Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Juan 7:1-27

Dumalo si Jesus sa Kapistahan sa Araw ng mga Kubol

Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus ay naglibot sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil ang mga Judio ay naghahanap ng pagkakataon upang siya ay patayin.

Ang Kapistahan ng mga Kubol ng mga Judio ay malapit na. Kaya nga, sinabi sa kaniya ng mga kapatid niyang lalaki: Umalis ka rito. Pumunta ka sa Judea nang makita rin ng iyong mga alagad ang mga gawang ginagawa mo. Ito ay sapagkat ang isang tao na nagnanais na makilala ng madla ay hindi gumagawa ng anuman ng palihim. Kung dahil ginagawa mo ang mga bagay na ito, ipakita mo ang iyong sarili sa sanlibutan. Ito ay sapagkat maging ang mga kapatid niyang lalaki ay hindi sumasampalataya sa kaniya.

Kaya nga, sinabi ni Jesus sa kanila: Ang aking oras ay hindi pa dumarating ngunit ang inyong oras ay laging handa. Hindi magagawa ng sangkatuhan na kapootan kayo ngunit ito ay napopoot sa akin dahil nagpatotoo ako patungkol dito. Nagpatotoo ako na ang mga gawa nito ay masama. Sa kapistahang ito, umahon kayo. Hindi pa ako aahon sa kapistahang ito dahil ang aking oras ay hindi pa nagaganap. Pagkasabi niya sa kanila ng mga bagay na ito, nanatili siya sa Galilea.

10 Pagkaahon ng mga kapatid niyang lalaki ay umahon din siya sa kapistahan. Umahon siya ng hindi hayag kundi palihim. 11 Hinanap nga siya ng mga Judio at nagtanong: Nasaan siya?

12 Nagkaroon ng maraming bulung-bulungan sa mga tao patungkol sa kaniya. Sabi ng iba, siya ay mabuti.

Sabi ng iba: Hindi. Kaniyang inililigaw ang mga tao.

13 Magkagayon man, walang nagsalita ng hayag patungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.

Nagturo si Jesus sa Kapistahan

14 Nang nasa kalagitnaan na ang kapistahan ay umahon si Jesus sa templo at nagturo.

15 Namangha ang mga Judio na nagsasabi: Papaanong nakakabasa ang taong ito gayong hindi naman siya nag-aral?

16 Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi: Ang aking turo ay hindi sa akin kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. 17 Kung ang sinuman ay nagnanais na gumawa ng kalooban ng Diyos ay malalaman niya ang patungkol sa turo. Malalaman niya kung ito ay mula sa Diyos o ako ay nagsasalita mula sa aking sarili. 18 Siya na nagsasalita mula sa kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian. Siya na naghahanap ng kaluwalhatian ng nag-utos sa kaniya ay totoo. Sa kaniya ay walang kalikuan. 19 Hindi ba binigyan kayo ni Moises ng kautusan? Gayunman, walang nagsasagawa isa man sa inyo ng kautusan? Bakit hinahanap ninyo ako upang patayin?

20 Sumagot ang mga tao at sinabi: Ikaw ay mayroong demonyo. Sino ang naghahanap upang pumatay sa iyo?

21 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Isang gawa ang aking ginawa at kayong lahat ay namangha. 22 Kaya nga, binigyan kayo ni Moises ng pagtutuli, bagama’t hindi ito mula kay Moises kundi sa mga ninuno. At sa Araw ng Sabat ay tinutuli ninyo ang isang lalaki. 23 Sa araw ng Sabat ay nagtutuli kayo ng isang lalaki upang huwag lumabag sa kautusan ni Moises. Ano at nagagalit kayo sa akin dahil pinagaling ko ang isang lalaki sa araw ng Sabat? 24 Huwag kayong humatol ayon sa nakikita. Humatol kayo ng matuwid na paghatol.

Si Jesus ba ang Mesiyas?

25 Sinabi nga ng ilan sa mga taga-Jerusalem: Hindi ba siya ang kanilang hinahanap upang patayin?

26 Narito, siya ay hayagang nagsasalita at wala silang sinasabi sa kaniya. Totoo kayang kinikilala ng mga namumuno na ito nga ang Mesiyas? 27 Alam natin kung saan nagmula ang taong ito. Ngunit kapag dumating ang Mesiyas ay walang nakakaalam kung saan siya nagmula.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International