Old/New Testament
22 “Kapag(A) nakita ninyong nakawala ang baka o tupa ng inyong kapwa Israelita, huwag ninyo itong pababayaan; hulihin ninyo at dalhin sa may-ari. 2 Kung malayo ang tirahan ng may-ari o kung hindi ninyo alam kung kanino, iuwi muna ninyo ito at hintaying hanapin ng may-ari saka ninyo ibigay. 3 Ganyan din ang gagawin ninyo sa asno, damit o anumang bagay na inyong napulot na maaaring naiwala ng isang Israelita; ibalik ninyo sa may-ari.
4 “Kapag nakita ninyong nabuwal ang baka o asno ng inyong kapwa, tulungan ninyong ibangon iyon.
5 “Ang mga babae ay huwag magsusuot ng kasuotang panlalaki o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae. Sinumang gumawa nito ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.
6 “Kung may makita kayong pugad ng ibon, sa lupa o sa punongkahoy, na may inakay o kaya'y may nililimlimang itlog, huwag ninyong huhulihin ang inahin. 7 Maaari ninyong kunin ang inakay o ang itlog ngunit pakawalan ninyo ang inahin upang mabuhay kayo nang mahaba at masagana.
8 “Lagyan ninyo ng harang ang bubong ng bahay na gagawin ninyo upang hindi kayo managot sakaling may mahulog mula roon.
9 “Huwag(B) ninyong tatamnan ng magkaibang binhi ang inyong ubasan; kapag ginawa ninyo iyon, ang bunga ng ibang binhi at ng inyong ubas ay dapat dalhing lahat sa santuwaryo.
10 “Huwag ninyong pagsasamahin sa iisang araro ang baka at ang asno.
11 “Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa pinagsanib na lana at lino.
12 “Lagyan(C) (D) ninyo ng palawit ang apat na sulok ng inyong balabal.
Mga Tuntunin tungkol sa Puri ng Isang Babae
13 “Kung pinakasalan ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos magtalik ay inayawan niya ang babae, 14 at pinagbintangang hindi na ito birhen nang pakasalan niya, 15 dudulog sa matatandang pinuno ng bayan ang mga magulang ng babae, dala ang katibayan ng pagkabirhen ng kanilang anak nang ito'y mag-asawa. 16 Ganito ang sasabihin ng ama, ‘Ipinakasal ko sa lalaking ito ang anak kong babae ngunit ngayo'y ayaw na ng lalaking ito ang anak ko. 17 Sinira niya ang puri ng aking anak at ipinamalita niyang hindi na ito birhen nang pakasalan niya. Subalit narito po ang katunayan ng kanyang pagkabirhen.’ At ilalagay nila sa harapan ng matatandang pinuno ang damit na may bahid ng dugo ng babae. 18 Pagkatapos nito, huhulihin ng mga pinuno ng bayan ang lalaki at kanilang hahagupitin. 19 Bukod doon, siya'y pagmumultahin ng sandaang pirasong pilak at ito'y ibibigay sa ama ng babae dahil sa ginawa niyang paninirang-puri sa isang babaing Israelita. Sila'y mananatiling mag-asawa, at ang babae'y hindi maaaring palayasin at hiwalayan ng lalaki habang siya'y nabubuhay.
20 “Ngunit kung totoo ang bintang, at walang makitang katunayan ng pagiging birhen, 21 ilalabas ang babae sa may pintuan ng bahay ng kanyang ama. Babatuhin siya roon ng mga kalalakihan ng lunsod, hanggang sa mamatay sapagkat gumawa siya ng malaking kasalanan sa bahay mismo ng kanyang ama, at ito'y kasuklam-suklam na gawain sa Israel. Sa ganyang paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa inyong sambayanan.
22 “Kapag ang isang lalaki'y nahuling kasiping ang asawa ng iba, pareho silang dapat patayin. Sa ganyang paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa Israel.
23 “Kapag ang isang lalaki ay nahuling nakikipagtalik sa isang dalagang nakatakda nang ikasal at hindi naman ito humingi ng saklolo gayong sila'y nasa loob ng bayan, 24 dapat ninyo silang ilabas ng bayan at batuhin hanggang mamatay sapagkat hindi humingi ng saklolo ang babae, at ang lalaki naman ay lumapastangan ng isang babaing malapit nang ikasal. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa inyong sambayanan.
25 “Kapag ang isang dalagang nakatakda nang ikasal ay ginahasa sa labas ng lunsod, ang lalaki lamang ang dapat patayin. 26 Hindi paparusahan ang babae sapagkat wala siyang kasalanan. Ang lalaki lamang ang may kasalanan sapagkat katumbas na rin nito ang pagsalakay at pagpatay ng kapwa tao. 27 Ang babae ay ginahasa sa isang lugar na walang katau-tao at walang makakarinig humingi man ito ng saklolo.
28 “Kapag ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal ay ginahasa ng isang lalaki at nahuli ang lalaking iyon, 29 bibigyan niya ng limampung pirasong pilak ang ama ng babae, at pakakasalan niya ang babae. Dahil sinira niya ang puri nito, hindi maaaring palayasin at hiwalayan ng lalaki ang babae.
30 “Hindi(E) dapat pakasalan ng anak ang ibang asawa ng kanyang ama. Hindi niya dapat ilagay sa kahihiyan ang kanyang sariling ama.
Mga Hindi Kabilang sa Sambayanan ng Diyos
23 “Ang isang lalaking kinapon o naputulan ng ari ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh.
2 “Sinumang anak sa labas ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanyang lahi.
3 “Ang(F) isang Ammonita o Moabita ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanilang lahi, 4 sapagkat(G) hindi nila kayo binigyan ng pagkain at inumin nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. Bukod dito, inupahan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. 5 Gayunman,(H) hindi siya dininig ng Diyos ninyong si Yahweh. Sa halip, pinagpala niya kayo sapagkat mahal kayo ni Yahweh. 6 Kailanma'y huwag ninyo silang tutulungan upang sila'y maging mapayapa o masagana.
7 “Huwag ninyong kasusuklaman ang mga Edomita sapagkat sila'y mga kapatid ninyo; gayundin ang mga Egipcio sapagkat kayo'y nanirahan sa kanilang lupain. 8 Maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh ang ikatlong salin ng kanilang lahi.
Mga Tuntunin tungkol sa Kalinisan sa Loob ng Kampo
9 “Sa panahon ng digmaan, umiwas kayo sa anumang maaaring magparumi sa inyo sa loob ng inyong kampo.
10 “Kapag nilabasan ng sariling binhi ang isang lalaki habang natutulog, lalabas siya ng kampo at hindi muna babalik. 11 Maliligo siya sa dapit-hapon. Paglubog ng araw, saka lamang siya babalik sa kampo.
12 “Maglalaan kayo ng isang lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13 Magdala rin kayo ng kahoy bukod pa sa inyong mga sandata. Gagamitin ninyo itong panghukay at pangtabon kapag kayo'y dudumi. 14 Naglilibot ang Diyos ninyong si Yahweh sa inyong kampo upang iligtas kayo sa mga kaaway at sila'y ipalupig sa inyo. Kaya't kailangang manatiling malinis sa paningin ng Diyos ang inyong kampo; baka pabayaan niya kayo kapag nakita niyang marumi ang kampo.
Iba't ibang Tuntunin
15 “Ang isang aliping tumakas at lumipat sa inyo ay huwag ninyong ibabalik sa dati niyang amo. 16 Mananatili siya sa inyo at hayaan siyang tumira kung saan niya gusto sa loob ng inyong bayan; huwag ninyo siyang aapihin.
17 “Sinumang(I) Israelita, babae man o lalaki ay hindi maaaring magbenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba. 18 Ang salaping kinita sa ganitong mahalay na paraan ay hindi maaaring ipagkaloob sa bahay ng Diyos ninyong si Yahweh bilang pagtupad sa isang panata. Kasuklam-suklam kay Yahweh ang pagbebenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba.
19 “Huwag(J) kayong magpapautang nang may tubo sa inyong kapwa Israelita, maging pera, pagkain o anumang maaaring patubuan. 20 Maaari ninyong patubuan ang mga dayuhan ngunit hindi ang inyong kapwa Israelita upang pagpalain kayo ni Yahweh sa inyong mga gawain pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.
21 “Huwag(K) ninyong kakaligtaang tuparin ang panata ninyo kay Yahweh. Tiyak na sisingilin niya kayo kapag hindi ninyo tinupad iyon. 22 Hindi kasalanan kung hindi kayo gagawa ng panata. 23 Ngunit kailangang tuparin ang anumang kusang-loob na pangako ninyo kay Yahweh.
24 “Kapag kayo'y pumasok sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain ng bunga niyon hanggang gusto ninyo, huwag lamang kayong mag-uuwi. 25 Kung mapadaan naman kayo sa triguhan ng inyong kapwa, maaari kayong pumitas ng mga uhay sa pamamagitan ng mga kamay ngunit huwag kayong gagamit ng karit.
Tungkol sa Paghihiwalay at Pag-aasawang Muli
24 “Kung(L) mag-asawa ang isang lalaki ngunit dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay; 2 kung ang babaing hiniwalayan ay mag-asawa sa iba 3 at hiniwalayang muli matapos bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay (o kaya'y namatay ang ikalawang asawa), at paalisin rin ito sa kanyang pamamahay, 4 ang babae ay hindi na maaaring pakasalan pa ng kanyang unang asawa; ang babae ay ituturing nang marumi. Magiging kasuklam-suklam kay Yahweh kung papakisamahan pa nito ang babae. Hindi ninyo dapat dungisan ang lupaing ibibigay niya sa inyo.
Iba't Ibang Tuntunin
5 “Ang lalaking bagong kasal ay hindi maaaring maglingkod sa hukbo o anumang gawaing-bayan sa loob ng isang taon; hahayaan muna siyang lumigaya sa piling ng kanyang asawa.
6 “Huwag ninyong kukuning sangla ang gilingan na ginagamit ng isang tao para sa kanyang pagkain, sapagkat para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.
7 “Sinumang(M) dumukot sa kapwa niya Israelita, upang alipinin o ipagbili ay dapat patayin. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaang tulad nito.
8 “Tungkol(N) sa mga sakit sa balat na parang ketong, sundin ninyong mabuti ang sasabihin sa inyo ng mga paring Levita, sapagkat iyon ang tagubilin ko sa kanila. 9 Alalahanin(O) ninyo ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Miriam nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto.
10 “Kung(P) kayo'y magpapautang sa inyong kapatid, huwag kayong papasok sa bahay niya para kunin ang kanyang sangla; 11 maghintay kayo sa labas upang doon tanggapin ang sangla na kusang ibibigay ng nangutang. 12 Kung balabal ang sangla ng isang mahirap na nangutang sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ang sangla. 13 Dapat maibalik iyon sa kanya paglubog ng araw, sapagkat iyon lamang ang gagamitin niya sa pagtulog. Sa gayon, tatanaw siya ng utang na loob sa inyo at kalulugdan kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.
14 “Huwag(Q) ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma'y kapwa Israelita o dayuhan na nakikipamayan sa inyo. 15 Bago lumubog ang araw, ibigay na ninyo sa kanya ang sweldo niya para sa maghapon sapagkat iyon lamang ang inaasahan niya sa buhay. Kapag hindi ninyo ibinigay agad, at dumaing siya kay Yahweh, iyon ay pananagutan ninyo.
16 “Hindi(R) dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng anak ni ang anak dahil sa krimeng nagawa ng magulang; ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.
17 “Huwag(S) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mga dayuhan o ang mga ulila. Huwag din ninyong kukuning sangla ang balabal ng babaing balo. 18 Iniuutos ko ito sa inyo sapagkat dapat ninyong alalahaning naging alipin din kayo sa Egipto at iniligtas kayo roon ng Diyos ninyong si Yahweh.
19 “Kung(T) sa pagliligpit ng ani ay may maiwan kayong mga uhay, huwag na ninyong babalikan iyon; hayaan na ninyong mapulot iyon ng mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Sa ganoon, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ninyong gawain. 20 Kapag napitasan na ninyong minsan ang inyong mga olibo, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 21 Kapag naani na ninyo ang inyong ubas, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 22 Alalahanin ninyong kayo'y naging alipin din sa Egipto. Iyan ang dahilan kaya iniuutos ko ito sa inyo.
Ang Masamang Balak Laban kay Jesus(A)
14 Dalawang(B) araw na lamang at Pista na ng Paskwa at ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay patuloy na naghahanap ng paraan upang maipadakip si Jesus nang palihim at maipapatay. 2 “Huwag sa kapistahan at baka magkagulo ang mga tao,” sabi nila.
Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)
3 Nasa(D) Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na may ketong.[a] Habang siya'y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango mula sa katas ng purong nardo. Binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. 4 Nagalit ang ilang naroroon at sila'y nag-usap-usap, “Bakit niya inaksaya ang pabango? 5 Maaaring ipagbili iyon nang mahigit sa tatlong daang salaping pilak at maibigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At pinagalitan nila ang babae.
6 Ngunit sinabi naman ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin. 7 Sapagkat(E) habang panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, at anumang oras ninyong naisin ay makakagawa kayo sa kanila ng mabuti. Ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon. 8 Ginawa niya ang kanyang makakaya; hindi pa ma'y binuhusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. 9 Tandaan ninyo, saanman sa buong mundo ipangaral ang Magandang Balita, ang ginawa ng babaing ito ay ipahahayag bilang pag-alaala sa kanya.”
Nakipagsabwatan si Judas(F)
10 Si Judas Iscariote, na kabilang sa Labindalawa, ay pumunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus. 11 Natuwa sila nang marinig nila ang alok ni Judas at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y humanap na si Judas ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus.
Ang Huling Hapunan(G)
12 Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”
13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya 14 sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ 15 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.”
16 Nagpunta nga sa bayan ang mga alagad at natagpuan nila roon ang lahat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.
17 Kinagabihan, dumating si Jesus na kasama ang Labindalawa. 18 Habang(H) sila'y kumakain, sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko ngayon ay magkakanulo sa akin.”
19 Nalungkot ang mga alagad, at ang bawat isa ay nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”
20 Sumagot siya, “Isa siya sa inyong labindalawa, na kasabay ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”
Ang Banal na Hapunan ng Panginoon(I)
22 Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.” 23 Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat. 24 Sinabi(J) niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami. 25 Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.”
26 Umawit sila ng isang himno, at pagkatapos ay nagpunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.