Old/New Testament
Nilipol ni Jehu ang Sambahayan ni Ahab
10 Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Sinulatan ni Jehu ang mga pinuno ng Jezreel, ang matatandang pinuno, at ang mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab. Ganito ang nasa sulat:
2 “Sinulatan ko kayo sapagkat kayo ang tagapangalaga sa sambahayan ng inyong panginoon, at nasa pamamahala ninyo ang kanyang mga karwahe at mga kabayo, mga sandata, at mga lunsod na napapaligiran ng pader. 3 Piliin ninyo ang pinakamahusay sa mga anak ng inyong panginoon. Gawin ninyo siyang hari at ipagtanggol ninyo siya.” 4 Kinilabutan sa takot ang mga pinuno sa Samaria sapagkat naisip nila na kung ang dalawang hari ay walang nagawa laban kay Jehu, lalong wala silang magagawa. 5 Kaya, sinagot nila ang sulat ni Jehu at kanilang sinabi,
“Nakahanda kaming paalipin sa inyo. Susundin namin ang lahat ng ipag-uutos ninyo sa amin. Hindi kami maglalagay ng hari. Gawin na po ninyo ang inaakala ninyong mabuti.”
6 Sinulatan sila uli ni Jehu. Ang sabi sa sulat: “Kung talagang kampi kayo sa akin at handang sumunod sa mga utos ko, pugutan ninyo ng ulo ang mga anak ng inyong panginoon at dalhin dito sa Jezreel bukas ng ganitong oras.”
Ang pitumpung anak ni Haring Ahab ay nasa pangangalaga ng mga pangunahing lalaki ng lunsod. 7 Pagkatanggap nila sa sulat, pinugutan nila ng ulo ang mga anak ng hari, at ang mga ulo'y inilagay sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel.
8 Pagdating doon, sinabi sa kanya ng tagapagbalita, “Narito na po ang mga ulo ng mga anak ni Ahab.”
Sinabi ni Jehu, “Pagdalawahin ninyong bunton sa may pagpasok ng bayan at hayaan ninyo roon hanggang bukas ng umaga.” 9 Kinaumagahan, lumabas siya ng palasyo at sinabi sa mga tao, “Kayo ang humatol: kung ako ang pumatay sa aking panginoon, sino naman ang pumatay sa mga ito? 10 Natupad ngayon ang lahat ng sinabi ni Yahweh tungkol kay Ahab sa pamamagitan ni Propeta Elias.” 11 Wala(A) ngang itinira si Jehu sa sambahayan ni Ahab. Pinatay niyang lahat ang tauhan nito at mga kaibigan, pati ang mga pari.
Pinatay ang mga Kamag-anak ni Haring Ahazias
12 Pagkatapos, pumunta si Jehu sa Samaria. Sa daan, sa may lugar na tinatawag na Silungan ng mga Pastol, ay 13 nakasalubong niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazias ng Juda. Sila'y tinanong niya, “Sino kayo?”
“Mga kamag-anak po ni Haring Ahazias. Naparito kami upang dalawin ang mga anak ng hari at ng reyna,” sagot nila. 14 Ipinahuli niya ang mga ito at ipinapatay sa may hukay, malapit sa Silungan; wala siyang ipinatirang buháy. Lahat-lahat ng napatay ay apatnapu't dalawa.
Pinatay ang mga Natitirang Kamag-anak ni Ahab
15 Nang umalis doon si Jehu, nakasalubong niya si Jonadad na anak ni Recab. Binati siya ni Jehu at tinanong, “Ikaw ba'y buong pusong nakikiisa sa akin?”
“Oo,” sagot nito.
“Kung ganoon,” sabi ni Jehu, “sumakay ka sa aking karwahe.” At inalalayan niya ito sa pagsakay. 16 Sinabi pa niya, “Isasama kita para makita mo kung gaano ako katapat kay Yahweh.” At nagpatuloy silang magkasama sa karwahe. 17 Pagdating sa Samaria, pinatay niyang lahat ang natitira pang kamag-anak ni Ahab; wala siyang itinirang buháy, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Elias.
Pinatay ni Jehu ang mga Sumasamba kay Baal
18 Tinipon ni Jehu ang mga tao at sinabi niya, “Hindi masyadong pinaglingkuran ni Ahab si Baal, ngunit higit ko siyang paglilingkuran. 19 Tawagin ninyo ang lahat ng mga propeta, mga pari at mga tagasunod ni Baal, at gagawa tayo ng isang malaking paghahandog kay Baal. Kailangang makasama ang lahat ng tagasunod ni Baal. Papatayin ang sinumang hindi sasama.” Ngunit paraan lamang ito ni Jehu upang mapatay niyang lahat ang mga sumasamba kay Baal. 20 Iniutos niya, “Ipahayag ninyong tayo'y mag-uukol ng pagsamba para kay Baal.” At ganoon nga ang ginawa nila. 21 Ang pahayag na ito'y ipinaabot niya sa buong Israel at dumalo naman ang lahat ng sumasamba kay Baal kaya't punung-puno ang templo ni Baal. 22 Sinabi ni Jehu sa tagapag-ingat ng mga kasuotan sa templo, “Ilabas mong lahat ang kasuotan at ipasuot sa mga sumasamba kay Baal.” Sumunod naman ito. 23 Pumasok siya sa templo, kasama si Jonadad na anak ni Recab. Sinabi niya sa mga lingkod ni Baal, “Tingnan ninyong mabuti at tiyaking walang mga lingkod si Yahweh na napasama sa inyo.” 24 Pumasok sila upang ialay ang mga handog na susunugin.
Si Jehu ay naglagay ng walumpung tauhan sa labas ng templo at pinagbilinan ng ganito: “Bantayan ninyong mabuti ang mga taong ito. Kayo ang papatayin ko kapag may nakatakas.” 25 Nang maialay na ang mga handog na susunugin, pinapasok niya ang mga kawal at mga pinuno at ipinapatay ang lahat ng nasa loob, saka isa-isang kinaladkad palabas. Nagtuloy sila sa kaloob-looban ng templo, 26 inilabas ang mga sagradong haligi sa templo ni Baal at sinunog. 27 Pagkatapos, winasak nila ang rebulto ni Baal at iginuho ang templo. At ang templo ay ginawa nilang tapunan ng dumi hanggang sa ngayon.
28 Ganoon ang ginawa ni Jehu upang alisin sa Israel ang pagsamba kay Baal. 29 Ngunit(B) tinularan din niya ang kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na sumamba sa guyang ginto na nasa Bethel at Dan na siya namang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel. 30 Sinabi ni Yahweh kay Jehu, “Dahil sa paglipol mo sa sambahayan ni Ahab na siya kong nais mangyari, sa sambayanan mo magmumula ang hari ng Israel, hanggang sa ikaapat na salinlahi.” 31 Ngunit si Jehu ay hindi nagpatuloy sa pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinularan niya ang masasamang gawa ni Jeroboam na naghatid sa Israel sa pagkakasala.
Ang Kamatayan ni Jehu
32 Nang panahong iyon, pinabayaan ni Yahweh na masakop ng ibang kaharian ang ibang lupain ng Israel. Unti-unti na silang nasasakop ni Hazael. 33 Nakuha na sa kanila ang gawing silangan ng Jordan: ang buong Gilead, Gad, Ruben at Manases mula sa Aroer, sa may kapatagan ng Arnon, pati ang Gilead at ang Bashan.
34 Ang iba pang ginawa ni Jehu ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 35 Namatay siya at inilibing sa Samaria at ang anak niyang si Joahaz ang pumalit sa kanya bilang hari. 36 Naghari si Jehu sa Israel sa loob ng dalawampu't walong taon.
Inagaw ni Atalia ang Trono(C)
11 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazias, sinikap niyang patayin ang lahat ng kamag-anak ng hari. 2 Ngunit si Joas na anak ni Ahazias ay naitakas ng tiya niyang si Jehoseba na anak ni Haring Jehoram at kapatid ni Ahazias. Itinago niya ito pati ang tagapag-alaga sa isang silid kaya hindi napatay ni Atalia. 3 Pagkatapos, dinala niya ito sa Templo ni Yahweh at anim na taóng itinago roon habang si Atalia ang naghahari sa lupain.
4 Ngunit nang ikapitong taon ng pamumuno ni Atalia, ipinatawag ni Joiada ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay sa palasyo at pinapunta sa loob ng Templo. Pinagtibay nila roon ang isang kasunduan sa pangalan ni Yahweh. Pagkatapos, iniharap sila sa anak ng hari. 5 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang gagawin ninyo: ang ikatlong bahagi ng mga bantay para sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa palasyo ng hari. 6 Ang isang ikatlong bahagi ay sa Pintuang Sur at ang isa pang bahagi ay sa may pagpasok sa likuran ng mga tagapagdala ng balita. 7 Ang dalawang pangkat namang hindi nanunungkulan sa Araw ng Pamamahinga 8 ang magbabantay sa hari. Sinumang lumapit ay patayin ninyo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari kahit saan magpunta.”
9 Sinunod ng mga pinuno ang lahat ng iniutos sa kanila ng paring si Joiada. Isinama nila kay Joiada ang kani-kanilang tauhan, pati ang hindi nakatalagang manungkulan kung Araw ng Pamamahinga. 10 At ibinigay ni Joiada sa mga opisyal ang mga kagamitan ni Haring David: ang mga sandata at pananggalang na nasa Templo ni Yahweh. 11 At bawat kawal ay tumayo sa kanya-kanyang lugar at nakahanda sa anumang mangyayari. Ang iba'y sa gawing timog, ang iba'y sa hilaga, sa paligid ng altar at ng tirahan ng hari. 12 Inilabas ni Joiada ang prinsipe. Kinoronahan niya ito, iniabot ang aklat ng Kautusan, binuhusan ng langis, at ipinahayag na hari. Pagkatapos, nagpalakpakan sila at nagsigawan: “Mabuhay ang hari!”
13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga bantay at ng taong-bayan, pinuntahan niya ang mga ito sa Templo ni Yahweh. 14 Pagdating(D) doon, nakita niyang nakatindig ang hari sa tabi ng isang haligi sa harapan ng Templo, tulad ng kaugalian. Ang mga opisyal at ang mga taga-ihip ng trumpeta ay nakatayo sa tabi ng hari. Ang buong bayan naman ay di magkamayaw sa galak at walang malamang gawin sa pag-ihip ng kanilang trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, sinira niya ang kanyang kasuotan at malakas na sinabi, “Ito'y isang malaking kataksilan!”
15 Iniutos ng paring si Joiada sa mga opisyal ng hukbo, “Ilabas ang babaing iyan at patayin pati ang sinumang magtatangkang magligtas sa kanya. Ngunit huwag ninyo silang papatayin sa loob ng Templo ni Yahweh.” 16 Siya'y sinunggaban nila, inilabas sa daanan ng mga kabayo ng hari, papasok sa palasyo at doon pinatay.
Ang mga Pagbabagong Isinagawa ni Joiada(E)
17 Pagkatapos, pinanumpa ni Joiada si Haring Joas at ang taong-bayan na maging tapat bilang sambayanan ni Yahweh. Pinanumpa rin niya sa isang kasunduan ang hari at ang sambayanan. 18 Pagkatapos, pumunta ang mga tao sa templo ni Baal. Giniba nila ito at winasak pati ang rebulto ni Baal. Pinatay nila sa harap ng altar si Matan na isang pari ni Baal. At si Joiada ay naglagay ng mga bantay sa Templo ni Yahweh. 19 Tinipon niya ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay ng palasyo at sinamahan nila ang hari mula sa Templo ni Yahweh hanggang sa palasyo kasunod ang mga tao. Pumasok si Joas sa pintuan ng bantay at umupo siya sa trono bilang hari. 20 Nagdiwang ang bayan. At naging mapayapa sila mula nang patayin si Atalia sa tirahan ng hari.
21 Si Joas ay pitong taóng gulang nang maging hari ng Juda.
Ang Paghahari ni Joas sa Juda(F)
12 Nang ikapitong taon ng paghahari ni Jehu sa Israel, si Joas ay nagsimulang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Ang kanyang ina ay si Zibia na taga-Beer-seba. 2 Sa buong buhay niya'y naging kalugud-lugod siya kay Yahweh dahil sa pagtuturo sa kanya ng paring si Joiada. 3 Gayunman, hindi niya naipagiba ang mga dambana para sa mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao na maghandog ng hain at magsunog ng insenso doon.
4 Minsan,(G) sinabi ni Joas sa mga pari, “Ipunin ninyo sa Templo ang salaping ibinayad kaugnay ng mga handog—ang bayad para sa mga karaniwang handog at ang salaping ibinigay ng kusang-loob. 5 Ang salapi ay tatanggapin ng bawat pari mula sa mga tao upang gamitin sa pagpapaayos ng anumang sira sa Templo.” 6 Ngunit dalawampu't tatlong taon nang naghahari si Joas ay wala pang naipapaayos sa Templo ang mga pari. 7 Kaya ipinatawag ni Haring Joas si Joiada at ang iba pang pari. “Bakit hindi pa ninyo inaayos ang mga sira sa Templo?” tanong niya sa mga ito. “Mula ngayon, hindi na kayo ang tatanggap ng salaping para sa pagpapaayos ng Templo.” 8 Sumang-ayon naman ang mga pari na hindi na sila ang tatanggap ng salapi sa mga tao at hindi na rin sila ang mamamahala sa pagpapaayos ng Templo.
9 Kumuha ng kahon ang paring si Joiada at binutasan niya ang takip nito. Inilagay niya ito sa tabi ng dambana, sa gawing kanan ng pintuan ng Templo ni Yahweh. Doon inilalagay ng mga paring nagbabantay sa pinto ang lahat ng salaping ibinibigay ng mga tao. 10 At kapag marami nang laman ang kahon, binibilang ito ng Pinakapunong pari at ng kalihim ng hari, saka inilalagay sa mga supot. 11 Pagkatapos timbangin ang mga salaping naipon, ibinibigay nila ito sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga karpintero at sa mga manggagawa, 12 sa mga kantero at sa mga nagtatapyas ng adobe. Dito rin nila kinukuha ang pambili ng mga kahoy, ng mga batong tinapyas at ng iba pang kailangan sa pagpapaayos ng Templo ni Yahweh. 13 Ang nalikom na salaping ito'y hindi nila ginagamit sa paggawa ng mga palangganang pilak, mga pantabas ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta o anumang kasangkapang yari sa ginto o pilak. 14 Lahat ng malikom ay ibinabayad nila sa mga manggagawa at ibinibili ng mga kasangkapan para sa pagpapaayos ng Templo. 15 Hindi(H) na nila hinihingan ng ulat ang mga namamahala sa mga gawain sapagkat matatapat ang mga ito. 16 Ang(I) salaping mula sa handog na pambayad ng kasalanan at ang salaping mula sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay hindi na inilalagay sa kaban sapagkat nakalaan iyon sa mga pari.
17 Nang panahong iyon, ang lunsod ng Gat ay sinalakay at sinakop ni Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos, tinangka naman niyang salakayin ang Jerusalem. 18 Kaya kinuha ni Haring Joas ang mga kaloob na nalikom ng mga ninuno niyang sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazias na naging mga hari ng Juda, pati na rin ang mga kaloob na kanyang nalikom. Kinuha rin niya ang mga ginto at pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo, at ipinadala kay Haring Hazael. Dahil dito, hindi na sinalakay ni Hazael ang Jerusalem.
19 Ang iba pang mga ginawa ni Joas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 20 Nagkaisa ang kanyang mga opisyal laban sa kanya at pinatay siya ng mga ito sa bayan ng Millo, sa may papuntang Sila. 21 Ang pumatay sa kanya ay ang mga opisyal niyang si Josacar na anak ni Simeat at si Jozabad na anak ni Somer. Inilibing si Joas sa libingan ng mga hari, sa lunsod ni David. Humalili sa kanya ang anak niyang si Amazias bilang hari.
Ang Kordero ng Diyos
29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. 31 Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”
32 Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. 33 Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siyang nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makitang bumabâ at manatili ang Espiritu, siya ang magbabautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ 34 Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”
Ang Unang Apat na Alagad ni Jesus
35 Kinabukasan, naroon muli si Juan kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad. 36 Nang makita niya si Jesus na nagdaraan ay kanyang sinabi, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos!”
37 Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, kaya't sumunod sila kay Jesus. 38 Lumingon si Jesus, at nang makita niyang sumusunod sa kanya ang mga ito, sila'y tinanong niya, “Ano ang kailangan ninyo?”
Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro.
39 “Halikayo at tingnan ninyo,” sabi ni Jesus.
Sumama sila kay Jesus at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na iyon. Noo'y mag-aalas kuwatro na ng hapon.
40 Ang isa sa dalawang alagad na nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Unang hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon. Sinabi niya rito, “Nakita na namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito'y Cristo. 42 At isinama ni Andres si Simon kay Jesus.
Tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cefas”[a] (na ang katumbas ay Pedro[b]).
Ang Pagkatawag kina Felipe at Nathanael
43 Kinabukasan, minabuti ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nakita niya roon si Felipe at sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” 44 Si Felipe ay taga-Bethsaida, tulad nina Andres at Pedro.
45 Nakita ni Felipe si Nathanael at sinabi niya dito, “Natagpuan na namin ang tinutukoy ni Moises sa kanyang isinulat sa aklat ng Kautusan at gayundin ng mga propeta. Siya'y si Jesus na taga-Nazaret, na anak ni Jose.”
46 “May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?” tanong ni Nathanael.
Sumagot si Felipe, “Halika't tingnan mo.”
47 Nang malapit na si Nathanael ay sinabi ni Jesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita. Wala siyang anumang pagkukunwari.”
48 Tinanong siya ni Nathanael, “Paano ninyo ako nakilala?”
Sumagot si Jesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.”
49 Sumagot si Nathanael, “Rabi, kayo nga po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!”
50 Sinabi ni Jesus, “Sumampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa riyan ang masasaksihan mo.” 51 At(A) sinabi niya sa kanya, “Pakatandaan mo: makikita ninyong bukás ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.