Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezra 1-2

Pinabalik ni Ciro ang mga Judio

Noong(A) unang taon ng paghahari ni Ciro sa Persia, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Jeremias nang udyukan ni Yahweh si Ciro na isulat at ipahayag sa buong kaharian ang utos na ito:

“Ito(B) ang utos ni Emperador Ciro, ng Persia: Ibinigay sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa buong daigdig at inatasan niya ako na ipagtayo ko siya ng templo sa Jerusalem na nasa Juda. Kayo na kanyang bayan, patnubayan nawa kayo ng inyong Diyos sa pagbabalik ninyo sa Jerusalem upang muling maitayo roon ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang Diyos na sinasamba sa Jerusalem. Sinuman sa inyo na nangingibang-bayan, kung nais bumalik doon, dapat siyang tulungan ng kanyang mga kababayan. Dapat siyang bigyan ng pilak at ginto, mga bagay na kakailanganin, at mga hayop, gayundin ng mga kusang-kaloob na handog para sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem.”

Bilang tugon, agad na nagsipaghanda ang mga pinuno ng mga lipi ng Juda at Benjamin, gayundin ang mga pari at ang mga Levita, at ang mga iba pang inudyukan ng espiritu ng Diyos upang muling itayo ang Templo ni Yahweh sa Jerusalem. Tinulungan sila ng lahat ng mga nakapalibot sa kanila. Binigyan sila ng mga pilak at gintong lalagyan, mga bagay na kakailanganin, mga hayop, iba pang mamahaling gamit, bukod pa sa mga kusang-kaloob na handog para sa Templo.

Ibinalik naman sa kanila ni Haring Ciro ang mga mangkok at tasa na dinala ni Haring Nebucadnezar sa templo ng kanyang mga diyos pagkatapos na kunin ang mga iyon mula sa Templo ni Yahweh. Ipinagkatiwala ni Haring Ciro kay Mitredat na ingat-yaman ng kaharian ang pagbilang sa mga bagay na ibinalik. Ang mga ito'y binilang ni Metridat sa harap ni Sesbazar na tagapamahala ng Juda. 9-10 Ito ang bilang ng mga kagamitan:

palangganang ginto30
palangganang pilak1,000
lalagyan ng insenso[a]29
mangkok na ginto30
iba't ibang sisidlang pilak410
iba't iba pang kagamitan1,000

11 Lahat-lahat, umabot sa 5,400 ang bilang ng mga lalagyang ginto at pilak na dinala ni Sesbazar nang bumalik siya sa Jerusalem mula sa Babilonia kasama ng iba pang mga dinalang-bihag doon.

Ang Listahan ng mga Bumalik na Bihag(C)

Ito ang listahan ng mga dinalang-bihag sa lalawigan ng Babilonia na bumalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda. Nanirahan ang kanilang mga pamilya sa Babilonia simula pa nang ang mga ito ay dalhing-bihag doon ni Haring Nebucadnezar. Sa kanilang pagbabalik pinangunahan sila nina Zerubabel, Josue, Nehemias, Seraias, Reelaias, Mordecai, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana.

Ito ang bilang ng mga angkan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:

3-20 Ito ang listahan ng mga angkan ng Israelitang nakauwi:

Paros2,172
Sefatias372
Arah775
Pahat-moab (sa mga anak nitong sina Jeshua at Joab)2,812
Elam1,254
Zatu945
Zacai760
Bani642
Bebai623
Azgad1,222
Adonikam666
Bigvai2,056
Adin454
Ater (tinatawag ding Ezequias)98
Bezai323
Jora112
Hasum223
Gibar95

21-35 Ito naman ang listahan ng mga angkang nakabalik na nakatira sa mga sumusunod na bayan:

Bethlehem123
Netofa56
Anatot128
Azmavet42
Jearim, Cafira at Beerot743
Rama at Geba621
Micmas122
Bethel at Hai223
Nebo52
Magbis156
Elam1,254
Harim320
Lod, Hadid, at Ono725
Jerico345
Senaa3,630

36-39 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng pari:

Jedaias (mula kay Jeshua)973
Imer1,052
Pashur1,247
Harim1,017

40-42 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng Levita:

Jeshua at Kadmiel (mula kay Hodavias)74
Mga mang-aawit (mula kay Asaf)128
Mga bantay-pinto (mula kina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Sobai)139

43-54 Ang mga manggagawa naman ng Templo na nakabalik mula sa pagkabihag ay ang mga angkan nina:

Ziha, Hasufa, Tabaot,

Keros, Siaha, Padon,

Lebana, Hagaba, Akub,

Hagab, Samlai, Hanan,

Gidel, Gahar, Reaias,

Rezin, Nekoda, Gazam,

Uza, Pasea, Besai,

Asnah, Meunim, Nefisim,

Bakbuk, Hakufa, Harhur,

Bazlut, Mehida, Harsa,

Barkos, Sisera, Tema,

Nezias, at Hatifa.

55-57 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga sumusunod na angkan ng mga lingkod ni Solomon:

Sotai, Hasoferet, Peruda,

Jaala, Darkon, Gidel,

Sefatias, Hatil, Poqueret-hazebaim,

at Ami.

58 Ang kabuuang bilang ng mga nagmula sa angkan ng mga manggagawa sa Templo at ng mga lingkod ni Solomon na bumalik mula sa pagkabihag ay 392.

59-60 May 652 na buhat sa mga angkan nina Delaias, Tobias, at Nekoda ang bumalik mula sa mga bayan ng Tel-mela, Tel-harsa, Querub, Adan, at Imer, kahit hindi nila napatunayan na sila'y mga Israelita.

61-62 Hindi rin mapatunayan ng mga sumusunod na angkan ng mga pari ang kanilang pinagmulang lahi: Habaias, Hakoz, at Barzilai. Ang kauna-unahang ninuno ng angkang ito ay nakapag-asawa sa anak na babae ni Barzilai na Gileadita, kaya't ang pangalan ng kanilang angkan ay mula sa pangalan ng kanyang biyenan. Hindi sila ibinilang na mga pari sapagkat hindi nila napatunayan kung sino ang kanilang mga ninuno. 63 Sinabihan(D) sila ng tagapamahalang Judio na hindi sila maaaring kumain ng mga pagkaing handog sa Diyos hanggang wala pang pari na maaaring sumangguni sa Urim at Tumim.

64-67 Ang kabuuang bilang ng mga bumalik mula sa pagkabihag ay 42,360.

Ang kanilang mga utusang lalaki at babae ay 7,337.

Ang mga manunugtog na lalaki at babae ay 200.

Ang mga kabayo ay 736.

Ang mga mola ay 245.

Ang mga kamelyo ay 435.

Ang mga asno ay 6,720.

68 Nang dumating na sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem ang mga bumalik mula sa pagkabihag, ilan sa mga pinuno ng mga angkan ang nagbigay ng kusang-loob na handog upang gamitin sa muling pagtatayo ng Templo sa dating kinatatayuan nito. 69 Ibinigay nila ang buo nilang makakaya para sa gawaing ito, at ang kabuuang naipon ay 500 kilong ginto, 2,800 kilong pilak, at sandaang kasuotan ng mga pari.

70 Ang(E) mga pari, ang mga Levita, at ang ilang mga tao ay nanirahan sa loob mismo ng lunsod ng Jerusalem at sa palibot nito. Ang mga manunugtog, ang mga bantay sa Templo, at ang mga manggagawa sa Templo ay nanirahan naman sa mga karatig-bayan. Ang ibang mga Israelita ay nanirahan sa mga bayang pinagmulan ng kani-kanilang mga ninuno.

Juan 19:23-42

23 Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang kasuotan at pinaghati-hati sa apat na bahagi, isa sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. 24 Kaya't(A) nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; magpalabunutan tayo para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,

“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;
    at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”

Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.

25 Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ginang, narito ang iyong anak!”

27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay ang ina ni Jesus.

Ang Pagkamatay ni Jesus(B)

28 Alam(C) ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”

29 May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at inilapit sa kanyang bibig. 30 Pagkatanggap ni Jesus ng alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

Sinaksak ng Sibat ang Tagiliran ni Jesus

31 Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasama ni Jesus. 33 Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad lumabas doon ang dugo at tubig. 35 Ang nakakita nito ang nagpatotoo upang kayo rin ay maniwala.[a] Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya. 36 Nangyari(D) ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” 37 At(E) may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, “Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.”

Ang Paglilibing kay Jesus(F)

38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. (Dati ay inilihim ni Jose na siya'y isang alagad ni Jesus dahil sa takot niya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. 39 Kasama(G) rin niya si Nicodemo na noong una ay sa gabi nagsadya kay Jesus. May dala itong pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango at binalot sa telang lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. 41 Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. 42 Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil malapit ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.