Old/New Testament
Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa
34 Lumapit kayo mga bansa, makinig kayo buong bayan!
Halikayo at pakinggan ang aking sasabihin,
kayong lahat na nasa ibabaw ng lupa.
2 Sapagkat si Yahweh ay napopoot sa lahat ng bansa,
matindi ang kanyang galit sa kanilang mga hukbo;
sila'y hinatulan na at itinakdang lipulin.
3 Ang kanilang mga bangkay ay ikakalat;
ito'y mabubulok at aalingasaw sa baho,
at ang mga bundok ay babaha sa dugo.
4 Ang(A) araw, buwan at mga bituin ay malalaglag at madudurog
at ang kalangita'y irorolyong
parang balumbon.
Ang mga bituin ay malalaglag
na parang mga tuyong dahon ng igos na nalalagas.
Ang Pagkawasak ng Edom
5 Si(B) Yahweh ay naghanda ng espada sa kalangitan
upang gamitin laban sa Edom,
sa bayang hinatulan niyang parusahan.
6 Ang espada ni Yahweh ay puno ng dugo at taba;
iyon ay dugo ng mga tupa at kambing,
at taba ng lalaking tupa.
Sapagkat siya'y maghahandog sa Bozra,
marami siyang pupuksain sa Edom.
7 Sila'y mabubuwal na parang maiilap na toro at barakong kalabaw,
matitigmak ng dugo
at mapupuno ng taba ang buong lupain.
8 Sapagkat si Yahweh ay may nakatakdang araw ng paghihiganti,
isang taon ng paghihiganti alang-alang sa Zion.
9 Ang mga batis ng Edom ay magiging alkitran,
at magiging asupre ang kanyang lupa,
ang buong bansa ay masusunog na parang aspalto.
10 Araw-gabi'y(C) hindi ito mamamatay,
at patuloy na papailanlang ang usok;
habang panaho'y hindi ito mapapakinabangan,
at wala nang daraan doon kahit kailan.
11 Ang mananahan dito'y mga kuwago at mga uwak.
Ang lupaing ito'y lubusang wawasakin ni Yahweh,
at iiwang nakatiwangwang magpakailanman.
12 Doo'y wala nang maghahari
at mawawala na rin ang mga pinuno.
13 Tutubuan ng damo ang mga palasyo
at ang mga napapaderang bayan,
ito ay titirhan ng mga asong-gubat
at pamumugaran ng mga ostrits.
14 Ang maiilap na hayop ay sasama sa mga asong-gubat,
tatawagin ng mga tikbalang ang kapwa nila maligno;
doon bababâ ang babaing halimaw upang magpahinga.
15 Ang mga kuwago, doon magpupugad,
mangingitlog, mamimisâ at magpapalaki ng kanilang inakay.
Doon din maninirahan ang mga grupo ng buwitre.
16 Sa aklat ni Yahweh ay hanapin ninyo at basahin:
“Isa man sa kanila'y hindi mawawala,
bawat isa'y mayroong kapareha.”
Sapagkat ito'y utos ni Yahweh,
at siya mismo ang kukupkop sa kanila.
17 Siya na rin ang nagtakda ng kanilang titirhan,
at nagbigay ng kani-kanilang lugar;
doon na sila titira magpakailanman.
Ang Landas ng Kabanalan
35 Muling sasaya ang ulilang lupain na matagal nang tigang;
mamumulaklak ang mga halaman sa disyerto.
2 Ang disyerto ay aawit sa tuwa,
ito'y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Lebanon
at mamumunga nang sagana tulad ng Carmel at Sharon.
Mamamasdan ng lahat ang kaluwalhatian
at kapangyarihan ni Yahweh.
3 Inyong(D) palakasin ang mahinang kamay,
at patatagin ang mga tuhod na lupaypay.
4 Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob!
Darating na ang Diyos,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
5 Ang(E) mga bulag ay makakakita,
at makakarinig ang mga bingi.
6 Ang mga pilay ay lulundag na parang usa,
aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa kaparangan ay aagos ang tubig,
at dadaloy sa disyerto ang mga batis.
7 Ang nakakapasong buhanginan ay magiging isang lawa,
sa tigang na lupa ay bubukal ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat,
ay tutubuan ng tambo at talahib.
8 Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan,
na tatawaging Landas ng Kabanalan.
Sa landas na ito ay hindi makakaraan,
ang mga makasalanan at mga hangal.
9 Walang leon o mabangis na hayop
na makakapasok doon;
ito'y para lamang sa mga tinubos.
10 Babalik sa Jerusalem ang mga tinubos ni Yahweh
na masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
Ang lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.
Ang Banta ng Asiria sa Juda(F)
36 Noong ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekias sa Juda, sinalakay at nasakop ni Haring Senaquerib ng Asiria ang buong lunsod ng Juda. 2 Nang si Haring Senaquerib ng Asiria ay nasa Laquis, inutusan niya sa Jerusalem ang kanyang punong ministro, kasama ang isang malaking hukbo upang pasukuin si Haring Hezekias. Ang punong ministro ay hindi agad pumasok sa lunsod kundi naghintay muna sa may padaluyan ng tubig sa daang papasok sa Bilaran ng Tela. 3 Doon sila pinuntahan ng punong ministro sa palasyo na si Eliakim, anak ni Hilkias. Kasama niya ang kalihim na si Sebna at ang tagapagtala na si Joa na anak ni Asaf.
4 Pagkakita sa kanila'y sinabi ng ministro, “Magbalik kayo kay Hezekias at sabihin ninyo ang ipinapatanong na ito ng hari ng Asiria: ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? 5 Akala mo ba'y sapat na ang salita laban sa isang makapangyarihang hukbo? Sino ang inaasahan mo at ikaw ay naghihimagsik laban sa akin? 6 Ang(G) Egipto? Para kang nagtutungkod ng baling tambo, masusugatan pa niyan ang iyong kamay. Iyan ang sasapitin ng sinumang magtiwala sa Faraon ng Egipto. 7 Kung sasabihin mo namang kay Yahweh na inyong Diyos kayo aasa, hindi ba ang mga altar niya sa burol ang ipinaalis ni Hezekias? Hindi ba't ang utos niya sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ay sa altar lamang sa Jerusalem sila sasamba? 8 Ngayon, kung talagang gusto mong subukin ang aming hari, bibigyan kita ng dalawang libong kabayo kung may mapapasakay ka sa mga ito. 9 Paano ka makakalaban kahit sa isang maliit na pangkat ng aming hukbo, samantalang sa Egipto ka lamang umaasa ng kailangan mong mga karwahe at mga kawal na nakakabayo? 10 Akala mo ba'y sasalakayin ko at wawasakin ang lupaing ito nang walang pahintulot si Yahweh? Siya mismo ang may utos sa akin na salakayin ito at wasakin.’”
11 Nakiusap sina Eliakim, Sebna at Joa sa punong ministro ng Asiria. Ang sabi nila, “Baka po maaaring sa wikang Aramaico na lamang tayo mag-usap sapagkat marunong naman kami ng salitang iyan. Huwag na po ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo nang naririnig ng mga nasa itaas ng pader.” 12 Ngunit sinagot sila ng ministro, “Bakit, ano ba ang akala ninyo? Sinugo ba ako ng panginoon ko upang kayo lamang at ang inyong hari ang balitaan nito? Dapat ding malaman ito ng mga taong ito na tulad ninyo'y dumi rin ang kakainin at ihi ang iinumin pagdating ng takdang panahon.”
13 Kaya lalong inilakas ng ministro ang kanyang pagsasalita sa wikang Hebreo: “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ng hari ng Asiria. 14 Huwag kayong paloloko kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo kayang iligtas. 15 Huwag kayong maniniwala sa sinasabi niyang ililigtas kayo ni Yahweh, na ang lunsod na ito'y hindi masasakop ng hari ng Asiria. 16 Huwag kayong makinig sa kanya; ang dinggin ninyo'y ang sinabi ng hari ng Asiria, ‘Sumuko na kayo at makipagkasundo sa akin! Sa gayon, magiging matiwasay kayo. Kung gagawin ninyo ito, kayo ang makikinabang sa bunga ng inyong ubasan at igos, at kayo rin ang iinom sa tinipon ninyong tubig. 17 Pagkatapos, darating ako upang dalhin kayo sa lupaing tulad nito na sagana sa pagkaing butil at alak. 18 Huwag kayong maniwala sa sinasabi sa inyo ni Hezekias na ililigtas kayo ni Yahweh. Walang diyos ng ibang bansa na nakapagligtas sa kanila sa kamay ng hari ng Asiria. 19 Gaya ng mga diyos sa Hamat at Arpad, nailigtas ba ng mga iyon ang mga tagaroon? At ang mga diyos sa Sefarvaim, nailigtas ba nila ang Samaria sa aking mga kamay? 20 Kung ang mga diyos na iyon ay walang nagawa upang ipagtanggol ang kanilang bansa, gaano pa ang inyong si Yahweh? Hindi rin maililigtas nito ang Jerusalem sa aking mga kamay.’”
21 Wala ni isa mang kumibo sa kanila sapagkat iniutos ng hari na huwag silang sasagot. 22 Dahil dito'y sinira nina Eliakim, Sebna at Joa ang kanilang mga damit, at sama-samang nagbalik kay Hezekias, at iniulat ang lahat ng sinabi ng punong ministro ng Asiria.
2 Nais kong malaman ninyong gayon na lamang ang pagsisikap ko para sa inyo, gayundin para sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang personal. 2 Ginagawa ko ito upang palakasin ang kanilang loob at upang mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, mararanasan nila ang ganap na pagpapala ng tunay na pagkaunawa at kaalaman tungkol sa hiwaga ng Diyos, na walang iba kundi si Cristo.[a] 3 Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng nakatagong kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos.
4 Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng mga mapang-akit na pananalita. 5 Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo.
Ang Ganap na Pamumuhay kay Cristo
6 Yamang tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo na may pakikipag-isa sa kanya. 7 Magpakatatag kayo at isalig ninyo sa kanya ang inyong buhay. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.
8 Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhang karunungan at pandaraya na ayon sa mga tradisyon ng mga tao at mga alituntunin ng mundong ito, at ang mga ito ay hindi ayon kay Cristo. 9 Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao. 10 Kaya't nalubos ang inyong buhay sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala.
11 Dahil sa pakikipag-isa kay Cristo, kayo'y tinuli hindi sa laman kundi sa pagwawaksi ng masamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Sa(A) pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. 13 Kayong(B) dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi saklaw ng pagtutuli ayon sa Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at 14 pinawalang-bisa(C) ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. 15 Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay.
16 Kaya't(D) huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. 17 Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. 18 Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa kanilang mga pangitain. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. 19 Hindi(E) sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Nakaugnay sa kanya ang mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
20 Namatay na kayo na kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng 21 “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyan,” “Huwag gagalawin iyon”? 22 Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. 23 Sa kaanyuan, para ngang ayon sa karunungan ang ganoong uri ng pagsamba, pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay walang silbi sa pagpigil sa hilig ng laman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.