Old/New Testament
Ang Paghahari ni Azaria sa Juda(A)
15 Naging hari ng Juda ang anak ni Amazia na si Azaria[a] nang ika-27 taon ng paghahari ni Jeroboam II sa Israel. 2 Si Azaria ay 16 na taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 52 taon. Ang ina niya ay si Jecolia na taga-Jerusalem. 3 Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazia. 4 Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar,[b] kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso roon.
5 Binigyan siya ng Panginoon ng malubhang sakit sa balat,[c] na hindi gumaling hanggang sa araw nang kamatayan niya. Nakatira siya sa isang bukod na bahay. Si Jotam na anak niya ang siyang namahala sa palasyo ng Juda at sa mga mamamayan. 6 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Azaria, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 7 Nang mamatay si Azaria, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Jotam ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Zacarias sa Israel
8 Naging hari ng Israel ang anak ni Jeroboam II na si Zacarias nang ika-38 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Nakatira siya sa Samaria at naghari siya sa loob ng anim na buwan. 9 Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng mga ninuno niya. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.
10 Nagplano ng masama ang anak ni Jabes na si Shalum laban kay Zacarias. Pinatay niya si Zacarias sa harap ng mga tao at siya ang pumalit bilang hari. 11 Ang iba pang pangyayari tungkol sa paghahari ni Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
12 Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Ang mga angkan mo ay maghahari sa Israel hanggang sa ikaapat na henerasyon.”
Ang Paghahari ni Shalum sa Israel
13 Naging hari ng Israel ang anak ni Jabes na si Shalum nang ika-39 na taon ng paghahari ni Uzia[d] sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng isang buwan. 14 Pinatay siya ni Menahem na anak ni Gadi nang dumating ito sa Samaria galing Tirza. Si Menahem ang pumalit kay Shalum bilang hari.
15 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Shalum, pati ang balak niyang pagpatay kay Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
16 Nang mga panahong iyon, nilusob ni Menahem ang Tifsa at ang mga lugar sa paligid nito hanggang sa Tirza, dahil ang mga naninirahan dito ay ayaw sumuko sa kanya. Pinatay niya ang lahat ng naninirahan dito at hinati ang tiyan ng mga buntis.
Ang Paghahari ni Menahem sa Israel
17 Naging hari ng Israel ang anak ni Gadi na si Menahem nang ika-39 na taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng sampung taon. 18 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito sa buong paghahari niya.
19 Nang pumunta si Haring Tiglat Pileser[e] ng Asiria sa Israel para lusubin ito, binigyan siya ni Menahem ng 35 toneladang pilak para tulungan siya nito na mapatibay pa ng husto ang paghahari niya. 20 Kinuha ni Menahem ang mga pilak sa mga mayayaman ng Israel sa pamamagitan ng pagpilit sa bawat isa sa kanila na magbigay ng tig-50 pirasong pilak. Kaya huminto sa paglusob ang hari ng Asiria at umuwi sa bansa niya.
21 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Menahem at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 22 Nang mamatay si Menahem, ang anak niyang si Pekaya ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Pekaya sa Israel
23 Naging hari ng Israel ang anak ni Menahem na si Pekaya nang ika-50 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon. 24 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
25 Nagplano ng masama ang anak ni Remalia na si Peka laban kay Pekaya. Si Peka ang kumander ng mga sundalo ni Pekaya. Kasama ng 50 tao mula sa Gilead, pinatay ni Peka si Pekaya pati sina Argob at Arie sa matatatag na gusali ng palasyo sa Samaria. Pinalitan ni Peka si Pekaya bilang hari.
26 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Pekaya at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Peka sa Israel
27 Naging hari ng Israel ang anak ni Remalia na si Peka nang ika-52 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 20 taon. 28 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
29 Nang panahon ng paghahari ni Peka, nilusob ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria ang Israel at nasakop niya ang mga lungsod ng Ijon, Abel Bet Maaca, Janoa, Kedesh at Hazor. Nasakop din niya ang Gilead, Galilea at ang buong lupain ng Naftali. At dinala niya sa Asiria ang mga naninirahan dito bilang mga bihag.
30 Pagkatapos, nagplano ng masama ang anak ni Elah na si Hoshea laban sa anak ni Remalia na si Peka. Pinatay niya si Peka at pinalitan bilang hari. Nangyari ito nang ika-20 taon ng paghahari ng anak ni Uzia na si Jotam sa Juda.
31 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Peka, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Jotam sa Juda(B)
32 Naging hari ng Juda ang anak ni Uzia na si Jotam nang ikalawang taon ng paghahari ng anak ni Remalia na si Peka sa Israel. 33 Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Ang ina niya ay si Jerusha na anak ni Zadok. 34 Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Uzia. 35 Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon. Si Jotam ang nagpatayo ng Hilagang Pintuan ng templo ng Panginoon.
36 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jotam, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 37 Nang panahon ng paghahari niya, sinimulang ipadala ng Panginoon sina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka ng Israel para lusubin ang Juda. 38 Nang mamatay si Jotam, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahaz ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(C)
16 Naging hari ng Juda ang anak ni Jotam na si Ahaz nang ika-17 taon ng paghahari ng anak ni Remalia na si Peka sa Israel. 2 Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David. 3 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga naging hari ng Israel, at kahit ang kanyang anak ay inihandog niya sa apoy. Ginaya niya ang mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. 4 Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar, sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.
5 Nakipaglaban sina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka ng Israel kay Ahaz. Nilusob nila ang Jerusalem pero hindi nila ito nasakop. 6 Nang panahong iyon, nabawi ni Haring Rezin ng Aram[f] ang Elat sa pamamagitan ng pagpapalayas niya sa mga mamamayan ng Juda. At pumunta ang mga Arameo[g] roon para manirahan at doon sila nakatira hanggang ngayon.
7 Nagsugo ng mga mensahero si Ahaz para sabihin kay Haring Tiglat Pileser ng Asiria, “Lingkod mo ako at kakampi. Iligtas mo ako sa mga kamay ng hari ng Aram at ng hari ng Israel na lumulusob sa akin.” 8 Kinuha ni Ahaz ang pilak at ginto sa templo ng Panginoon at mga kabang-yaman sa palasyo at ipinadala ito bilang regalo sa hari ng Asiria. 9 Pumayag ang hari ng Asiria sa kahilingan ni Ahaz, kaya nilusob niya ang Damascus at sinakop ito. Dinala niya sa Kir ang mga naninirahan dito bilang mga bihag at pinatay niya si Rezin.
10 Pagkatapos, pumunta si Haring Ahaz sa Damascus para makipagkita kay Haring Tiglat Pileser ng Asiria. Nang naroon na siya, may nakita siyang altar. Kaya pinadalhan niya ang paring si Uria ng plano ng altar kasama ang mga detalye sa paggawa nito. 11 Gumawa si Uria ng altar ayon sa plano na ipinadala ni Ahaz at natapos niya ang altar bago makabalik si Ahaz galing Damascus. 12-13 Pagdating ni Haring Ahaz mula sa Damascus, nakita niya ang altar. Lumapit siya dito at nag-alay[h] ng handog na sinusunog at handog na pagpaparangal at ibinuhos niya sa altar ang handog na inumin at winisikan ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon.[i] 14 Pagkatapos, tinanggal niya ang lumang tansong altar na nasa presensya ng Panginoon. Ito ay nasa pagitan ng bagong altar at ng templo ng Panginoon at inilagay niya ito sa bandang hilaga ng bagong altar. 15 Inutusan niya ang paring si Uria, “Gamitin mo ang bagong altar para sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon tuwing gabi. Gamitin mo rin ito sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog at handog ng pagpaparangal ng hari at ng mga tao, pati na rin ang kanilang mga handog na inumin. Iwisik mo sa bagong altar ang dugo ng handog na sinusunog at ng iba pang mga handog. Pero gagawin kong lugar na aking dalanginan ang tansong altar.” 16 At ginawa nga ng paring si Uria ang lahat ng iniutos ni Haring Ahaz sa kanya.
17 Pagkatapos, inalis ni Haring Ahaz ang mga dingding ng kariton at mga planggana na nasa ibabaw nito. Inalis rin niya ang malaking kawa ng tubig na tinatawag na Dagat sa likod ng mga tansong toro at inilagay ito sa patungang bato. 18 Para masiyahan ang hari ng Asiria, inalis ni Ahaz sa palasyo ang bubong na ginagamit kung Araw ng Pamamahinga at isinara ang daanan ng mga hari ng Juda papasok sa templo.
19 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ahaz, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 20 Nang mamatay si Ahaz, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Hezekia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Tungkol sa Muling Kapanganakan
3 May isang taong nagngangalang Nicodemus. Isa siya sa mga pinuno ng mga Judio at kabilang sa grupo ng mga Pariseo. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Guro, alam naming isa kayong tagapagturo na mula sa Dios, dahil walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo, maliban kung sumasakanya ang Dios.” 3 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak na muli.”[a] 4 Nagtanong si Nicodemus, “Paanong maipapanganak muli ang isang taong matanda na? Hindi na siya pwedeng bumalik sa tiyan ng kanyang ina upang ipanganak muli.” 5 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak sa pamamagitan ng tubig at Banal na Espiritu. 6 Ang ipinanganak sa pamamagitan ng tao ay may pisikal na buhay, ngunit ang ipinanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagkakaroon ng bagong buhay na espiritwal. 7 Kaya huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo na kailangang ipanganak kayong muli. 8 Ang hangin ay umiihip kung saan nito gusto. Naririnig natin ang ihip nito, ngunit hindi natin alam kung saan nanggagaling o saan pupunta. Ganoon din ang sinumang ipanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.” 9 Nagtanong si Nicodemus, “Paano pong mangyayari iyon?” 10 Sumagot si Jesus, “Isa kang tanyag na tagapagturo sa Israel, pero hindi mo ito alam? 11 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, ipinapahayag namin ang nalalaman at nasaksihan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap. 12 Kung hindi kayo naniniwala sa mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa kaya kayo maniniwala sa mga sasabihin ko tungkol sa mga bagay sa langit? 13 Walang sinumang nakapunta sa langit maliban sa akin na Anak ng Tao na nagmula sa langit.”
14 Sinabi pa ni Jesus, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas na tanso sa ilang ay ganoon din naman, ako na Anak ng Tao ay dapat ding itaas,[b] 15 upang ang sinumang sumasampalataya sa akin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
16 “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong[c] na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ng parusa ang mga tao, kundi upang iligtas sila. 18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hahatulan ng kaparusahan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, dahil hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®