makakapamuno kaya ang Dios kung ayaw niya ng katarungan? Bakit mo hinahatulan ang matuwid at makapangyarihang Dios? 18 Hindi baʼt siya ang sumasaway sa mga hari at pinunong masama at walang kwenta? 19 Wala siyang itinatangi sa mga pinuno at wala rin siyang pinapanigan, mayaman man o mahirap, dahil silang lahat ay pare-pareho niyang nilikha. 20 Kahit ang taong makapangyarihan ay biglang mamamatay sa gabi nang hindi ginagalaw ng tao.

21 “Binabantayan ng Dios ang lahat ng ginagawa ng tao. 22 Walang madilim na lugar na maaaring pagtaguan ng masama. 23 Hindi na kailangang tawagin pa ng Dios ang tao upang humarap sa kanya para tanungin at hatulan. 24 Hindi na niya kailangang imbestigahan pa ang taong namumuno para alisin ito sa katungkulan at palitan ng iba. 25 Sapagkat alam niya ang kanilang ginagawa, inaalis niya sila sa kapangyarihan at nililipol kahit gabi. 26 Hayagan niya silang pinaparusahan dahil sa kanilang kasamaan. 27 Ginawa niya ito dahil tumigil sila ng pagsunod sa kanya, at binalewala ang kanyang pamamaraan. 28 Inaapi nila ang mga dukha, at narinig ng Dios ang paghingi ng mga ito ng tulong. 29 Pero kahit na tumahimik ang Dios at magtago, walang sinuman ang makapagsasabing mali siya. Ang totoo, binabantayan ng Dios ang tao at mga bansa, 30 para patigilin ang pamumuno ng mga hindi makadios, na siyang bitag na pipinsala sa mga tao.

31 Job, bakit ayaw mong lumapit sa Dios at sabihin sa kanya, ‘Nagkasala po ako, pero hindi na ako magkakasala pa!’ 32 o, ‘Sabihin nʼyo sa akin ang kasalanan ko. Kung nagkasala ako, hindi ko na ito muling gagawin.’ 33 Papaano sasagutin ng Dios ang kahilingan mo kung hindi ka magsisisi? Ikaw ang magpapasya nito at hindi ako. Kaya sabihin mo sa akin kung ano ang pasya mo.

34 “Ang mga taong marunong at may pang-unawa, na nakikinig sa akin, 35 ay makapagsasabing ang mga sinasabi mo Job ay kamangmangan at walang kabuluhan. 36 Dapat ka ngang lubusang subukin dahil nagsasalita kang gaya ng masamang tao. 37 Dinadagdagan mo pa ang kasalanan mo dahil sa paghihimagsik mo sa Dios. Minamasama moʼt kinukutya ang Dios sa harap namin.”

35 Sinabi pa ni Elihu, “Akala mo baʼy tama ka sa pagsasabing wala kang kasalanan sa harap ng Dios? Pero tinatanong mo rin, ‘Anong pakinabang ko kung akoʼy hindi gagawa ng kasalanan?’

“Sasagutin kita pati na ang iyong mga kaibigan. Tumingin ka sa langit at tingnan mo kung gaano kataas ang ulap. Kung magkasala ka, hindi iyon makakaapekto sa Dios, kahit patuloy ka pang magkasala. Kung matuwid ka, ano naman ang kabutihang maibibigay nito sa Dios? Ang maaapektuhan lamang sa ginagawa mong mabuti o masama ay ang iyong kapwa.

“Ang mga inaapi ay humihingi ng tulong na iligtas sila sa kamay ng mga makapangyarihang tao. 10 Pero hindi sila tumatawag sa Dios na lumikha sa kanila at nagbibigay ng kalakasan sa panahon ng paghihirap. 11 Hindi sila lumalapit sa Dios na nilikha silang higit na marunong kaysa sa mga hayop at ibon. 12 At kung mananalangin sila, hindi sila sinasagot ng Dios dahil mayayabang sila at masasamang tao. 13 Tunay ngang hindi dinidinig ng Makapangyarihang Dios ang walang kabuluhang paghingi nila ng tulong. 14 Job, lalo ka lang niyang hindi pakikinggan kung sasabihin mong hindi mo nakikita ang kanyang tulong nang idinulog mo ang iyong kalagayan, at pinaghihintay ka lang. 15 Sinabi mo rin na hindi nagpaparusa ang Dios kahit galit siya, at hindi niya pinapansin ang kasamaang ginagawa ng tao. 16 Job, walang saysay ang sinasabi mo. Talagang malinaw na hindi mo alam ang iyong sinasabi.”

Gawa 15:1-21

Ang Pagpupulong sa Jerusalem

15 May mga taong galing sa Judea na pumunta sa Antioc at nagturo sa mga kapatid doon na silang mga hindi Judio ay hindi maliligtas kung hindi sila magpapatuli ayon sa kaugaliang itinuro ni Moises. Hindi ito sinang-ayunan nina Pablo at Bernabe, at naging mainit ang pagtatalo nila tungkol dito. Kaya nagkaisa ang mga mananampalataya roon na papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang iba pang mga mananampalataya sa Antioc, para makipagkita sa mga apostol at sa mga namumuno sa iglesya tungkol sa bagay na ito.

Kaya pinapunta ng iglesya sina Pablo. At nang dumaan sila sa Fenicia at sa Samaria, ibinalita nila sa mga kapatid na may mga hindi Judio na sumampalataya kay Cristo. Nang marinig nila ito, tuwang-tuwa sila. Pagdating nina Pablo sa Jerusalem tinanggap sila ng iglesya, ng mga apostol, at ng mga namumuno sa iglesya. Ibinalita nila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila. Pero tumayo ang ilang mananampalatayang miyembro ng grupo ng mga Pariseo at nagsabi, “Kailangang tuliin ang mga hindi Judio at utusang sumunod sa Kautusan ni Moises.”

Kaya nagpulong ang mga apostol at ang mga namumuno sa iglesya para pag-usapan ang bagay na ito. Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, alam ninyo na pinili ako ng Dios noong una mula sa inyo para ituro ang Magandang Balita sa mga hindi Judio, nang sa gayoʼy makarinig din sila at sumampalataya. Alam ng Dios ang nilalaman ng puso ng bawat tao. At ipinakita niya na tinatanggap din niya ang mga hindi Judio, dahil binigyan din sila ng Banal na Espiritu katulad ng ginawa niya sa atin noon. Sa paningin ng Dios, tayong mga Judio at silang mga hindi Judio ay pare-pareho lang. Dahil nilinis din niya ang kanilang puso nang sumampalataya sila. 10 Ngayon, bakit nʼyo sinusubukan ang Dios? Bakit nʼyo pinipilit ang mga hindi Judiong tagasunod ni Jesus na sumunod sa mga kautusan na kahit ang ating mga ninuno at tayo mismo ay hindi makasunod? 11 Naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, at ganito rin naman sa mga hindi Judio.”

12 Nang marinig nila iyon, tumahimik silang lahat. At pinakinggan nila ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan nila. 13 Pagkatapos nilang magsalita, sinabi ni Santiago, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. 14 Ikinuwento sa atin ni Simon Pedro ang unang pagtawag ng Dios sa mga hindi Judio para may mga tao ring mula sa kanila na maging kanya. 15 Itoʼy ayon din sa mga isinulat ng mga propeta noon, dahil sinasabi sa Kasulatan,

16 ‘Pagkatapos nito, babalik ako,
    at itatayo kong muli ang kaharian ni David na bumagsak.
Ibabangon ko itong muli mula sa pagkaguho,
17 para hanapin ako ng ibang tao – ang lahat ng hindi Judio na aking tinawag na maging akin.
Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito,
18 at matagal ko na itong ipinahayag.’ ”

19 Sinabi pa ni Santiago, “Kaya kung sa akin lang, huwag na nating pahirapan ang mga hindi Judio na lumalapit sa Dios. 20 Sa halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan, dahil itoʼy itinuturing nating marumi. Iwasan nila ang sekswal na imoralidad. At huwag kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. 21 Ito ang mga utos ni Moises na dapat nilang sundin para hindi mandiri ang mga Judio sa kanila, dahil mula pa noon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na ng mga Judio sa kanilang sambahan tuwing Araw ng Pamamahinga. At itinuturo nila ito sa bawat bayan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®