Old/New Testament
Panalangin upang magtagumpay sa kaaway. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.
20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kabagabagan;
(A)Itaas ka sa mataas ng pangalan ng Dios ni Jacob;
2 Saklolohan ka mula sa (B)santuario,
At palakasin ka mula sa (C)Sion;
3 Alalahanin nawa ang lahat ng iyong mga handog,
At tanggapin niya ang iyong mga haing sinunog; (Selah)
4 (D)Pagkalooban ka nawa ng nais ng iyong puso,
At tuparin ang lahat ng iyong payo.
5 Kami ay (E)magtatagumpay sa iyong pagliligtas,
At (F)sa pangalan ng aming Dios ay aming itataas ang aming mga watawat:
Ganapin nawa ng Panginoon ang lahat ng iyong mga hingi.
6 Talastas ko ngayon na inililigtas ng Panginoon ang (G)kaniyang pinahiran ng langis;
Sasagutin niya siya mula sa kaniyang banal na langit
Ng pangligtas na kalakasan ng kaniyang kanang kamay.
7 (H)Ang iba ay tumitiwala sa mga karo, at ang iba ay sa mga kabayo:
(I)Nguni't babanggitin namin ang pangalan ng Panginoon naming Dios.
8 Sila'y nangakasubsob at buwal:
Nguni't kami ay nakatindig at nakatayo na matuwid.
9 Magligtas ka, Panginoon:
Sagutin nawa kami ng Hari pagka kami ay nagsisitawag.
Pagpapasalamat sa pagliligtas. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.
21 Ang hari ay magagalak sa iyong kalakasan, Oh Panginoon;
At (J)sa iyong pagliligtas gaano kalaki ang ikagagalak niya!
2 Ibinigay mo sa kaniya (K)ang nais ng kaniyang puso,
At hindi mo ikinait ang hiling ng kaniyang mga labi. (Selah)
3 (L)Sapagka't iyong sinalubong siya ng mga kapalaran na kabutihan:
Iyong pinuputungan ng isang (M)putong na dalisay na ginto ang kaniyang ulo.
4 Siya'y humingi ng (N)buhay sa iyo, iyong binigyan siya;
(O)Pati ng kahabaan ng mga kaarawan magpakailan pa man.
5 Ang kaniyang kaluwalhatian ay (P)dakila sa iyong pagliligtas:
Karangalan at kamahalan ay inilalagay mo sa kaniya.
6 Sapagka't ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailan man:
(Q)Iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
7 Sapagka't ang hari ay tumitiwala sa Panginoon,
At sa kagandahang-loob ng Kataastaasan ay (R)hindi siya makikilos.
8 Masusumpungan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway:
Masusumpungan ng iyong kanan yaong mga nangagtatanim sa iyo.
9 (S)Iyong gagawin sila na gaya ng mainit na hurno sa panahon ng iyong galit.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kaniyang poot,
At susupukin sila ng (T)apoy.
10 (U)Ang kanilang bunga ay iyong lilipulin mula sa lupa,
At ang kanilang binhi ay mula sa gitna ng mga anak ng mga tao.
11 Sapagka't sila'y nagakala ng kasamaan laban sa iyo:
Sila'y nagpanukala ng lalang na hindi nila maisasagawa.
12 Sapagka't iyong patatalikurin sila,
(V)Ikaw ay maghahanda ng iyong mga bagting ng busog laban sa mukha nila.
13 Mataas ka, Oh Panginoon, sa iyong kalakasan:
Sa gayo'y aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.
Iyak sa pagkahapis at Awit sa pagluwalhati. Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Aijeleth-hash-Shahar. Awit ni David.
22 Dios ko, Dios ko, (W)bakit mo ako pinabayaan?
Bakit ka napaka layo sa pagtulong sa akin, at sa mga salita ng (X)aking pagangal?
2 Oh Dios ko, ako'y humihiyaw sa araw, nguni't hindi ka sumasagot:
At sa gabi, at hindi ako tahimik.
3 Nguni't ikaw ay banal, Oh ikaw na tumatahan sa mga (Y)pagpuri ng Israel.
4 Ang aming mga magulang ay nagsitiwala sa iyo:
Sila'y nagsitiwala, at iyong iniligtas sila.
5 Sila'y nagsidaing sa iyo at nangaligtas:
(Z)Sila'y nagsitiwala sa iyo, at hindi nangapahiya.
6 Nguni't (AA)ako'y uod at hindi tao; Duwahagi sa mga tao, at (AB)hinamak ng bayan.
7 (AC)Silang lahat na nangakakita sa akin ay tinatawanang mainam ako:
Inilalawit nila ang labi, iginagalaw nila ang ulo, na sinasabi,
8 (AD)Magpakatiwala ka sa Panginoon; iligtas niya siya:
Iligtas niya siya yamang kinaluluguran niya siya:
9 (AE)Nguni't ikaw ang naglabas sa akin sa bahay-bata:
Pinatiwala mo ako nang ako'y nasa mga suso ng aking ina.
10 Ako'y nahagis sa iyo mula sa bahay-bata:
Ikaw ay aking Dios (AF)mulang dalhin ako sa tiyan ng aking ina.
11 Huwag mo akong layuan; sapagka't kabagabagan ay malapit;
Sapagka't walang tumulong.
12 (AG)Niligid ako ng maraming toro;
Mga malakas na toro ng Basan ay kumulong sa akin.
13 (AH)Sila'y magbubuka sa akin ng kanilang bibig,
Na gaya ng sumasakmal at umuungal na leon.
14 Ako'y nabuhos na parang tubig, At lahat ng aking mga buto ay nangapapalinsad:
(AI)Ang aking puso ay parang pagkit;
Natutunaw ito sa loob ko.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang bibinga;
(AJ)At ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
At dinala mo ako sa alabok ng kamatayan.
16 Sapagka't niligid ako ng mga aso:
Kinulong ako ng pulutong ng mga manggagawa ng masama;
(AK)Binutasan nila ang aking mga kamay at ang aking mga paa.
17 Aking maisasaysay ang lahat ng aking mga buto;
Kanilang minamasdan, at pinapansin ako:
18 (AL)Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila,
At kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan.
19 Nguni't huwag kang lumayo, Oh Panginoon:
Oh ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan mo ako.
20 Iligtas mo ang aking kaluluwa sa tabak;
Ang aking minamahal sa kapangyarihan ng aso.
21 (AM)Iligtas mo ako sa bibig ng leon;
Oo, mula sa mga sungay ng torong gubat ay sinagot mo ako.
22 (AN)Aking ipahahayag ang iyong pangalan sa aking mga kapatid:
Sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita.
23 (AO)Kayong nangatatakot sa Panginoon ay magsipuri sa kaniya:
Kayong lahat na binhi ni Jacob ay lumuwalhati sa kaniya;
At magsitayong may takot sa kaniya, kayong lahat na binhi ni Israel.
24 Sapagka't hindi niya hinamak o pinagtaniman man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
Ni ikinubli man niya ang kaniyang mukha sa kaniya;
Kundi (AP)nang siya'y dumaing sa kaniya, ay kaniyang dininig.
25 (AQ)Sa iyo nanggagaling ang pagpuri sa akin sa dakilang kapisanan:
Aking tutuparin ang (AR)aking mga panata sa harap nila na nangatatakot sa kaniya.
26 (AS)Ang maamo ay kakain at mabubusog:
Kanilang pupurihin ang Panginoon na humanap sa kaniya;
Mabuhay nawa ang iyong puso magpakailan man.
27 Lahat ng mga wakas ng lupa ay makakaalaala, at (AT)magsisipanumbalik sa Panginoon:
At lahat ng mga angkan ng mga bansa ay magsisisamba sa harap mo.
28 (AU)Sapagka't ang kaharian ay sa Panginoon:
At siya ang puno sa mga bansa.
29 Lahat na matataba sa lupa ay magsisikain, at magsisisamba:
Silang lahat na nagsisibaba sa alabok ay magsisiyukod sa harap niya,
Sa makatuwid baga'y ang hindi makapagingat na buhay ng kaniyang kaluluwa.
30 Isang binhi ay maglilingkod sa kaniya,
Sasaysayin ang Panginoon sa susunod na salin ng lahi,
31 (AV)Sila'y magsisiparoon at mangaghahayag ng kaniyang katuwiran,
Sa bayan na ipanganganak ay ibabalita, yaong kaniyang ginawa.
21 At nang mangyaring kami'y mangakahiwalay na sa kanila at mangaglayag, ay tuloytuloy na pinunta namin ang Coos, at nang kinabukasa'y ang Rodas, at buhat doo'y ang Patara:
2 At nang aming masumpungan ang isang daong na dumaraang patungo sa Fenicia, ay nagsilulan kami, at nagsipaglayag.
3 At nang matanaw namin ang Chipre, na maiiwan namin sa dakong kaliwa ay nagsilayag kaming hanggang sa (A)Siria, at nagsidaong sa Tiro; sapagka't ilulunsad doon ng daong ang kaniyang lulan.
4 At nang masumpungan ang mga alagad, ay nangatira kami doong pitong araw: at sinabi ng mga ito kay Pablo na (B)sa pamamagitan ng Espiritu, na huwag siyang tutungtong sa Jerusalem.
5 At nang mangyari na maganap namin ang mga araw na yaon, ay nagsialis kami at nangagpatuloy sa aming paglalakbay: at silang lahat, pati ng mga asawa at mga anak, (C)ay humatid sa amin sa aming paglalakad hanggang sa labas ng bayan: at sa paninikluhod namin sa baybayin, kami'y nagsipanalangin, at nangagpaalaman sa isa't isa;
6 At nagsilulan kami sa daong, datapuwa't sila'y muling nagsiuwi sa bahay.
7 At nang aming matapos ang paglalayag buhat sa Tiro, ay nagsidating kami sa Tolemaida; at kami'y nagsibati sa mga kapatid, at kami'y nagsitahan sa kanilang isang araw.
8 At nang kinabukasan ay nagsialis kami, at nagsidating sa (D)Cesarea: at sa pagpasok namin sa bahay ni (E)Felipe na evangelista, na isa sa pito, ay nagsitahan kaming kasama niya.
9 Ang tao ngang ito'y may apat na anak na binibini, (F)na nagsisipanghula.
10 At sa pagtira namin doong ilang araw, ay dumating na galing sa Judea ang isang propeta, na nagngangalang (G)Agabo.
11 At paglapit sa amin, at pagkakuha ng (H)pamigkis ni Pablo, ay ginapos niya ang kaniyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, Ganito ang sabi ng Espiritu Santo, (I)Ganitong gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Gentil.
12 At nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at gayon din ang nangaroroon doon ay nagsipamanhik sa kaniya na huwag ng umahon sa Jerusalem.
13 Nang magkagayo'y sumagot si Pablo, (J)Anong ginagawa ninyo, na nagsisitangis at dinudurog ang aking puso? sapagka't ako'y nahahanda na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.
14 At nang hindi siya pahikayat ay nagsitigil kami, na nagsisipagsabi, Mangyari ang kalooban ng Panginoon.
15 At pagkatapos ng mga araw na ito ay binuhat namin ang aming daladalahan at nagsiahon kami sa Jerusalem.
16 At nagsisama naman sa aming mula sa Cesarea ang ilan sa mga alagad, at kanilang isinama ang isang Mnason, na taga Chipre, isa sa mga kaunaunahang alagad, na sa kaniya kami magsisipanuluyan.
17 At nang magsidating kami sa Jerusalem, ay tinanggap kami ng mga kapatid na may kagalakan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978