Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 10-12

Nagrebelde ang Israel kay Rehoboam(A)

10 Pumunta si Rehoboam sa Shekem, kung saan nagtipon ang lahat ng mga Israelita para hirangin siya na hari. Nang mabalitaan ito ni Jeroboam na anak ni Nebat, bumalik siya sa Israel. (Sapagkat sa panahong ito, doon siya nakatira sa Egipto, kung saan tumakas siya kay Haring Solomon.) Ipinatawag ng mga Israelita si Jeroboam, at pumunta sila kay Rehoboam at sinabi, “Mabigat ang mga ipinapatupad ng inyong ama sa amin. Pero kung pagagaanin nʼyo ito, paglilingkuran namin kayo.”

Sumagot si Rehoboam, “Bigyan nʼyo muna ako ng tatlong araw para pag-isipan ito, pagkatapos, bumalik kayo sa akin.” Kaya umuwi ang mga tao. Nakipagkita agad si Haring Rehoboam sa mga tagapamahala na naglilingkod sa ama niyang si Solomon nang nabubuhay pa ito. Nagtanong si Rehoboam sa kanila, “Ano ba ang maipapayo ninyo na isasagot ko sa hinihiling ng mga taong iyon?” Sumagot sila, “Kung ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanila, at ibibigay sa kanila ang kanilang kahilingan, maglilingkod sila sa inyo magpakailanman.”

Pero hindi sinunod ni Rehoboam ang kanilang payo. Sa halip, nakipagkita siya sa mga kababata niya na naglilingkod sa kanya. Nagtanong siya sa kanila, “Ano ba ang maipapayo nʼyo na isasagot ko sa kahilingan ng mga taong iyon? Humihiling sila sa akin na pagaanin ko ang mabigat na mga ipinapatupad ng aking ama sa kanila.” 10 Sumagot ang mga binata, “Ito ang isagot mo sa mga taong iyon na humihiling sa iyo: ‘Ang aking kalingkingan ay mas malaki pa sa baywang ng aking ama. 11 Ang ibig kong sabihin mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo kaysa sa ipinapatupad ng aking ama. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.’ ”[a]

12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao kay Haring Rehoboam, ayon sa sinabi ng hari sa kanila. 13 Pero hindi tinupad ni Rehoboam ang ipinayo ng mga tagapamahala. Sa halip, pinagsalitaan niya nang masasakit ang mga tao 14 ayon sa ipinayo ng mga binata. Sinabi niya sa kanila, “Mabigat ang ipinapatupad ng aking ama sa inyo, pero mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.”

15 Kaya hindi nakinig ang hari sa mga tao, itoʼy niloob ng Dios para matupad ang kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahia na taga-Shilo. 16 Nang malaman ng mga Israelita na hindi sila pinakinggan ng hari, sinabi nila sa hari, “Hindi kami bahagi ng lahi ni David! Bahala ka na sa iyong kaharian! Halikayo mga Israelita, umuwi na tayo!” Kaya umuwi ang lahat ng mga Israelita. 17 Ang mga Israelita lang na nakatira sa mga bayan ng Juda ang pinamahalaan ni Rehoboam.

18 Ngayon, pinapunta ni Haring Rehoboam sa mga Israelita si Adoram, ang tagapamahala ng mga tao na pinagtatrabaho ng sapilitan, para makipag-ayos sa kanila. Pero binato siya ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas papunta sa Jerusalem. 19 Hanggang ngayon, nagrerebelde ang mga Israelita sa mga angkan ni David.

Binalaan ni Shemaya si Rehoboam(B)

11 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya. Pero sinabi ng Panginoon kay Shemaya na kanyang lingkod, “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng Israelita sa Juda at Benjamin na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa inyong kadugo. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod sila sa Panginoon at hindi nila nilusob si Jeroboam.

Nagpaiwan si Rehoboam sa Jerusalem at pinalakas niya ang mga bayan na ito para maprotektahan ang Juda: Betlehem, Etam, Tekoa, Bet Zur, Soco, Adulam, Gat, Maresha, Zif, Adoraim, Lakish, Azeka, 10 Zora, Ayalon at Hebron. Ito ang mga napapaderang lungsod sa Juda at Benjamin. 11 Pinatatag niya ang mga tanggulan nito at pinalagyan ito ng mga kumander. Silaʼy binigyan niya ng mga pagkain, langis ng olibo, at katas ng ubas. 12 Pinalagyan niya ang mga lungsod ng mga pananggalang at mga sibat bilang dagdag na pampatibay. Kaya ang Juda at ang Benjamin ay naging sakop niya.

13 Pero ang mga pari at mga Levita na nakatira kasama ng ibang lahi ng Israel ay kumampi kay Rehoboam. 14 Ang mga Levitang ito ay iniwan ang kanilang bahay at lupa, at lumipat sa Juda at Jerusalem dahil itinakwil sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ng Panginoon. 15 Nagtalaga si Jeroboam ng sarili niyang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar,[b] kung saan sumasamba sila sa kanilang mga dios-diosan na kambing at baka na gawa ni Jeroboam. 16 Ang mga Israelita sa ibang lahi ng Israel na gustong dumulog sa Panginoon, ang Dios ng Israel ay sumunod sa mga Levita sa Jerusalem, para makapaghandog sila ng mga handog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. 17 Pinatibay nila ang kaharian ng Juda, at sa loob ng tatlong taon, sinuportahan nila si Rehoboam na anak ni Solomon. Sumunod sila sa Panginoon gaya ng kanilang ginawa noong naghari sina David at Solomon.

Ang Pamilya ni Rehoboam

18 Pinakasalan ni Rehoboam si Mahalat, na anak ni Jerimot na anak ni David, at Abihail na anak ni Eliab at apo ni Jesse. 19 Si Rehoboam at si Mahalat ay may tatlong anak na lalaki na sina Jeush, Shemaria at Zaham. 20 Pinakasalan din ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom. Ang kanilang mga anak na lalaki ay sina Abijah, Atai, Ziza at Shelomit. 21 Mas mahal ni Rehoboam si Maaca kaysa sa iba niyang mga asawa. May 18 asawa si Rehoboam at may 60 pa siyang mga asawang alipin. At ang mga anak niya ay 28 lalaki at anim na babae. 22 Ang anak niya kay Maaca na si Abijah ang pinili niyang maging pinuno ng mga anak niyang prinsipe, na nangangahulugang si Abijah ang papalit sa kanya bilang hari. 23 Maingat na binigyan ni Rehoboam ng katungkulan ang iba pa niyang mga anak, at inilagay niya sila sa napapaderang lungsod ng Juda at Benjamin. Binigyan niya sila ng kanilang mga pangangailangan at mga asawa.

Nilusob ni Shisak ang Jerusalem(C)

12 Nang matatag na ang paghahari ni Rehoboam at makapangyarihan na siya, itinakwil niya at ng buong Israel ang kautusan ng Panginoon. Dahil hindi sila matapat sa Panginoon, nilusob ni Haring Shisak ng Egipto, ang Jerusalem noong ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam. Kasama ni Shisak ang 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at napakaraming sundalo, na ang iba sa kanilaʼy galing pa sa Libya, Sukot at Etiopia. Sinakop ni Shisak ang napapaderang lungsod ng Juda at lumusob hanggang sa Jerusalem.

Pagkatapos, pumunta si Propeta Shemaya kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na tumakas sa Jerusalem dahil sa takot kay Shisak. Sinabi ni Shemaya sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Itinakwil nʼyo ako, kaya ngayon, pababayaan ko kayo kay Shisak.”

Nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, “Matuwid ang Panginoon!”

Nang makita ng Panginoon na silaʼy nagpakumbaba, sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Shemaya, “Dahil nagpakumbaba sila, hindi ko sila lilipulin at hindi magtatagal ay palalayain ko sila. Pero ipapasakop ko sila sa kanya para matutuhan nila na mas mabuti ang maglingkod sa akin kaysa sa paglingkuran ang mga makalupang hari.”

Nang nilusob ni Haring Shisak ng Egipto ang Jerusalem, ipinakuha niya ang mga kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo. Kinuha niya ang lahat, pati ang lahat ng pananggalang na ginto na ipinagawa ni Solomon. 10 Kaya nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga pananggalang na tanso na kapalit ng mga ito, at ipinamahala niya ito sa mga opisyal ng mga guwardya ng pintuan ng palasyo. 11 At kapag pupunta ang hari sa templo ng Panginoon, sasama sa kanya ang mga tagapagbantay na nagdadala ng mga pananggalang na ito, at pagkatapos, ibabalik din nila ito sa kanilang kwarto.

12 Dahil nagpakumbaba si Rehoboam, nawala ang galit ng Panginoon sa kanya, at hindi siya nalipol nang lubos. May natira pang kabutihan sa Juda.

13 Lalong tumatag ang pamamahala ni Haring Rehoboam at nagpatuloy siya sa paghahari roon sa Jerusalem. Siyaʼy 41 taong gulang nang maging hari, at naghari siya ng 17 taon sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, kung saan pararangalan siya. Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na isang Ammonita. 14 Pero gumawa ng kasamaan si Rehoboam dahil hindi siya naghangad na hanapin ang Panginoon.

15 Ang salaysay tungkol sa paghahari ni Rehoboam mula sa umpisa hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Shemaya at Aklat ni Propeta Iddo, na talaan ng mga salinlahi. Nagpatuloy ang paglalaban nina Rehoboam at Jeroboam. 16 Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Abijah ang pumalit sa kanya bilang hari.

Juan 11:30-57

30 (Hindi pa nakakarating si Jesus sa Betania. Naroon pa lang siya sa lugar kung saan sinalubong siya ni Marta.) 31 Nang makita ng mga nakikiramay na Judio na tumayo si Maria at dali-daling lumabas, sinundan nila siya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doon manangis.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa harap nito at sinabi, “Panginoon, kung narito lang kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko.” 33 Nabagbag ang puso ni Jesus[a] at naawa siya nang makita niyang umiiyak si Maria, pati na ang mga kasama nitong mga Judio. 34 Tinanong niya sila, “Saan ninyo siya inilibing?” Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” 35 Umiyak si Jesus. 36 Kaya sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazarus.” 37 Pero sinabi naman ng iba, “Hindi baʼt pinagaling niya ang lalaking bulag? Bakit hindi niya nailigtas sa kamatayan si Lazarus?”

Muling Binuhay si Lazarus

38 Muling nabagbag ang puso ni Jesus. Kaya pumunta siya sa pinaglibingan kay Lazarus. Isa itong kweba na tinakpan ng isang malaking bato. 39 Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sumagot si Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, tiyak na nangangamoy na ngayon ang bangkay. Apat na araw na siyang nakalibing.” 40 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi baʼt sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kapangyarihan[b] ng Dios?” 41 Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong dinidinig, at sinasabi ko ito para sa kapakanan ng mga nasa paligid ko upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya, “Lazarus, lumabas ka!” 44 At lumabas nga ang namatay na si Lazarus na nababalot pa ng tela ang mga kamay at paa, at may takip na tela ang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan nʼyo siya at palakarin.”

Ang Plano ng mga Pinuno Laban kay Jesus(A)

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang sumampalataya nang makita nila ang ginawa ni Jesus. 46 Pero ang iba sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya ipinatawag ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. At nang nagkatipon na sila, sinabi nila, “Ano ang gagawin natin? Maraming himala ang ginagawa ng taong ito. 48 Kapag pinabayaan natin siya, maniniwala ang lahat ng tao sa kanya na siya ang hari ng Israel. Kapag nangyari iyan, lulusubin tayo ng mga hukbong Romano at wawasakin nila ang templo at ang ating bansa.”[c] 49 Pero isa sa kanila, si Caifas na punong pari nang taon na iyon, ang nagsabi, “Talagang wala kayong alam. 50 Hindi nʼyo ba naisip na mas mabuting mamatay ang isang tao para sa sambayanan kaysa sa mapahamak ang buong bansa?” 51 Ang sinabing ito ni Caifas ay hindi nanggaling sa sarili lang niya. Bilang punong pari ng taon na iyon, nagpahayag ang Dios sa pamamagitan niya na mamamatay si Jesus para sa buong bansa. 52 At hindi lang para sa bansa nila, kundi para sa lahat ng mga anak ng Dios na nagsipangalat sa buong mundo, upang tipunin sila at pag-isahin. 53 Mula noon, binalak na nilang ipapatay si Jesus. 54 Kaya hindi na lantarang nagpakita si Jesus sa mga Judio. Sa halip ay pumunta siya sa lugar na malapit sa ilang, sa isang bayan na kung tawagin ay Efraim. At nanatili siya roon kasama ang mga tagasunod niya.

55 Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel, maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan ng Israel ang pumunta sa Jerusalem upang isagawa ang ritwal na paglilinis bago magpista. 56 Hinanap nila nang hinanap si Jesus, at nagtatanungan sila roon sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” 57 Nang mga panahong iyon, ipinag-utos ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam ng sinumang nakakaalam kung nasaan si Jesus upang madakip nila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®