Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 24-25

24 Sa(A) panahon ng paghahari ni Jehoiakim, ang Juda ay sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Tatlong taon siyang nagpasakop sa Babilonia at pagkatapos ay naghimagsik laban kay Nebucadnezar. At tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, ipinalusob niya ang mga taga-Juda sa mga taga-Babilonia, sa mga taga-Siria, sa mga Moabita at mga Ammonita. Niloob ni Yahweh na mapalayas ang mga taga-Juda dahil sa kasamaang ginawa ni Manases, at sa pagpatay nito sa napakaraming taóng walang kasalanan. Halos bumaha ng dugo sa buong Jerusalem, at dahil dito ay hindi siya mapatawad ni Yahweh.

Ang lahat ng ginawa ni Jehoiakim ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang siya'y mamatay, ang anak niyang si Jehoiakin ang humalili sa kanya bilang hari. Hindi na muling lumabas ng kanyang bansa ang hari ng Egipto noon sapagkat lahat ng sakop niya ay sinakop na ng hari ng Babilonia, mula sa Batis ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates.

Ang Paghahari ni Jehoiakin sa Juda(B)

Si Jehoiakin ay labingwalong taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nehusta na anak ni Elnatan na taga-Jerusalem. Tulad ng kanyang ama, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

10 Nang panahong iyon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. 11 Habang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lunsod, dumating si Haring Nebucadnezar. 12 At(C) sumuko sa kanya si Haring Jehoiakin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan sa palasyo. Binihag sila ni Nebucadnezar noong ikawalong taon ng paghahari nito. 13 Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng babala ni Yahweh, sinira ni Nebucadnezar ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon para sa Templo. 14 Dinala niyang bihag ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday. Lahat-lahat ay umabot sa sampung libo. Wala silang itinira liban sa mga dukha.

15 Tinangay(D) nga ni Nebucadnezar sa Babilonia si Jehoiakin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem. 16 Dinala rin niya sa Babilonia ang may pitong libong kawal at ang sanlibong mahuhusay na manggagawa at panday na pawang malalakas ang katawan at angkop maging mga kawal. 17 Si(E) Matanias na tiyuhin ni Jehoiakin ang ipinalit ni Nebucadnezar dito bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan nito.

Ang Paghahari ni Zedekias sa Juda(F)

18 Si(G) Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya'y si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 19 Tulad ng masamang halimbawa ni Jehoiakim, ginawa rin ni Zedekias ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

20 Umabot(H) na sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa Jerusalem at Juda kaya ang mga ito'y ipinabihag niya sa mga kaaway.

Ang Pagbagsak ng Jerusalem(I)

25 Si(J) Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia. Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, tinipon ni Nebucadnezar ang kanyang buong hukbo. Kinubkob nila ang Jerusalem at nagkampo sa labas ng lunsod. Ito'y tumagal nang hanggang sa ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedekias. Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, lubhang tumindi ang taggutom sa loob ng lunsod. Wala nang makain ang mga tao. Noon(K) ay binutas ang isang bahagi ng pader ng lunsod. Nang makita ito ni Haring Zedekias kinagabihan, tumakas siya patungong Araba kasama ang kanyang mga kawal. Doon sila dumaan sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng palasyo. Ngunit ang lunsod ay napapalibutan ng mga taga-Babilonia. Hinabol sila ng mga ito at inabutan sa kapatagan ng Jerico. At nagkanya-kanyang takas ang kanyang mga kawal. Nabihag si Zedekias at iniharap sa hari ng Babilonia na noon ay nasa lunsod ng Ribla at doon siya hinatulan. (L)Pinatay nila sa harapan ni Zedekias ang mga anak nito. Dinukit ang mga mata ni Zedekias at dinala siya sa Babilonia na gapos ng tanikala.

Ang Pagwasak sa Templo(M)

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar, pinasok ni Nebuzaradan na pinuno ng mga tanod ni Nebucadnezar ang Jerusalem. Sinunog(N) niya ang Templo, ang palasyo, at ang malalaking bahay doon. 10 Ang mga pader ng lunsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nebuzaradan. 11 Dinala niyang bihag ang natitira pang mga tao sa Jerusalem, pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia. 12 Ang iniwan lamang niya roon ay ilang mga dukha upang magbungkal ng lupa at magtrabaho sa mga ubasan.

13 Ang(O) mga haliging tanso, patungang tanso at ang palangganang tanso na nasa Templo ay tinanggal nila, pinagpira-piraso at dinala sa Babilonia. 14 Kinuha(P) rin nila ang mga kagamitan sa Templo: ang palayok, pala, lalagyan ng abo, plato, sunugan ng insenso at ang lahat ng kagamitang tanso. 15 Kinuha rin nila ang gintong lalagyan ng baga at lahat ng kasangkapang ginto at pilak. 16 Ang mga haliging tanso, ang hugasang tanso at ang patungan nito ay hindi na nila tinimbang sapagkat napakabigat. 17 Ang taas ng isang haligi ay walong metro at may koronang mahigit na isa't kalahating metro ang taas. Nababalot ito ng mga palamuting tanso: hinabi ang iba at ang iba nama'y kahugis ng prutas na granada.

Dinalang-bihag ang mga Taga-Juda sa Babilonia(Q)

18 Dinala sa Babilonia ang mga taga-Juda. Kasama sa mga nabihag ni Nebuzaradan ang pinakapunong paring si Seraya, ang kanang kamay nitong si Zefanias at ang tatlong bantay-pinto. 19 Nabihag din niya ang namamahala sa mga mandirigma ng lunsod, ang limang tagapayo ng hari, ang kalihim ng pinunong kawal, at ang animnapung taóng nakita niya sa lunsod. 20 Ang mga ito'y dinala niya sa Ribla, sa kinaroroonan ng hari ng Babilonia, 21 at doon ipinapatay ng hari, sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan dinalang-bihag ang sambayanang Juda mula sa kanilang lupain.

Si Gedalias na Gobernador ng Juda(R)

22 Si(S) Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan ay hinirang ni Haring Nebucadnezar bilang gobernador ng mga natirang mamamayan ng Juda. 23 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno ng hukbo na hindi sumuko, sila at ang kanilang mga tauhan ay lumapit kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga ito'y sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet na Netofatita at Jaazanias na anak ng Maacateo. 24 Sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot sa mga taga-Babilonia. Dito na kayo tumira at maglingkod sa hari ng Babilonia at walang masamang mangyayari sa inyo.” 25 Ngunit(T) nang ikapitong buwan, dumating si Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama, mula sa angkan ng hari, na may kasamang sampung tao. Pinatay nila si Gedalias, ang mga Judio at ang mga taga-Babiloniang kasama niya sa Mizpa. 26 Pagkatapos,(U) silang lahat, mahirap man o mayaman, kasama ang mga pinuno ng mga kawal, ay tumakas patungong Egipto dahil sa takot sa mga taga-Babilonia.

Pinalaya si Jehoiakin sa Pagkabilanggo(V)

27 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Haring Jehoiakin ng Juda, pinalaya siya ni Haring Evil-merodac ng Babilonia nang taon na ito'y nagsimulang maghari. 28 Mabuti ang pakikitungo ni Evil-merodac kay Jehoiakin, at pinarangalan siya nito nang higit sa ibang haring bihag din sa Babilonia. 29 Hinubad ni Jehoiakin ang kasuotan niya bilang isang bihag. At hanggang sa siya'y mamatay, araw-araw, kasalo siya ng hari sa hapag kainan. 30 Habang siya'y nabubuhay, binigyan siya ng hari ng kanyang araw-araw na pangangailangan.

Juan 5:1-24

Ang Pagpapagaling sa Bethzata

Pagkaraan nito'y dumating ang isang pista ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking imbakan ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata.[a] Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. [Sila'y naghihintay na gumalaw ang tubig, dahil may panahong ang isang anghel ng Panginoon ay bumababa at pinapagalaw ang tubig, at ang maunang lumusong sa tubig matapos na ito'y gumalaw ay gumagaling sa anumang karamdaman.][b]

May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?”

Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.

Noo'y Araw ng Pamamahinga 10 kaya't(A) sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.”

11 Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.”

12 At siya'y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” 13 Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat maraming tao sa lugar na iyon at nakaalis na si Jesus.

14 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.”

15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat ginawa niya ito sa Araw ng Pamamahinga.

17 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa kanyang gawain hanggang ngayon, at gayundin ako.” 18 Lalo(B) namang pinagsikapan ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos.

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, 20 sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y mamangha. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. 22 Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol 23 upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak.

24 “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.