Old/New Testament
10 Ang unang lumagda sa kasunduan ay ang anak ni Hacalias na si Nehemias, ang gobernador. Pagkatapos ay si Zedekias at ang mga paring sina:
Seraias, Azarias, Jeremias,
Pashur, Amarias, Malquijas,
Hatus, Sebanias, Maluc,
Harim, Meremot, Obadias,
Daniel, Gineton, Baruc,
Mesulam, Abijas, Mijamin,
Maazias, Bilga at Semaias.
9-13 Sumunod ang mga Levitang sina:
Jeshua na anak ni Azanias,
Binui na mula sa angkan ni Henadad,
at sina Kadmiel, Sebanias,
Hodias,
Kelita, Pelaias, Hanan,
Mica, Rehob, Hashabias,
Zacur, Serebias, Sebanias,
Hodias, Bani at Beninu.
14-27 Mula naman sa mga pinuno ng bayan, ang lumagda sina:
Paros, Pahat-moab,
Elam, Zatu, Bani,
Buni, Azgad, Bebai,
Adonijas, Bigvai, Adin,
Ater, Hezekias, Azur,
Hodias, Hasum, Bezai,
Harif, Anatot, Nebai,
Magpias, Mesulam, Hezir,
Mesezabel, Zadok, Jadua,
Pelatias, Hanan, Anaias,
Hosea, Hananias, Hasub,
Halohesh, Pilha, Sobek,
Rehum, Hasabna, Maaseias,
Ahias, Hanan, Anan,
Maluc, Harim at Baana.
Ang Kasunduan
28 Kami, ang sambayanang Israel, ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pintuan, mga mang-aawit at mga manggagawa sa Templo, at ang lahat ng iba pang lumayo sa mga dayuhang naninirahan sa aming lupain bilang pagsunod sa Kautusan ng Diyos, pati ang aming mga asawa at ang aming mga anak na lalaki at babae na pawang may sapat nang pag-iisip 29 ay nanunumpa kasama ng aming mga pinuno at nangangakong tutuparin ang buong Kautusan na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Moises. Susundin namin ang lahat ng tuntunin at utos ng Diyos naming si Yahweh.
30 Hindi(A) namin papayagang mag-asawa ang aming mga anak sa mga dayuhang naninirahan sa aming lupain.
31 Kung(B) sila'y magtinda ng trigo o anumang paninda sa Araw ng Pamamahinga, hindi kami bibili sa kanila.
Tuwing ika-7 taon, hindi namin tatamnan ang mga bukirin at hindi na namin sisingilin ang mga may utang sa amin.
32 Taun-taon,(C) magbibigay ang bawat isa sa amin ng halos apat na gramong pilak upang makatulong sa gastusin para sa Templo. 33 Magkakaloob kami ng mga sumusunod para sa serbisyo ng pagsamba doon sa Templo: tinapay na handog, pang-araw-araw na handog na pagkaing butil, mga handog na susunugin bilang handog araw-araw, handog sa Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, iba pang handog, ang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan ng Israel, at iba pang kailangan sa Templo. 34 Kaming lahat ay magpapalabunutan taun-taon, ang mga pari, mga Levita at mga mamamayan, para malaman kung aling angkan ang magdadala ng kahoy na panggatong sa mga handog sa altar ni Yahweh na ating Diyos ayon sa itinatakda ng Kautusan. 35 Taun-taon(D) ay dadalhin din namin sa Templo ni Yahweh ang unang ani ng bukirin at ang unang bunga ng mga punongkahoy. 36 Dadalhin(E) din namin sa mga pari na maglilingkod sa Templo ang mga panganay naming anak na lalaki upang ilaan sa paglilingkod sa Diyos; gayundin ang panganay na anak ng baka, tupa at kambing para naman ihandog ayon sa itinatakda ng Kautusan. 37 Magdadala(F) rin kami taun-taon ng minasang harina mula sa unang ani ng trigo at iba naming mga handog na alak, langis ng olibo at lahat ng uri ng bungangkahoy. Magbibigay rin kami sa mga Levita ng ikasampung bahagi ng mga inani sa aming bukirin. Ang mga Levitang ito ang naglilikom ng mga ikasampung bahagi at magdadala ng mga ito sa Templo. 38 Sasamahan(G) ng mga pari mula sa angkan ni Aaron ang mga Levitang tagapaglikom ng ikasampung bahagi. Ang ikasampung bahagi nito ay dadalhin nila sa kabang-yaman ng Templo para gamitin doon. 39 Ang mga Israelita at ang mga Levita ang magdadala ng mga naipong trigo, alak at langis para itago sa mga bodega ng mga kagamitan sa Templo. Dito nakatira ang mga paring naglilingkod, ang mga bantay-pintuan at ang mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang Templo ng aming Diyos.
Ang mga Nanirahan sa Jerusalem
11 Ang mga pinuno ng bayan ay tumira sa Jerusalem at ang iba nama'y nagpalabunutan upang sa bawat sampung pamilya ay kumuha ng isang titira sa banal na lunsod. Ang siyam naman ay nanirahan sa iba't ibang bayan ng Juda. 2 Pinupuri ng mga tao ang sinumang kusang-loob na tumira sa Jerusalem.
3 Ang(H) ibang mga Israelita, mga pari, mga Levita, mga tagapaglingkod sa templo at ang mga angkan ng mga lingkod ni Solomon ay sa iba't ibang bayan tumira, sa kani-kanilang lupain.
Narito ang mga pangunahing mamamayan ng Juda na nanirahan sa Jerusalem: 4 Mula sa lipi ni Juda: si Ataias na anak ni Uzias at apo ni Zacarias. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Amarias, Sefatias, at Mahalalel na pawang mula sa angkan ni Peres na anak ni Juda. 5 Si Maaseias na anak ni Baruc at apo ni Colhoze. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hazaias, Adaias, Joiarib at Zacarias mula sa angkan ni Sela. 6 Ang kabuuan ng magigiting na lalaki mula sa angkan ni Peres ay 468.
7 Mula sa lipi ni Benjamin: sina Salu na anak ni Mesulam at apo ni Joed. Ang iba pa niyang ninuno ay sina Pedaias, Kolaias, Maaseias, Itiel at Jesaias. 8 Sina Gabai at Salai ay malapit na kamag-anak ni Salu. Lahat-lahat ay 928 Benjaminita. 9 Ang pinuno nila ay si Joel na anak ni Zicri at ang kanang kamay nito ay si Juda na anak ni Hesenua.
10 Sa mga pari naman ay kabilang ang mga sumusunod: si Jedaias na anak ni Joiarib, si Jaquin, 11 si Seraias na anak ni Hilkias at apo ni Mesulam. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Zadok na anak ni Meraiot at si Ahitub na pinakapunong pari. 12 Ang kabuuan ng angkan niyang naglingkod sa Templo ay 822. Kabilang din sina Adaias na anak ni Jeroham at apo ni Pelalias. Ang kasama sa mga ninuno niya ay sina Amzi, Zacarias, Pashur at Malquijas. 13 Ang kabuuang bilang ng mga pangulo ng sambahayan sa kanyang angkan ay 242. Kasama rin sa tumira sa Jerusalem si Amasai na anak ni Azarel at apo ni Azai. Ang kasamang ninuno niya ay sina Mesilemot at Imer. 14 Ang kabuuang bilang ng mga bahagi ng angkang ito na magigiting na mga kawal ay 128. Ang kanilang pinuno ay si Zabdiel na mula sa isang kilalang pamilya.[a]
15 Mula sa mga Levita: si Semaias na anak ni Hasub at apo ni Azrikam. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hashabias at Buni.
16 Sina Sabetai at Jozabad, mga kilalang Levita ang namahala sa mga gawain sa labas ng Templo. 17 Kasama rin nila si Matanias na anak ni Mica at apo ni Zabdi, mula sa angkan ni Asaf. Siya ang tagapanguna sa korong umaawit ng panalangin ng pasasalamat. Kasama rin niya si Bakbukuias na naging lingkod ni Matanias.
Si Abda na anak ni Samua at apo ni Galal na mula sa angkan ni Jeduthun. 18 Ang kabuuan ng mga Levita sa banal na lunsod ng Jerusalem ay 284.
19 Ang mga bantay sa Templo: sina Akub at Talmon kasama ang kanilang mga kamag-anak ay 172 lahat. 20 Ang iba pang mga Israelita, mga pari at Levita ay nanirahan sa ibang bayan ng Juda, sa kani-kanilang mga lupaing minana. 21 Ang lahat namang manggagawa sa Templo sa ilalim ng pamamahala nina Ziha at Gispa ay doon naman tumira sa Ofel.
22 Ang namahala sa mga Levitang nasa Jerusalem ay si Uzi, anak ni Bani at apo ni Hashabias. Kasama sa kanyang mga ninuno sina Matanias at Mica at siya mismo ay mula sa angkan ni Asaf, ang angkan na namamahala sa mga awitin sa loob ng Templo ni Yahweh. 23 Ang mga mang-aawit ay may kanya-kanyang araw ng paglilingkod, ayon sa mga tuntuning itinakda ng hari.
24 Si Petahias na anak ni Mesezabel mula sa angkan ni Zera sa lipi ni Juda, ang kinatawan ng sambayanang Israel sa pagdulog sa hari ng Persia.
Iba pang mga Bayan na Tinirhan ng Ibang Israelita
25 Ang mga nagmula sa lipi ni Juda ay tumira sa mga bayang malapit sa kanilang bukirin. Tumira sila sa Lunsod ng Arba, Dibon at Jekabzeel at sa mga nayong malapit sa mga lunsod na ito. 26 Ang iba sa kanila'y tumira sa mga lunsod ng Jeshua, Molada, Beth-pelet, 27 Hazar-shual, Beer-seba, at sa mga nayong nakapaligid dito. Nanirahan din sila sa mga lunsod ng 28 Ziklag, Mecona, at sa mga nayong nakapaligid dito, 29 sa En-rimon, Zora, Jarmut, 30 Zanoa, Adullam, Laquis at sa mga kalapit bukirin at sa Azeka at sa mga nayon nito. Nanirahan sila sa nasasakupan ng lupaing nasa pagitan ng Beer-seba sa timog at ng Libis ng Ben Hinom sa hilaga.
31 Ang mga angkan namang mula sa lipi ni Benjamin ay nanirahan sa mga bayan ng Geba, Micmas, Ai, Bethel at sa mga kalapit na nayon ng 32 Anatot, Nob, Ananias, 33 Hazor, Rama, Gitaim, 34 Hadid, Zeboim, Nebalat, 35 Lod at Ono at sa Libis ng mga Panday. 36 May mga pangkat ng mga Levita na dating nanirahan sa lupain ng Juda na napasama sa lipi ni Benjamin.
Sina Pedro at Juan sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio
4 Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio,[a] ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. 2 Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. 3 Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. 4 Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.
5 Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. 6 Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. 7 Pinatayo nila sa harap ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?”
8 Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at mga pinuno ng bayan, 9 kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, 10 nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos. 11 Ang(A) Jesus na ito
‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.’
12 Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”
13 Nagtaka ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nabatid nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito. 14 Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa. 15 Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Kapulungan, at saka sila nag-usap. 16 “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang huwag nang kumalat ang balita tungkol dito, pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman sa pangalan ni Jesus.” 18 Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsalita o magturo pang muli sa pangalan ni Jesus.
19 Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. 20 Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”
21 Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya. 22 Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.