Old/New Testament
9 O, ang ulo ko sana ay mga tubig,
at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha,
upang ako'y makaiyak araw at gabi
dahil sa mga pinaslang sa anak na babae ng aking bayan!
2 O, mayroon sana akong patuluyan sa ilang
para sa mga manlalakbay,
upang aking maiwan ang aking bayan
at sila'y aking layuan!
Sapagkat silang lahat ay mapakiapid,
isang pangkat ng mga taksil!
3 Binabaluktot nila ang kanilang dila gaya ng pana;
ang kasinungalingan at hindi katotohanan ang nananaig sa lupain;
sapagkat sila'y nagpapatuloy mula sa kasamaan tungo sa kasamaan,
at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.
4 Mag-ingat ang bawat isa sa kanyang kapwa,
at huwag kayong magtiwala sa sinumang kapatid;
sapagkat bawat kapatid ay mang-aagaw,
at bawat kapwa ay gumagala bilang isang maninirang-puri.
5 Dinadaya ng bawat isa ang kanyang kapwa,
at hindi nagsasalita ng katotohanan;
kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan;
sila'y gumagawa ng kasamaan at pinapagod ang sarili sa paggawa ng kasamaan.
6 Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pandaraya; at sa pamamagitan ng pandaraya ay
ayaw nila akong kilalanin, sabi ng Panginoon.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Tingnan mo, akin silang dadalisayin at susubukin,
sapagkat ano pa ang aking magagawa, dahil sa mga kasalanan ng aking bayan?
8 Ang kanilang dila ay palasong nakakamatay;
ito ay nagsasalita nang may kadayaan;
sa kanyang bibig ay nagsasalita ng kapayapaan ang bawat isa sa kanyang kapwa,
ngunit sa kanyang puso ay nagbabalak siya na tambangan ito.
9 Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon;
sa isang bansa na gaya nito,
hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?
10 “Itataas ko para sa mga bundok ang pag-iyak at paghagulhol,
at ang panaghoy sa mga pastulan sa ilang,
sapagkat ang mga iyon ay giba na, anupa't walang dumaraan;
at hindi naririnig ang ungal ng kawan;
ang mga ibon sa himpapawid at gayundin ang mga hayop sa parang
ay nagsitakas at ang mga ito'y wala na.
11 Gagawin kong bunton ng mga guho ang Jerusalem,
isang pugad ng mga asong-gubat;
at aking sisirain ang mga lunsod ng Juda,
na walang maninirahan.”
12 Sino ang matalino na makakaunawa nito? At kanino nagsalita ang bibig ng Panginoon, upang ito'y kanyang maipahayag? Bakit ang lupain ay giba at wasak na parang ilang, na anupa't walang dumaraan?
13 At sinabi ng Panginoon: “Sapagkat kanilang tinalikuran ang aking kautusan na aking inilagay sa harapan nila, at hindi sila sumunod sa aking tinig, o lumakad ayon dito,
14 kundi matigas na nagsisunod sa kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang.
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking pakakainin ang bayang ito ng mapait na halaman, at bibigyan ko sila ng nakalalasong tubig upang inumin.
16 Ikakalat ko sila sa mga bansa na hindi nila nakilala, maging ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.”
Humingi ng Saklolo ang Jerusalem
17 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Isaalang-alang ninyo, at tawagin ninyo upang pumarito ang mga babaing tagatangis,
at inyong ipasundo ang mga babaing tagaiyak, upang sila'y pumarito!
18 Magmadali sila, at magsihagulhol para sa atin,
upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha,
at ang ating mga talukap-mata ay labasan ng tubig.
19 Sapagkat ang tinig ng pagtangis ay naririnig mula sa Zion,
‘Tayo'y wasak na wasak!
Tayo'y nalagay sa malaking kahihiyan,
sapagkat iniwan natin ang lupain,
sapagkat kanilang ibinagsak ang ating mga tirahan.’”
20 Ngayo'y pakinggan ninyo, O mga kababaihan, ang salita ng Panginoon,
at tanggapin ng inyong pandinig ang salita ng kanyang bibig;
at turuan ninyo ng pagtangis ang inyong mga anak na babae
at ng panaghoy ang bawat isa sa kanyang kapwa.
21 Sapagkat ang kamatayan ay umakyat sa ating mga bintana,
ito'y nakapasok sa ating mga palasyo,
upang lipulin ang mga bata sa mga lansangan
at ang mga binata sa mga liwasang-bayan.
22 Magsalita ka: “Ganito ang sabi ng Panginoon,
‘Ang mga bangkay ng mga tao ay mabubuwal
na parang dumi sa kaparangan,
gaya ng bigkis sa likod ng manggagapas,
at walang magtitipon sa mga iyon!’”
23 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Huwag magmapuri ang marunong sa kanyang karunungan, at huwag magmapuri ang makapangyarihan sa kanyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kanyang kayamanan;
24 kundi(A) ang nagmamapuri ay dito magmapuri, na kanyang nauunawaan at nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa ng kagandahang-loob, ng katarungan, at ng katuwiran sa daigdig; sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.”
25 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na parurusahan ko ang lahat ng mga tuli gayunma'y hindi tuli—
26 ang Ehipto, Juda, Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ni Moab, at ang lahat ng naninirahan sa ilang na inaahit ang buhok sa kanilang noo, sapagkat ang lahat ng mga bansang ito ay hindi tuli, at ang buong sambahayan ng Israel ay hindi tuli sa puso.”
Huwad at Tunay na Pagsamba
10 Pakinggan ninyo ang salita na sinasabi ng Panginoon sa inyo, O sambahayan ng Israel.
2 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Huwag ninyong pag-aralan ang lakad ng mga bansa,
ni mabagabag sa mga tanda ng mga langit,
sapagkat ang mga bansa ay nababagabag sa mga iyon,
3 sapagkat ang mga kaugalian ng mga sambayanan ay walang kabuluhan.
Isang punungkahoy mula sa gubat ang pinuputol,
at nilililok sa pamamagitan ng palakol ng mga kamay ng manlililok.
4 Ginagayakan ito ng mga tao ng pilak at ginto;
pinatatatag nila ito ng martilyo at mga pako,
upang huwag itong makilos.
5 Sila ay gaya ng mga panakot-uwak sa gitna ng taniman ng pipino,
at hindi sila makapagsalita.
Kailangan silang pasanin,
sapagkat hindi sila makalakad.
Huwag ninyong katakutan ang mga iyon,
sapagkat sila'y hindi makakagawa ng masama,
ni wala ring magagawang mabuti.”
6 Walang gaya mo, O Panginoon;
ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan.
7 Sinong(B) hindi matatakot sa iyo, O Hari ng mga bansa?
Sapagkat ito'y nararapat sa iyo;
sapagkat sa lahat ng mga pantas ng mga bansa
at sa lahat nilang mga kaharian
ay walang gaya mo.
8 Sila'y pawang mga mangmang at hangal,
ang turo ng mga diyus-diyosan ay kahoy lamang!
9 Pinitpit na pilak ang dinadala mula sa Tarsis,
at ginto mula sa Uphaz.
Ang mga ito'y gawa ng manlililok at ng mga kamay ng platero;
ang kanilang damit ay bughaw at kulay ube;
ang mga ito'y gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.
10 Ngunit ang Panginoon ang tunay na Diyos;
siya ang buháy na Diyos at walang hanggang Hari.
Sa kanyang poot ang lupa'y nayayanig,
at hindi matatagalan ng mga bansa ang kanyang galit.
11 Kaya't ganito ang inyong sasabihin sa kanila: “Ang mga diyos na hindi gumawa ng langit at ng lupa ay malilipol sa lupa, at sa silong ng mga langit.”[a]
12 Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
na nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan,
at sa pamamagitan ng kanyang kaunawaan ay iniladlad niya ang kalangitan.
13 Kapag siya'y nagsasalita
ay may hugong ng tubig sa mga langit,
at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa.
Gumagawa siya ng mga kidlat para sa ulan,
at naglalabas siya ng hangin mula sa kanyang mga kamalig.
14 Bawat tao ay hangal at walang kaalaman;
bawat platero ay inilalagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan;
sapagkat ang kanyang mga larawan ay kabulaanan,
at walang hininga sa mga iyon.
15 Sila'y walang kabuluhan, isang gawa ng panlilinlang;
sa panahon ng pagpaparusa sa kanila ay malilipol sila.
16 Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob,
sapagkat siya ang nag-anyo sa lahat ng mga bagay;
at ang Israel ay siyang lipi ng kanyang mana;
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan.
Ang Darating na Pagkabihag
17 Pulutin mo ang iyong balutan mula sa lupa,
O ikaw na nakukubkob!
18 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, aking ihahagis palabas ang mga naninirahan sa lupain
sa panahong ito,
at ako'y magdadala ng kahirapan sa kanila
upang ito'y maramdaman nila.”
19 Kahabag-habag ako dahil sa aking sugat!
Malubha ang aking sugat.
Ngunit aking sinabi, “Tunay na ito ay isang paghihirap,
at dapat kong tiisin.”
20 Ang aking tolda ay nagiba,
at lahat ng panali ko ay napatid;
iniwan ako ng aking mga anak,
at sila'y wala na;
wala nang magtatayo pa ng aking tolda,
at magtataas ng aking mga tabing.
21 Sapagkat ang mga pastol ay naging hangal,
at hindi sumasangguni sa Panginoon;
kaya't hindi sila umuunlad,
at lahat nilang kawan ay nakakalat.
22 Pakinggan ninyo, isang ingay! Tingnan ninyo, ito'y dumarating—
isang malaking kaguluhan mula sa hilagang lupain,
upang wasakin ang mga lunsod ng Juda,
at gawing tahanan ng mga asong-gubat.
23 Alam ko, O Panginoon, na ang lakad ng tao ay wala sa kanyang sarili;
wala sa taong lumalakad ang magtuwid ng kanyang mga hakbang.
24 Ituwid mo ako, O Panginoon, ngunit sa katarungan,
huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala.
25 Ibuhos mo ang iyong poot sa mga bansang hindi nakakakilala sa iyo,
at sa mga bayan na hindi tumatawag sa iyong pangalan;
sapagkat kanilang nilamon ang Jacob,
kanilang nilamon siya, at nilipol siya,
at winasak ang kanyang tahanan.
Si Jeremias at ang Tipan
11 Ang salitang dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na nagsasabi,
2 “Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito, at sabihin ninyo sa mga mamamayan ng Juda at mamamayan ng Jerusalem.
3 Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Sumpain ang taong hindi nakikinig sa mga salita ng tipang ito,
4 na aking iniutos sa inyong mga ninuno, nang araw na aking inilabas sila mula sa lupain ng Ehipto, mula sa hurnong bakal, na sinasabi, Makinig kayo sa aking tinig, at gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo. Sa gayo'y magiging bayan ko kayo, at ako'y magiging inyong Diyos,
5 upang aking maisagawa ang aking ipinangako sa inyong mga ninuno, na bibigyan ko sila ng isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, gaya sa araw na ito.” Nang magkagayo'y sumagot ako, “Amen, O Panginoon.”
6 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ipahayag mo ang lahat ng mga salitang ito sa mga lunsod ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem: Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito at inyong isagawa.
7 Sapagkat taimtim kong binalaan ang inyong mga ninuno nang araw na aking iahon sila sa lupain ng Ehipto at patuloy ko silang binabalaan hanggang sa araw na ito, na aking sinasabi, Sundin ninyo ang aking tinig.
8 Gayunma'y hindi sila sumunod o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi lumakad ang bawat isa sa katigasan ng kanyang masamang puso. Kaya't dinala ko sa kanila ang lahat ng salita ng tipang ito, na iniutos kong gawin nila, ngunit hindi nila ginawa.”
Pinagbantaan si Jeremias
9 At sinabi sa akin ng Panginoon, “May sabwatang natagpuan sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga mamamayan ng Jerusalem.
10 Sila'y bumalik sa mga kasamaan ng kanilang mga ninuno na tumangging makinig sa aking mga salita. Sila'y nagsisunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran ang mga iyon. Sinira ng sambahayan ng Israel at ng Juda ang tipan na aking ginawa sa kanilang mga ninuno.
11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala sa kanila ng kasamaan na hindi nila matatakasan. Bagaman sila'y dumaing sa akin, hindi ko sila papakinggan.
12 Kung magkagayo'y hahayo at dadaing ang mga lunsod ng Juda at ang mga naninirahan sa Jerusalem sa mga diyos na kanilang pinaghandugan ng insenso, ngunit hindi sila maililigtas sa panahon ng kanilang kagipitan.
13 Sapagkat ang iyong mga diyos ay naging kasindami ng iyong mga bayan, O Juda; at kasindami ng mga lansangan ng Jerusalem ang mga dambana na inyong itinayo sa kahihiyan, mga dambana upang pagsunugan ng insenso kay Baal.
14 “Kaya't huwag kang manalangin para sa bayang ito, o dumaing alang-alang sa kanila, sapagkat hindi ako makikinig kapag sila'y tumawag sa akin sa panahon ng kanilang kagipitan.
15 Anong karapatan mayroon ang aking minamahal sa aking bahay, gayong siya'y gumawa ng napakasamang mga gawa? Mailalayo ba ng mga panata at handog na laman ang iyong kapahamakan? Makapagsasaya ka pa ba?
16 Tinawag ka ng Panginoon na, ‘Luntiang puno ng olibo, maganda at may mabuting bunga;’ ngunit sa pamamagitan ng ingay ng malakas na bagyo ay susunugin niya ito, at ang mga sanga nito ay matutupok.
17 Ang Panginoon ng mga hukbo na nagtanim sa iyo ay nagpahayag ng kasamaan laban sa iyo, dahil sa kasamaang ginawa ng sambahayan ng Israel at ng sambahayan ng Juda. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog kay Baal.”
18 Ipinaalam iyon sa akin ng Panginoon at nalaman ko;
pagkatapos ay ipinakita mo sa akin ang kanilang masasamang gawa.
19 Ngunit ako'y naging gaya ng maamong kordero
na inaakay patungo sa katayan.
Hindi ko alam na laban sa akin
ay gumawa sila ng mga pakana, na sinasabi,
“Sirain natin ang punungkahoy at ang bunga nito,
at ihiwalay natin siya sa lupain ng mga nabubuhay,
upang ang kanyang pangalan ay hindi na maalala.”
20 Ngunit, O Panginoon ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid,
na sumusubok sa puso[b] at sa pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila,
sapagkat sa iyo'y inihayag ko ang aking ipinaglalaban.
21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga lalaki ng Anatot na nagbabanta sa iyong buhay, at nagsasabi, “Huwag kang magsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, kung hindi ay mamamatay ka sa aming kamay”—
22 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Parurusahan ko sila. Ang mga kabataang lalaki ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay mamamatay sa gutom.
23 Walang matitira sa kanila sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa mga mamamayan ng Anatot, sa taon ng pagdalaw sa kanila.”
6 Ituring ng lahat ng mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin ang kanilang mga amo bilang karapat-dapat sa lahat ng karangalan, upang ang pangalan ng Diyos at ang aral ay hindi malapastangan.
2 Ang mga may among mananampalataya ay huwag maging walang-galang sa kanila, sapagkat sila'y mga kapatid, kundi lalo pa silang maglingkod, sapagkat ang mga makikinabang ay mga mananampalataya at mga minamahal. Iyong ituro at ipangaral ang mga bagay na ito.
Maling Aral at ang Tunay na Kayamanan
3 Kung ang sinuma'y nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa mahuhusay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa aral na ayon sa kabanalan,
4 siya ay palalo, walang nauunawang anuman; at siya ay nahuhumaling sa mga usapin at sa pagtatalo tungkol sa mga salita na pinagmumulan ng inggit, away, paninirang-puri, mga masasamang hinala,
5 pag-aaway ng mga taong masasama ang pag-iisip at salat sa katotohanan, na inaakalang ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.
6 Subalit ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking pakinabang.
7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman;
8 ngunit kung tayo'y may pagkain at damit, masiyahan na tayo sa mga ito.
9 Ngunit ang mga nagnanais yumaman ay nahuhulog sa tukso, at nabibitag sa maraming hangal at nakapipinsalang pagnanasa, na siyang naglulubog sa mga tao sa pagkawasak at kapahamakan.
10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na ang ilang nagnasa rito ay napalayo sa pananampalataya at tinusok ang kanilang mga sarili ng maraming kalungkutan.
Ang Mabuting Pakikipaglaban
11 Ngunit ikaw, O tao ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito at sumunod ka sa katuwiran, sa pagiging maka-Diyos, sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagtitiis, at sa kaamuan.
12 Makipaglaban ka sa mabuting pakikipaglaban ng pananampalataya, panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.
13 Sa(A) harapan ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus na nagpatotoo ng mabuting pagpapahayag sa harapan ni Poncio Pilato, inaatasan kita,
14 na ingatan mong walang dungis at walang kapintasan ang utos hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo;
15 na kanyang ipahahayag sa takdang panahon—siya na mapalad at tanging Makapangyarihan, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.
16 Siya lamang ang walang kamatayan at naninirahan sa liwanag na di-malapitan; na hindi nakita ng sinumang tao, o makikita man. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.
17 Ang mayayaman sa sanlibutang ito ay atasan mo na huwag magmataas ni huwag umasa sa mga kayamanang hindi tiyak, kundi sa Diyos na nagbibigay sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.
18 Dapat silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, bukas ang palad at handang mamahagi,
19 sa gayo'y magtitipon sila para sa kanilang sarili ng isang mabuting saligan para sa hinaharap upang sila'y makapanghawak sa tunay na buhay.
Iba pang Tagubilin at Pagbasbas
20 O Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng huwad na kaalaman;
21 na sa pamamagitan ng paniniwala dito ang ilan ay nalihis sa pananampalataya. Sumainyo nawa ang biyaya.[a]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001