Old/New Testament
Batas tungkol sa Paskuwa ng Panginoon
9 Sinabi(A) ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Ehipto,
2 “Ipangilin ng mga anak ni Israel ang paskuwa sa takdang panahon nito.
3 Sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipapangilin sa kanyang takdang panahon ayon sa lahat na tuntunin niyon at ayon sa lahat ng ayos niyon ay inyong ipapangilin.”
4 At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipangilin ang paskuwa.
5 Kanilang ipinangilin ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai. Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
6 Mayroon ngang mga lalaki na marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao, na anupa't hindi nila naipangilin ang paskuwa nang araw na iyon; at humarap sila kina Moises at Aaron nang araw na iyon.
7 At ang mga lalaking iyon ay nagsabi sa kanila, “Kami ay marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao. Bakit kami ay pipigilin sa pag-aalay ng handog sa Panginoon sa kanyang takdang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?”
8 Sinabi ni Moises sa kanila, “Maghintay kayo upang aking marinig ang ipag-uutos ng Panginoon tungkol sa inyo.”
9 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Kung ang sinumang tao sa inyo o sa inyong salinlahi ay maging marumi dahil sa paghawak sa isang bangkay, o nasa malayong paglalakbay ay kanyang ipapangilin din ang paskuwa sa Panginoon.
11 Sa ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan, sa paglubog ng araw ay kanilang ipapangilin; kanilang kakainin ito kasama ng mga tinapay na walang pampaalsa at mga gulay na mapait.
12 Wala(B) silang ititira sa mga iyon hanggang sa kinaumagahan, ni babali ng buto niyon, ayon sa lahat ng tuntunin ng paskuwa ay kanilang ipapangilin iyon.
13 Subalit ang lalaking malinis at wala sa paglalakbay na hindi mangingilin ng paskuwa ay ititiwalag sa kanyang bayan sapagkat siya'y hindi nag-alay ng handog sa Panginoon sa takdang panahon, ang taong iyon ay mananagot sa kanyang kasalanan.
14 Sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo na nagnanais ipangilin ang paskuwa sa Panginoon, ay gagawin niya iyon ayon sa tuntunin ng paskuwa at ayon sa batas. Kayo'y magkakaroon ng isang tuntunin para sa dayuhan at sa katutubo.”
Ang Ulap sa Ibabaw ng Tabernakulo(C)
15 Nang araw na ang tabernakulo ay itayo, tinakpan ng ulap ang tabernakulo, samakatuwid ay ang tabernakulo ng patotoo. Mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinaumagahan, iyon ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy.
16 Gayon ito nagpatuloy; iyon ay tinatakpan ng ulap kapag araw, at ng anyong apoy kapag gabi.
17 Tuwing ang ulap ay pumapaitaas mula sa ibabaw ng tolda, naglalakbay ang mga anak ni Israel at sa dakong tigilan ng ulap ay doon tumitigil ang mga anak ni Israel.
18 Sa utos ng Panginoon ay naglalakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng Panginoon ay tumitigil sila. Kung gaano katagal ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo ay siya nilang itinitigil sa kampo.
19 Kahit ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo ng maraming araw, sinusunod ng mga anak ni Israel ang bilin ng Panginoon at hindi sila naglalakbay.
20 At kung minsan ay nananatili ng ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; at ayon sa utos ng Panginoon ay nananatili sila sa mga tolda, at ayon sa utos ng Panginoon ay naglalakbay sila.
21 Kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan. Kapag ang ulap ay pumaitaas sa kinaumagahan ay naglalakbay sila. Maging araw o gabi kapag ang ulap ay pumaitaas ay naglalakbay sila.
22 Maging dalawang araw o isang buwan, o mas mahabang panahon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo na nananatili doon, ay nananatili ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglalakbay, subalit kapag pumaitaas ay naglalakbay sila.
23 Sa utos ng Panginoon ay nagkakampo sila, at sa utos ng Panginoon ay naglalakbay sila. Kanilang sinunod ang bilin ng Panginoon, ang utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang mga Trumpetang Pilak
10 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Gumawa ka ng dalawang trumpetang pilak; gagawin mo mula sa pinitpit na pilak at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapulungan, at kapag kakalasin na ang mga tolda.
3 At kapag hinipan na nila ito, ay magtitipon sa iyo ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.
4 Ngunit kung isa lamang ang kanilang hihipan, kung gayon ang mga pinuno, ang mga puno ng mga lipi ng Israel ay magtitipon sa iyo.
5 Paghihip ninyo ng hudyat ay susulong ang mga kampo na nasa dakong silangan.
6 At kapag hinipan ninyo ang hudyat sa ikalawang pagkakataon, lulusong ang mga kampo na nasa dakong timog. Sila'y hihihip ng isang hudyat sa tuwing sila'y maglalakbay.
7 Subalit kapag ang sambayanan ay magtitipon ay hihihip kayo, ngunit huwag kayong magpapatunog ng hudyat.
8 Ang mga anak ni Aaron, ang mga pari, ang hihihip ng mga trumpeta; at ang trumpeta ay magiging walang hanggang tuntunin sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
9 Kapag makikipaglaban kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na lumulupig sa inyo, inyo ngang patutunugin ang hudyat ng trumpeta; at kayo'y aalalahanin sa harap ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.
10 Pati sa mga araw ng inyong kagalakan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang trumpeta sa ibabaw ng inyong mga handog na sinusunog, at sa ibabaw ng mga alay ng inyong mga handog pangkapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Diyos. Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
Ang mga Anak ni Israel ay Lumakad mula sa Sinai
11 Nang ikalawang taon, nang ikadalawampung araw ng ikalawang buwan, ang ulap ay pumaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo.
12 At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa mga yugto ng kanilang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay huminto sa ilang ng Paran.
13 Kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
14 At unang sumulong ang watawat ng kampo ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga pangkat; at nangunguna sa kanyang pangkat si Naashon na anak ni Aminadab.
15 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Isacar si Natanael na anak ni Suar.
16 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon si Eliab na anak ni Helon.
Ang Pagkakasunud-sunod ng mga Hukbo
17 Nang maibaba ang tabernakulo, lumakad na ang mga anak ni Gershon at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo.
18 Ang watawat ng kampo ni Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur.
19 Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurishadai.
20 Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad si Eliasaf na anak ni Deuel.
21 Ang mga Kohatita ay sumulong na dala ang mga banal na bagay at itinayo ng iba ang tabernakulo bago sila dumating.
22 Ang watawat ng kampo ng mga anak ni Efraim ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisama na anak ni Amihud.
23 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases si Gamaliel na anak ni Pedasur.
24 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin si Abidan na anak ni Gideoni.
25 At ang watawat ng kampo ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampo ay lumakad ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Ahiezer na anak ni Amisadai.
26 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Pagiel na anak ni Ocran.
27 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Neftali si Ahira na anak ni Enan.
28 Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo, nang sila'y sumulong.
29 Sinabi ni Moises kay Hobab na anak ni Reuel na Midianita, biyenan ni Moises: “Kami ay naglalakbay patungo sa dakong sinabi ng Panginoon, ‘Aking ibibigay sa inyo.’ Sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti sapagkat ang Panginoon ay nangako ng mabuti tungkol sa Israel.”
30 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Ako'y hindi aalis; ako'y babalik sa aking sariling lupain at sa aking kamag-anak.”
31 At sinabi ni Moises, “Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mo kaming iwan, sapagkat nalalaman mo kung paanong magkakampo kami sa ilang, at ikaw ay magiging mata para sa amin.
32 At kung ikaw ay sasama sa amin, anumang mabuting gagawin ng Panginoon sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo.”
33 Kaya't sila'y lumusong mula sa bundok ng Panginoon ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa unahan nila sa loob ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.
34 Ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag araw, tuwing sila'y susulong mula sa kampo.
Ang Paglabas
35 At(D) kapag ang kaban ay isinulong na, sinasabi ni Moises, “Bumangon ka, O Panginoon, at mangalat nawa ang mga kaaway mo, at tumakas sa harap mo ang napopoot sa iyo.”
36 At kapag nakalapag ay kanyang sinasabi, “Bumalik ka, O Panginoon ng laksang libu-libong Israelita.”
Nagreklamo ang mga Tao
11 Ang bayan ay nagreklamo sa pandinig ng Panginoon, at nang marinig ito ng Panginoon ay nagningas ang kanyang galit, at ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila, at tinupok ang gilid ng kampo.
2 Ngunit ang bayan ay nagmakaawa kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.
3 Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Tabera, sapagkat ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila.
4 At ang nagkakagulong mga tao na nasa gitna nila ay nagkaroon ng matinding pananabik at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, “Sana'y mayroon tayong karneng makakain!
5 Ating naaalala ang isda na ating kinakain na walang bayad sa Ehipto; ang mga pipino, mga milon, mga puero, mga sibuyas, at bawang.
6 Ngunit ngayon ang ating lakas ay nanghihina; walang anuman sa ating harapan kundi ang mannang ito.”
7 Ang(E) manna ay gaya ng butil ng kulantro at ang kulay niyon ay gaya ng kulay ng bedelio.
8 Ang mga taong-bayan ay lumilibot at pinupulot iyon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan o dinidikdik sa mga lusong, niluluto sa mga palayok, at ginagawa iyong mumunting tinapay. Ang lasa nito ay gaya ng lasa ng tinapay na niluto sa langis.
9 Kapag(F) ang hamog ay nahulog sa ibabaw ng kampo sa gabi, kasama nitong nahuhulog ang manna.
10 Narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanilang sambahayan, na ang lahat ay nasa pintuan ng kanilang tolda. At ang Panginoon ay galit na galit, at sumama ang loob ni Moises.
11 Kaya't sinabi ni Moises sa Panginoon, “Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? Bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasanin ng buong bayang ito?
12 Akin bang ipinaglihi ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila upang iyong sabihin sa akin, ‘Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakalong ang kanyang anak na pasusuhin,’ tungo sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno?
13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? Sapagkat sila'y umiyak sa akin, na nagsasabi, ‘Bigyan mo kami ng karneng makakain namin.’
14 Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin.
15 Kung ganito ang pakikitungong gagawin mo sa akin ay patayin mo na ako. Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, huwag mo nang ipakita sa akin ang aking paghihirap.”
Ang Pitumpung Matatanda
16 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki sa matatanda sa Israel, na iyong nalalaman na matatanda sa bayan at mga nangunguna sa kanila; at dalhin mo sa toldang tipanan upang sila'y makatayo roon na kasama mo.
17 Ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha ng espiritu na nasa iyo at aking isasalin sa kanila. Kanilang dadalhin ang pasanin ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing mag-isa.
18 At sabihin mo sa bayan: Italaga ninyo ang inyong sarili para bukas, at kayo'y kakain ng karne, sapagkat kayo'y nagsisiiyak sa pandinig ng Panginoon, na sinasabi, ‘Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? Sapagkat mabuti pa noong nasa Ehipto kami.’ Dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.
19 Hindi ninyo kakainin nang isang araw lamang, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sampung araw, ni dalawampung araw;
20 kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong pagsawaan; sapagkat inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, ‘Bakit pa kami umalis sa Ehipto?’”
21 Ngunit sinabi ni Moises, “Ang bayang kasama ko ay animnaraang libong katao, at iyong sinabi, ‘Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.’
22 Kakatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan upang magkasiya sa kanila? O ang lahat ng isda sa dagat ay huhulihin sa kanila upang magkasiya sa kanila?”
23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umikli na ba ang kamay ng Panginoon? Ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.”
24 Kaya't si Moises ay lumabas, at sinabi sa bayan ang mga salita ng Panginoon. Siya'y nagtipon ng pitumpung lalaki sa matatanda sa bayan at kanyang pinatayo sa palibot ng tolda.
25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap at nagsalita sa kanya; at kumuha sa espiritung nasa kanya at isinalin sa pitumpung matatanda at nangyari, na nang bumaba sa kanila ang espiritu ay nagpropesiya sila. Ngunit hindi na nila iyon ginawa muli.
Si Eldad at si Medad
26 Ngunit naiwan ang dalawang lalaki sa kampo; ang pangalan ng isa ay Eldad at ang isa ay Medad at ang espiritu ay bumaba sa kanila. Sila'y kabilang sa nakatala, ngunit hindi lumabas sa tolda kaya't sila'y nagpropesiya sa kampo.
27 Tumakbo ang isang binata at nagsabi kay Moises, “Sina Eldad at Medad ay nagsalita ng propesiya sa kampo.”
28 Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na isa sa kanyang mga piling lalaki ay sumagot, “Aking panginoong Moises, pagbawalan mo sila!”
29 Ngunit sinabi ni Moises sa kanya, “Ikaw ba'y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu!”
30 At bumalik sa kampo si Moises at ang matatanda sa Israel.
Ipinadala ang mga Pugo na Kasama ang Salot
31 At lumabas ang isang hangin galing sa Panginoon, at ito'y nagdala ng mga pugo mula sa dagat, at pinalapag sa kampo na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampo, mga dalawang siko[a] ang kapal sa ibabaw ng lupa.
32 Ang bayan ay nakatindig sa buong araw na iyon at sa buong gabi, at sa buong ikalawang araw, at nanghuli ng mga pugo. Yaong kaunti ang natipon ay nakatipon ng sampung omer[b] at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampo.
33 Ngunit samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa bago ito naubos ay nagningas ang galit ng Panginoon laban sa bayan at pinatay ng Panginoon ang mga tao ng matinding salot.
34 Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Kibrot-hataava, sapagkat doon nila inilibing ang bayang nagkaroon ng masidhing pananabik.
35 Mula sa Kibrot-hataava ay naglakbay ang bayan patungo sa Haserot; at sila'y namalagi sa Haserot.
Pinagaling ni Jesus ang Inaalihan ng Masamang Espiritu(A)
5 Dumating sila sa kabilang ibayo ng dagat, sa lupain ng mga Geraseno.[a]
2 Nang bumaba siya sa bangka, isang lalaki na may masamang espiritu ang agad na sumalubong sa kanya mula sa mga libingan.
3 Siya'y naninirahan sa mga libingan at wala nang makapigil sa kanya kahit na may tanikala.
4 Sapagkat madalas na siya'y ginagapos ng mga kadena at mga tanikala ngunit nilalagot niya ang mga tanikala, at pinagpuputul-putol ang mga kadena. Walang taong may lakas na makasupil sa kanya.
5 Sa gabi't araw ay palagi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.
6 Nang matanaw niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya at si Jesus[b] ay kanyang sinamba.
7 Siya'y sumigaw ng may malakas na tinig, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinapakiusap ko sa iyo, alang-alang sa Diyos, na huwag mo akong pahirapan.”
8 Sapagkat sinabi niya sa kanya, “Lumabas ka sa taong iyan, ikaw na masamang espiritu.”
9 At tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot siya, “Lehiyon[c] ang pangalan ko sapagkat marami kami.”
10 Nagmakaawa siya sa kanya na huwag silang palayasin sa lupain.
11 Noon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa libis ng bundok.
12 Nakiusap sila sa kanya, “Papuntahin mo kami sa mga baboy upang kami ay makapasok sa kanila.”
13 At sila'y kanyang pinahintulutan. Ang mga masamang espiritu ay lumabas at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may bilang na mga dalawang libo ay bumulusok sa matarik na bangin patungong dagat at nalunod sila sa dagat.
14 Ang mga nagpapakain sa kanila ay tumakas at ibinalita sa lunsod at sa mga nayon. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari.
15 Lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang inalihan ng mga demonyo na nakaupo roon na may damit at matino ang pag-iisip, ang taong nagkaroon ng isang lehiyon, at sila'y natakot.
16 At sinabi sa kanila ng mga nakakita rito kung anong nangyari sa inalihan ng mga demonyo at sa mga baboy.
17 Sila'y nagpasimulang makiusap kay Jesus[d] na lisanin ang pook nila.
18 Nang sumasakay na siya sa bangka, ang lalaking inalihan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y isama niya.
19 Ngunit tumanggi siya at sinabi sa kanya, “Umuwi ka sa iyong mga kaibigan at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paanong kinaawaan ka niya.”
20 At ang lalaki[e] ay lumisan at nagpasimulang ipahayag sa Decapolis ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kanya; at namangha ang lahat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001