Old/New Testament
50 Sinabi(A) ni Yahweh:
“Pinalayas ko ba ang aking bayan,
tulad ng isang lalaking pinalayas at hiniwalayan ang kanyang asawa?
Kung gayon, nasaan ang kasulatan ng ating paghihiwalay?
Pinagtaksilan ko ba kayo para maging bihag,
tulad ng amang nagbenta ng anak upang maging alipin?
Hindi! Nabihag kayo dahil sa inyong kasalanan,
itinapon kayo dahil sa inyong kasamaan.
2 Bakit ang bayan ko'y hindi kumilos
nang sila'y lapitan ko para iligtas?
Nang ako'y tumawag isa ma'y walang sumagot.
Bakit? Wala ba akong lakas para iligtas sila?
Kaya kong tuyuin ang dagat sa isang salita lamang.
Magagawa kong disyerto ang ilog
upang mamatay sa uhaw ang mga isda roon.
3 Ang bughaw na langit ay magagawa kong
kasing-itim ng damit-panluksa.”
Ang Pagsunod ng Lingkod ni Yahweh
4 Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga'y nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
5 Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik
o tumalikod sa kanya.
6 Hindi(B) ako gumanti nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako.
Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas
at luraan ang aking mukha.
7 Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis,
sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya.
8 Ang(C) Diyos ay malapit,
at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang ako'y usigin?
Magharap kami sa hukuman,
at ilahad ang kanyang paratang.
9 Ang Panginoong Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin.
Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala?
Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin,
tulad ng damit na nginatngat ng insekto.
10 Kayong lahat na may paggalang kay Yahweh,
at sumusunod sa utos ng kanyang lingkod,
maaaring ang landas ninyo ay maging madilim,
gayunma'y magtiwala kayo at umasa
sa kapangyarihan ng Diyos na si Yahweh.
11 Kayo namang nagbabalak magpahamak sa iba
ang siyang magdurusa sa inyong binabalak.
Kahabag-habag ang sasapitin ninyo
sapagkat si Yahweh ang gagawa nito.
Mga Salita ng Kaaliwan para sa Jerusalem
51 Ang sabi ni Yahweh,
“Dinggin ninyo ako, kayo, na naghahanap ng kaligtasan, at humihingi ng tulong.
Pagmasdan ninyo ang batong malaki na inyong pinagmulan,
tingnan ninyo ang pinaghuhukayan ng bato na inyong pinanggalingan.
2 Inyong alalahanin ang ninuno ninyong si Abraham,
at ang asawa niyang si Sara na sa lahi ninyo'y nagluwal.
Nang aking tawagin si Abraham, siya'y walang anak.
Ngunit pinagpala ko siya
at pinarami ang kanyang lahi.
3 Aking aaliwin ang Jerusalem;
at ang lahat ng nakatira sa gumuhong lunsod.
Mula sa pagiging tila disyerto, gagawin ko itong tulad ng Halamanan
ng Eden.
Maghahari roon ang kagalakan at pagpupuri,
ang awitan at pasasalamat para sa akin.
4 “Pakinggan ninyo ako aking bayan,
ihahayag ko ang kautusan at katarungan
na magsisilbing tanglaw para sa lahat.
5 Ang pagliligtas ko ay agad na darating,
hindi na magtatagal at ako'y magtatagumpay.
Ako'y maghahari sa lahat ng bansa.
Ang malalayong bansa ay naghihintay sa akin,
at ang pagliligtas ko ang kanilang inaasahan.
6 Sa dakong itaas, sa kalangitan kayo ay tumingin,
sa dakong ibaba, dito sa daigdig ay magmasid din.
Katulad ng usok, itong kalangita'y pawang maglalaho,
at itong daigdig mawawasak namang parang kasuotan.
Ang mga naroon, lahat ng nilikha ay parang langaw na mamamatay.
Ngunit ang pagliligtas ko ay walang hanggan,
ang tagumpay ay walang katapusan.
7 “Ang nakakaalam tungkol sa matuwid, sa aki'y makinig,
kayong lingkod ko na tagapag-ingat ng aking kautusan.
Hindi kayo dapat matakot sa puna ng tao,
o manlupaypay man kung laitin kayo.
8 Katulad ng damit ang mga taong iyan ay masisira,
sila'y tulad ng tela na kakainin ng uod;
ngunit walang hanggan at para sa lahat ng salinlahi
ang aking tagumpay at pagliligtas.”
9 Gumising ka, O Yahweh, at tulungan po ninyo kami!
Gamitin mo ang iyong kapangyarihan at iligtas mo po kami,
tulad noong una.
Hindi ba't kayo ang pumuksa kay Rahab, na dambuhala ng karagatan?
10 Kayo rin po ang nagpatuyo sa dagat
at gumawa ng daan sa gitna ng tubig,
kaya nakatawid nang maayos ang bayang iyong iniligtas.
11 Ang mga tinubos ninyo'y babalik sa Jerusalem,
magsisigawan sa galak, umaawit sa tuwa.
Ang mamamalas sa kanilang mukha ay walang hanggang galak,
at sa puso nila ang lungkot at hapis ay mawawalang lahat.
12 Sinabi ni Yahweh,
“Ako ang nagbibigay ng iyong lakas.
Bakit ka matatakot sa kapwa mo tao?
Mamamatay rin silang tulad ng damo.
13 Bakit mo nilimot si Yahweh na lumikha sa iyo—
siya na naglatag ng kalangitan
at naglagay ng pundasyon sa mundo?
Bakit lagi kang takot sa nang-aalipin?
Dahil ba sa galit sila sa iyo,
at gusto kang puksain?
Ang galit nila'y huwag mong pansinin.
14 Hindi na magtatagal at ang mga bihag ay palalayain,
mabubuhay sila nang matagal
at hindi magkukulang sa pagkain.
15 Ako nga si Yahweh, ang Diyos na sa iyo'y lumalang.
Aking hinahalo ang pusod ng dagat
kaya umiingay ang mga alon.
Ang pangalan ko'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
16 Itinuro ko na sa iyo ang aking salita, upang ito'y maipahayag mo;
at iingatan ka ng aking mga kamay.
Ako ang naglatag nitong kalangitan,
pati mga pundasyon ng buong daigdig, ako rin ang naglagay;
sabi ko sa Jerusalem, ‘Ikaw ang aking bayan.’”
Ang Katapusan ng Paghihirap ng Jerusalem
17 Gumising(D) ka Jerusalem!
Ikaw ay magbangon,
ikaw na umiinom sa kopa ng Diyos na napopoot.
Inubos mo hanggang sa masaid ang laman niyon.
Kaya ikaw ay susuray-suray ngayon.
18 Sa mga anak mo,
wala kahit isang sa iyo'y umaalalay, matapos palakihin,
at wala man lang humahawak sa iyong mga kamay.
19 Dalawang sakuna ang dumating sa iyo;
winasak ng digmaan ang iyong lupain
at nagkagutom ang mga tao.
Wala isa mang umaliw sa iyo.
20 Lupaypay na nakahandusay sa lansangan ang mga tao.
Tulad nila'y usang nahuli sa bitag ng mangangaso;
nadarama nila ang tindi ng poot ni Yahweh, ang galit ng inyong Diyos.
21 Kaya ako'y inyong dinggin, kayong lupasay sa matinding hirap,
at wari'y lasing gayong hindi uminom ng alak,
22 ganito ang sabi ni Yahweh, na inyong Diyos at Tagapagtanggol,
“Aalisin ko na ang kopa ng aking poot sa inyong mga kamay,
at magmula ngayon hindi ka na iinom ng alak na iyan.
23 Aking ililipat ang inuming ito sa inyong mga kaaway,
na nagpahandusay sa inyo sa mga lansangan
at pagkatapos kayo'y tinapakan.”
Ililigtas ng Diyos ang Jerusalem
52 Gumising(E) ka Jerusalem, magpanibagong-lakas ka!
O banal na lunsod, muli mong isuot ang mamahalin mong kasuotan,
sapagkat mula ngayon ay hindi na makakapasok diyan ang mga hindi kumikilala sa Diyos.
2 Malaya ka na, Jerusalem!
Tumindig ka mula sa kinauupuang alabok, at umupo sa iyong trono.
Kalagin mo ang taling nakagapos sa iyo!
3 Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan: “Ipinagbili kayo nang walang bayad, kaya tutubusin din kayo nang walang bayad.” 4 Ganito ang sabi ng Panginoong Yahweh: “Sa simula, ang mga hinirang ko'y nanirahan sa Egipto bilang mga dayuhan. Pagkatapos, inalipin kayo ng mga taga-Asiria na hindi man lamang binayaran. 5 Ganyan(F) din ang nangyari sa inyo nang kayo'y bihagin sa Babilonia. Binihag kayo at hindi binayaran. Nagmamayabang ang mga bumihag sa inyo. Walang humpay ang kanilang paglait sa aking pangalan. 6 Kaya darating ang araw, malalaman ninyong ako ang Diyos na nagsalita sa inyo.”
7 O(G) kay gandang pagmasdan sa mga kabundukan,
ang sugong dumarating upang ipahayag ang kapayapaan,
at nagdadala ng Magandang Balita.
Ipahahayag niya ang tagumpay at sasabihin:
“Zion, ang Diyos mo ay naghahari!”
8 Narito! Sisigaw ang nagbabantay,
dahil sa galak, sama-sama silang aawit;
makikita nila si Yahweh na babalik sa Zion.
9 Magsiawit kayo,
mga guhong pader nitong Jerusalem;
sapagkat inaliw ng Diyos ang hinirang niyang bayan;
iniligtas na niya itong Jerusalem.
10 Sa lahat ng bansa, makikita ng mga nilalang,
ang kamay ni Yahweh na tanda ng kalakasan;
at ang pagliligtas ng ating Diyos tiyak na mahahayag.
11 Lisanin(H) ninyo ang Babilonia,
mga tagapagdala ng kasangkapan ng Templo.
Huwag kayong hihipo ng anumang bagay na ipinagbabawal.
Manatili kayong malinis at kayo ay mag-alisan.
12 Ngayon ay lalakad kayong hindi na nagmamadali.
Hindi na kayo magtatangkang tumakas.
Papatnubayan kayo ni Yahweh;
at iingatan sa lahat ng saglit ng Diyos ng Israel.
Ang Nagdurusang Lingkod
13 Sinabi ni Yahweh,
“Ang lingkod ko'y magtatagumpay sa kanyang gawain;
mababantog siya at dadakilain.
14 Marami ang nagulat nang siya'y makita,
dahil sa pagkabugbog sa kanya,
halos hindi makilala kung siya ay tao.
15 Ngayo'y(I) marami rin ang mga bansang magugulantang;
pati mga hari kapag siya'y nakita ay matitigilan.
Makikita nila ang hindi nabalita kahit na kailan,
at mauunawaan ang hindi pa narinig ninuman!”
Maging Handa sa Pagdating ng Panginoon
5 Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, 2 sapagkat(A) alam na ninyo na ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. 3 Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. 4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. 5 Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. 6 Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. 7 Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit(B) dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. 9 Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. 11 Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.
Pangwakas na Tagubilin at Pagbati
12 Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Makitungo kayo sa isa't isa nang may kapayapaan.
14 Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat.
16 Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
19 Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. 20 Huwag ninyong baliwalain ang anumang pahayag mula sa Diyos. 21 Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti. 22 Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.
23 Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ito.
25 Mga kapatid, ipanalangin din ninyo kami.
26 Batiin ninyo ang lahat ng mga mananampalataya bilang mga minamahal na kapatid kay Cristo.[a] 27 Inaatasan ko kayo sa pangalan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga kapatid.
28 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.